Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Paghihigpit ng Ina ay Nagawang Magrebelde ng Dalaga; Babalik at Babalik pa rin Pala Siya sa Inang Tinalikuran Niya

Dahil sa Paghihigpit ng Ina ay Nagawang Magrebelde ng Dalaga; Babalik at Babalik pa rin Pala Siya sa Inang Tinalikuran Niya

Masyadong mahigpit si Luz sa nag-iisa niyang anak na si Consuelo. Ayaw na ayaw ng ginang na ginagabi ng uwi ang dalaga, ang gusto nito’y paglabas ng anak sa eskwela ay diretso agad sa bahay nila.

Kahit nasa kolehiyo na si Consuelo ay para siyang paslit na nasa elementarya kung tratuhin ng ina. Hindi rin siya nito pinapayagang lumabas kasama ang mga kaibigan, ang gusto ng mommy niya’y sa bahay lang dumadalaw ang mga ito at kung may gagawing projects sa eskwela kasama ang mga kaklase ay sa bahay sila gagawa. Pinagbawalan din siya ng ina na magkipag-boyfriend, ang dahilan nito’y masyado pa raw siyang bata para makipagrelasyon kahit pa nasa hustong edad na siya.

Sa isip ni Consuelo ay nagsasawa na siya sa paghihigpit sa kanya ni Luz. Pakiramdam niya ay wala siyang kalayaan. Kaya isang araw ay sinuway niya ang ina, pagkatapos ng klase ay nagpunta siya sa library para gumawa ng homeworks at nag-review na dapat ay sa bahay niya ginagawa. Sa una ay pinagsabihan lang siya ng mommy niya na huwag na iyong uulitin pero araw-araw niyang ginawa ang pag-uwi ng gabi. Pagod na siya na palagi na lamang sunud-sunuran sa kanyang ina.

Pag-uwi niya ay sinalubong siya ng galit na galit na si Luz.

“Anong oras na? ‘Di ba alas singko ang tapos ng klase mo? Pinasabihan na kita na huwag na huwag kang uuwi ng gabi, napapansin ko na inaaraw-araw mo na yata ang pagsuway sa akin ha, Consuelo? May ginagawa kang kalokohan, ano?” gigil nitong tanong.

“Galing lang po ako sa library, mommy,” sagot niya.

Ngunit mas lalong nanggalaiti ang ina.

“Sinungaling! Ang sabihin mo’y nagsine kayo ng boyfriend mo, ano? Tama ako, ano? May boyfriend ka na siguro kaya palagi kang ginagabi sa pag-uwi,” malakas na wika ng ina.

Kung dati ay walang imik si Consuelo kapag galit ang kanyang mommy, ngayon ay palaban na siya rito.

“Sinabi nang sa library ako pumunta, eh! Bakit ba ayaw niyong maniwala? Kung ayaw niyong maniwala eh ‘di sige, makikipag-date nga ako, makikipag-date ako!” matapang niyang sagot.

Hindi inasahan ng kanyang ina ang itinugon niya, sa sobrang galit ay pinagbuhatan siya nito ng kamay.

“Lapastangan!” tugon ni Luz saka sinampal ng ubod lakas ang pisngi ng anak.

Parang naalog ang ulo ni Consuleo sa lakas ng sampal sa kanya ng ina, pero saglit lang ang galit nito nang makita na namula ang pisngi niya ay agad naman siya nitong sinuyo.

“S-sorry, anak…sorry!” lumuluhang sabi ng ina na nagsisisi sa ginawa nito.

Ang mga tagpong iyon ay patuloy na naulit. Simula nang saktan siya ng mommy niya ay paulit-ulit din niya itong sinusuway at kapag sinasagot niya ito ng pabalang ay hindi nito natitiis na hindi siya pagbuhatan ng kamay, palagi siyan nitong sinasampal para matauhan siya at sumunod pero kabaligtaran ang resulta, pagrerebelde ang iginanti niya.

Nang minsang saktan siya ulit ng ina dahil gabing-gabi na naman siyang umuwi ay grabe na naman niya itong sinagot.

“Kahit saktan niyo ako’y wala ng epekto ‘yan sa akin, manhid na ako! Nagso-sorry nga kayo pero lagi niyo naman akong sinasaktan, nakakasawa na, mommy!” singhal niya.

Pagkatapos niyon ay humingi na naman ng tawad ang mommy niya at umiyak.

“H-hindi ko gustong saktan ka, anak, pero…naipangako ko kasi sa daddy mo bago siya sumakabilang buhay na hinding-hindi ko hahayaan na maligaw ka ng landas at mapariwara, kaya kita hinihigpitan. Ang lahat ng ito’y ginagawa ko dahil mahal na mahal kita anak,” hagulgol ng ina.

Ngunit hindi pinansin ni Consuelo ang pagluhang iyon ng mommy niya sa halip ay mas lalo pa siyang nagrebelde at ang kanyang paghihimagsik ay naapuyan pa ng nakalalasong payo.

“Grabe naman ang mommy mo! Makabago na ang panahon ngayon, hindi na tayo nabubuhay sa panahon ni Maria Clara kaya hindi tama ang ginagawang paghihigpit niya sa iyo. Mulat na ang kabataan ngayon, Consuelo. College student na tayo at hindi na mga batang paslit,” wika ng kaibigan niyang si Neri.

“Kaya nga hindi ko na sinusunod si mommy, eh. Ginagawa ko na kung ano ang gusto ko. Hindi na niya ako mapipigilan pa,” tugon niya.

“Tama, ganyan nga ang gawin mo. Lumaban ka sa mommy mo!” udyok ng kaibigan.

“Iyan na nga ang ginagawa ko ngayon! Gumaganti ako kay mommy, gumaganti ako! Huwag niya akong subukang saktan pa ulit kundi ay makakatikim na siya,” sambit pa niya.

“Hindi sa paglabang pisikal, andami namang paraan ng paglaban, eh, halimbawa’y gawin mong lahat ang ipinagbabawal niya,” hayag ng kausap.

Bakit nga ba hindi? Sinunod ni Consuelo ang payo ng kaibigan. Ang numero unong ipinagbabawal ng mommy niya ay ginawa niya. Kung kani-kano siyang lalaki sumasama at nagpapaligaw. Kahit sa harap ng bahay nila ay nagbibigay siya ng motibo sa kung sino mang kasama niyang lalaki para mai-report ng mga kapitbahay niya sa mommy niya.

“Ayos, nakita kaming naglalampungan ng tsismosa kong kapitbahay, tiyak na magsusumbong iyon kay mommy,” nangingising sabi niya sa isip nang minsang inihatid siya ng boyfriend niya sa kanila.

Nang malaman iyon ng ina ay para itong nauupos na kandila sa matinding galit at sama ng loob.

“Saan ako nagkamali, anak? Saan ako nagkulang?” hagulgol ni Luz sa harap niya.

Imbes na maawa ay natuwa pa siya na napapasakitan ang ina.

“Simula pa lang ito,” aniya sa sarili.

At humantong sa pinakamatinding dagok sa dibdib ng kanyang ina nang maisip niyang makipagtanan sa boyfriend niya. Nag-iwan pa talaga siya ng sulat sa kwarto ng mommy niya na nagsasabing sumama na siya sa lalaki niya.

“Ano kaya ang hitsura ni mommy kapag nabasa niya ang sulat ko?’ natatawang sabi niya habang kasama ang nobyo na dinala siya sa bahay nito ngunit ang pagsama niya rito ay isa palang malaking pagkakamali dahil matapos niyang ibigay ang sarili sa lalaki bilang bahagi ng pagganti sa kanyang ina ay magigimbal lang siya sa matutuklasan niya sa lalaking sinamahan niya.

“Hayop! Hayop ka, Rolly! Bakit hindi mo sinabing may asawa ka na?!” hagulgol niya habang pinagsasasampal ang lalaki.

Huli na nang mapansin niya ang kuwadrong nakasabit sa dingding, ang wedding portrait ni Rolly at ng asawa nito. Ang pagganti niya sa ina ay karma palang tumalbog sa kanya dahil niloloko lang pala siya ng lalaking ginamit niya para pasakitan ang sariling ina.

Mas lalo niyang ikinawindang nang madatnan sila roon ng asawa ng lalaki.

“Ano’ng ibig sabihin nito? Mga animal! Mga walanghiya kayo!” galit na galit na sambit ng babae na sinugod siya’t pinagsasampal. “Haliparot kang babae ka, kerengkeng! Sa dinami-rami ng lalaki ay asawa ko pa ang pinagdiskitahan mo, malandi!” gigil pa nitong sabi na hinablot din ang buhok niya saka siya kinaladkad palabas ng bahay ng mga ito.

Walang nagawa ang lalaki sa bagsik ng misis nito, para siyang hayop na idinispatsa sa kalye. Sa sobrang awa sa kanyang sarili, pakiramdam niya ay gusto na niyang mawala sa mundo. Saka lamang niya napagtanto na nakaganti na nga siya ng labis-labis sa kanyang ina, baka nga ikamat*y na nito kapag nalaman ang lahat ng ginawa niya, pero sa mga sandaling iyon ay nakahanda siyang bumalik sa kanila, babalik siya sa piling ng ina.

“K-kahit saktan mo ako nang paulit-ulit, kahit pat*yin mo pa ako, mommy…babalik ako sa iyo, babalik ako. Patawarin mo ako, mommy!” lumuluha niyang sabi habang naglalakad pauwi sa bahay nila.

Sa kanyang pagbabalik ay ipinagtapat ni Consuelo sa ina ang lahat, ang lahat ng pagkakamali niya, ang paghihimagsik niya, pero imbes na magalit at saktan siya’y isang mahigpit na yakap ang iginawad nito sa kanya.

“Tahan na, anak. Pinapapatawad na kita. Sana ay natuto ka na sa mga pagkakamali mo,” wika ni Luz.

“Thank you, mommy, sobrang nahihiya po ako sa inyo sa dami ng kag*gahang ginawa ko, hindi ko deserve ang pagpapatawad niyo,” humihikbing sabi ni Consuelo na puno ng pagsisisi.

“Dahil bilang ina ay hindi kita kayang tiisin. Kung ang anak ay kayang tiisin ang magulang, ang magulang ay hindi kayang tiisin ang anak,” tugon ni Luz na pinahid ang luha sa pisngi ni Consuelo.

Ang pagsubok na iyon sa mag-ina ay mas lalo pang nagpatatag sa kanilang samahan. Naging aral kay Consuelo na dapat ay sundin ang magulang dahil ang hangad lamang ng mommy niya ay ang makabubuti sa kanya. Naiintindihan na niya kung bakit siya nito hinihigpitan. Ayaw ng mommy niya na masaktan siya sa bandang huli na nangyari na nga sa kanya dahil sa katigasan ng ulo niya. Ipinangako niya sa sarili na hindi na bibigyan pa ng sama ng loob ang ina at pakamamahalin na ito.

Kung minsan ay kailangan pa nating masugatan sa pagkakauntog bago matuto sa ating mga pagkakamali.

Advertisement