
Inilayo Niya ang Anak sa Ama nito Bilang Ganti sa Pakikipaghiwalay sa Kaniya; Magsisisi Siya sa Magiging Epekto nito sa Bata
“Bakit ba tawag ka nang tawag?!” galit na anas ni Trisha sa kaniyang dating asawang si Mathew habang kausap niya ito ngayon sa telepono.
“Gusto kong makita ang anak ko, Trisha. Huwag mo namang idamay ang bata sa away nating dalawa!” tugon naman sa kaniya ni Mathew sa kaniya.
“Wala kang pakialam!” ngunit muli ay hiyaw niya sa lalaki. “Simula nang magdesisyon kang hiwalayan ako ay nawalan ka na rin ng karapatan sa anak ko. Huwag na huwag ka nang magpapakita sa amin dahil simula ngayon ay hindi ka na parte ng buhay namin!” dagdag pa niya pagkatapos ay tinapos na niya ang tawag. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataong makapagsalita ang dating asawa. Ito ang ganti niya para sa ginawa nitong pakikipaghiwalay sa kaniya.
Dalawang buwan na ang nakalilipas buhat nang mag-away sila ni Mathew dahil sa palagi niyang paghihinala na may babae ito, na kalaunan ay naging dahilan kung bakit ito nagdesisyong makipaghiwalay sa kaniya. Anito, kung walang tiwalang namamagitan sa kanilang relasyon ay mas maigi pa raw na maghiwalay na lang sila para hindi na sila magkasakitan pang lalo. Talagang labis ’yong ikinagalit ni Trisha, bukod pa sa nasaktan talaga siya sa ginawang ’yon ng kaniyang asawa. Oo nga at aminado naman siyang nagkamali siya dahil madalas siyang magpadala sa sulsol ng kaniyang mga tiyahin na ’di umano’y may babae raw si Mathew, ngunit sapat bang dahilan ’yon para iwan siya nito?
Ngayon ay sisiguraduhin niyang pagsisisihan nito ang ginawa nito sa kaniya, sa pamamagitan ng kaniyang anak. Ilalayo niya rito si Masha—ang anim na taong gulang nilang anak—hanggang sa ito na mismo ang magmakaawang magbalikan silang dalawa.
“Mama, si papa po ba ’yon?” Napalingon si Trisha sa kaniyang likuran nang marinig niyang nagtangong sa kaniya ang anak na si Masha. Malungkot ang mukha nito ngunit makikita ang kakarampot nitong pag-asa na ang ama nga nito ang kausap niya sa telepono.
Bahagyang nakaramdam ng pagkataranta si Trisha. “N-naku, anak, hindi! A-ano lang ’yon… nangungutang na naman kasi sa akin ang ninang mo kaya nagalit ako,” pagsisinungaling niya pa.
Kitang-kita niya nang bigla na lang bumagsak ang balikat ng anak niya at napayukod. “Nangako po sa akin si papa na dadalawin niya ako, mama. Bakit po hanggang ngayon, hindi niya pa rin ako pinupuntahan?” Nangingilid na ang luha sa mga mata ng bata, ngunit pinigilan niya ang awang unti-unting nabubuo sa kaniyang dibdib para sa anak. Hindi siya maaaring magpadala doon ngayon kundi ay masisira ang plano niya!
“Hindi na tayo pupuntahan ng papa mo, anak. Ayaw na sa atin n’on,” sagot pa niya na tuluyan namang ikinaiyak ng bata. Pumalahaw ito nang malakas na halos hindi na alam ni Trisha kung paano ito patatahanin!
Simula nang araw na iyon ay napansin ni Trisha ang malaking pagbabago sa kilos ng kaniyang anak na dati ay masayahin at bibong-bibo. Ngayon kasi ay nagmistulan na itong lantang gulay na walang gana sa halos lahat ng bagay na noon naman ay kaniyang kinahihiligan.
Ganoon pa man ay patuloy iyong ipinagsawalang bahala ni Trisha sa pag-aakalang lilipas din ang ‘tantrums’ ng kaniyang anak. Tutal ay bata pa naman ito at para sa kaniya ay wala itong kamuwang-muwang. Ngunit hindi akalain ni Trisha na darating ang araw na pagsisisihan niya iyon…
Nagkasakit ang anak niyang si Masha. Malubha iyon kaya naman kinailangan niya pa itong isugod sa ospital. Wala namang makitang kahit ano ang doktor tungkol sa kanilang anak, ngunit nagtataka ang mga ito kung bakit animo lantang-gulay ang bata. Hindi na nila alam kung ano ang gagawin ngunit sa kabila n’on ay hindi pa rin niya naisipang tawagan si Mathew.
Hanggang sa dumating ang resulta ng isinagawang eksaminasyon sa bata…
“Ma’am, ang anak po ninyo ay sumasailalim sa malalang depresyon na dulot ng trauma. Ayon po sa interview ng child psychiatrist namin sa bata ay nalulungkot daw ito dahil sa pagkakalayo niya sa kaniyang ama. Sa tingin ko po, magiging malaking tulong sa kaniya kung makikita niya ang tatay niya sa mga sandaling ito. Iyon lang ang tanging paraan para mailigtas natin ang anak n’yo sa labis na kalungkutang nararamdaman niya ngayon,” paliwanag sa kaniya ng doktor na labis na ikinagulat ni Trisha.
Doon ay natauhan siya. Hindi niya inaasahan na dahil sa ginagawa niyang pagganti sa asawa ay maaapektuhan n’on nang labis ang anak nila! Kaya nang mga sandaling ’yon ay dali-dali nyang kinausap si Mathew at sinabi niya rito ang lahat ng nangyari. Ang buong akala niya nga ay magagalit ito nang labis sa kaniya, ngunit hindi niya inaasahang aakuin nitong may kasalanan din siya sa nangyari sa anak nila.
Buhat noon ay nagkaayos ang dalawa at nagdesisyong pag-usapan ang kanilang problema upang hindi na muling maapektuhan ang kanilang anak. Unti-unti ay naging mas maayos muli ang kanilang pagsasama hanggang sa manumbalik ang dating saya ng kanilang pamilya kasabay ng paggaling ni Masha.