Inday TrendingInday Trending
Nang Iwanan Siya ng Dating Nobya ay Halos Gumuho na rin ang Mundo Niya; Ngunit Isang Magandang Oportunidad ang Babago ng Lahat!

Nang Iwanan Siya ng Dating Nobya ay Halos Gumuho na rin ang Mundo Niya; Ngunit Isang Magandang Oportunidad ang Babago ng Lahat!

“Ara, hindi na ba talaga natin kayang ayusin ito?” nanlulumong tanong ni Tom sa kaniyang kinakasamang si Ara habang hawak ito sa mga braso. Malamlam na ang kaniyang mga mata dahil kagabi pa siya walang tulog at puyat na puyat dahil sa magdamag nilang pagtatalo.

“Ayoko na, Tom. Itigil na natin ’to,” mariin namang sagot ni Ara sa malamig na tinig. “Noong sumama ako sa ’yo sa pagtatanan, ipinangako mo sa akin na bibigyan mo ako ng magandang buhay katulad ng pinapangarap ko. Ngunit ano ang napala ko? Lalo akong naghirap, Tom! Lalo akong naghirap sa piling mo, at hindi na ako masaya.”

Napayuko na lamang si Tom sa narinig na sinabi ng pinakamamahal niyang babae. Tila wala na siyang magagawa pa upang baguhin ang desisyon nitong iwan siya. Hindi na niya ito mapipilit na manatili sa tabi niya, kasama siya, dahil tama ito. Hindi niya kayang ibigay nag buhay na noon pa man ay pinapangarap nito.

Simula nang iwan siya ni Ara ay tila nawalan ng direksyon sa buhay si Tom. Palagi siyang umiinom, nagliliwaliw, upang kahit papaano’y ibsan ang sakit na araw-araw niyang nadarama sa tuwing maaalala niya ang magagandang pinagsamahan nila ni Ara. Bawat sulok kasi ng kaniyang bahay ay ito ang nakikita niya. Mukha ng dating nobya ang kaniyang naaalala.

Nanatiling ganoon ang lagay ni Tom nang ilang buwan. Akala niya nga ay hindi na siya makakabangon. Iyon, ay bago niya makilala si Jared… isang kaibigan, na siyang magpapakilala pala sa kaniya sa panibagong direksyon ng kaniyang buhay, tungo sa kaniyang ikatatagumpay!

Si Jared ay isang photographer na noon ay nagtatrabaho sa isang modeling agency. At nang minsang makita siya nito habang umiinom ng alak sa tabing ilog, hindi nito napigilang kunan siya ng magandang litrato na agad naman nitong ipinakita sa kaniya. Laking paghanga nga ni Tom nang makita niya ang mga kuha nito!

Matapos iyon ay inalok siya ni Jared na mag-apply sa kanilang agency, lalo pa at nangangailangan sila ng mga bagong talents na lalaki. Isang photoshoot ang nalalapit na rin nilang i-launch at maaari pa siyang makahabol upang maging isang modelo.

Wala namang mawawala kaya naman agad na sinubukan ni Tom na mag-apply nga roon, ’tulad ng sinabi ni Jared… at ganoon na lang ang galak niya, nang walang anu-ano’y tinanggap siya agad, kahit wala siyang experience sa larangang ito!

Hindi alam ni Tom kung ano ang swerteng dumapo sa kaniya, ngunit naging successful ang bawat photoshoot nila at nagustuhan ng clients ang kanilang mga kuha!

Lalo na nang ipareha siya kay Joan, ang kapatid ni Jared na nagtatrabaho rin bilang modelo sa naturang agency. Tila nag-click ang kanilang chemistry, at namalayan na lamang ni Tom na isang araw, pinag-uusapan na sila sa industriya, bilang ang pinaka-in demand na magkapareha!

Tila kay bilis ng mga pangyayari dahil sa isang iglap ay sumikat si Tom nang gan’on-gan’on na lang. Masayang-masaya siya, lalo pa at habang tumatagal ay unti-unti rin silang napapalapit ni Joan sa isa’t isa.

Hanggang sa nagkaaminan na ang dalawa at naging tunay na magkapareha sa likod nga ng camera.

Tila doble o triple ang sayang bumabalot sa buong pagkatao ni Tom ngayon, kumpara noong sila pa lamang ni Ara ang nagsasama. Ngayon ay mas buhay siya dahil kasama niya sa kaniyang pangangarap si Joan sa hirap man o ginhawa!

Dahil doon ay nagpasiya siyang alukin na ng kasal ang dalaga. Tutal ay pareho na silang matagumpay at may sapat na siyang ipon upang bumuo ng isang pamilya… at buong puso naman itong tinanggap ng kaniyang nobya!

Samantala, talagang ikinagulat ni Ara ang balitang nakarating sa kaniya tungkol sa dating nobyong si Tom. Hindi niya akalaing isang araw ay makikita niya itong laman na ng magagandang magazines habang ipinapakita ang kakisigan nito roon.

Nagbalak siyang balikan ang dating nobyo, sa pag-aakalang hanggang ngayon ay mahal pa rin siya nito… ngunit nagkakamali siya.

“Mahal ko ang girlfriend ko, Ara, kaya tantanan mo ako. Isa pa, ikaw naman ang nang-iwan, hindi ba? Please, tigilan mo na ako!” Tila sinampal siya ng katotohanan dahil sa mga katagang binitiwan ni Tom nang tangkain niya itong balikan.

Labis ang naging pagsisisi niya na hindi siya nagtiis noong ito ay walang-wala pa. Ngayon tuloy na nasa dating nobyo na niya ang lahat, iba na ang kasama nito at sa iba na nito iaalay ang tagumpay nito na dapat sana’y kaniya rin kung hindi lamang sana siya nainip noon sa paghihintay ng magandang kinabukasan sa piling nito.

Advertisement