Inday TrendingInday Trending
Natuklasan ng Babae na Pusong Mamon ang Nag-Iisa Niyang Anak, May Bonggang Sorpresa Pa Pala Ito sa Kanya

Natuklasan ng Babae na Pusong Mamon ang Nag-Iisa Niyang Anak, May Bonggang Sorpresa Pa Pala Ito sa Kanya

Tatlong taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang mister ni Sonia. Mula noon ay mag-isa na niyang itinaguyod ang ngayo’y kinse anyos na niyang anak na si Samuel. Close sila dati pero napansin niya, mula nang mag-binata ito ay nagsimula nang maging tahimik.

Minsan sinusubukan niyang makipagkwentuhan pero hindi na ito maka-relate sa mga biro niya. Palibhasa ay ibang-iba na ang henerasyon ngayon, nalulumaan na sa kanya ang anak.

Isang umaga ay katatapos lang magluto ni Sonia ng almusal. Naisipan niyang ipagbaon ng sandwich ang binatilyo para masiguro niyang healthy ang kinakain nito. Hindi naman siguro magagalit ang anak niya kung ilalagay niya na sa bag nito ang sandwich, di naman siya makikialam eh.

Baka kasi malimutan na naman sa ibabaw ng mesa. Nanlaki ng bahagya ang mata niya nang makita ang laman ng bag ni Samuel.

Isang set ng make up, iyong nabibili sa convenience store. Kumpleto ng kikay kit, may lip gloss, face powder at pampapula ng pisngi. Aba, at kapareho pa sa brand na ginagamit niya!

Kung may girlfriend na si Samuel, hindi ba dapat ay bulaklak, chocolate o teddy bear ang ibinibigay nito? Hindi kaya..beki ang kanyang anak?

“Ma naman eh! Bakit kayo nakikialam?” nagising sa pagkakatulala si Sonia nang marinig ang nagdadabog na anak mula sa likuran. Bagong ligo ito at nakasuot na ng uniform.

“Hindi nak. Ano, ah, inilagay ko lang itong sandwich mo. Baka kasi malimutan mo. Egg ang palaman niyan, walang mayonnaise at ketchup tulad ng gusto mo.” dali-daling paliwanag niya.

Hindi siya sinagot ng naiinis na binatilyo at kinuha lang ang bag nito tapos nagmano sa kanya.

“Alis na ako ma.”

Maghapong inisip ni Sonia ang tungkol kay Samuel, medyo kinakabahan siya. Hindi siya hadlang kung iyon ang pagkatao ng kanyang anak, ang ikinakatakot niya ay masaktan ito. Maisip niya palang na pinagsasamantalahan ito, minamaliit at tinatawanan ng ibang tao ay parang dinudurog na ang puso niya.

Pero nanay siya, kailangan niyang magpakatatag para sa anak. Kahit na ano pa ito, magkahawak kamay nilang haharapin ang mundo.

Napagdesisyunan niyang kausapin si Samuel pag-uwi nito pero nang buksan niya ang pintuan kinahapunan ay di siya nakapagsalita dahil may kasama ito, isa ring binatilyo.

“Ma, si Kyle po. Classmate ko. Gagawa lang kami ng project, ipe-present na kasi bukas.”

“Sige, upo lang kayo dyan sa salas at igagawa ko kayo ng meryenda-“

“Hindi na ma, sa kwarto na po kami kasi medyo masikip rito eh,” sabi lang ni Samuel at inakay na ang binatilyo na alanganing ngumiti sa kanya.

Napabuntong hininga si Sonia, ayaw niya man ay tila napukaw ang interes niya. Idinikit niya ang tenga sa pinto ng kwarto ng anak.

“Ang laki naman nyan. Kaya ko ba yan?” sabi ni Kyle. Napatakip sa bibig niya si Sonia. Diyos ko po.

“Oo naman pre. Ikaw pa ba? Magaling ka eh. Sige na naman, ngayon lang naman. Wag sanang makakahalata si Mama ha,” sagot ni Samuel.

Ilang sandali pa ay katahimikan ang nangibabaw.

“Grabe, galing mo talaga,” sabi ni Samuel. Pabulong lang ang tinig.

Hindi na kaya ni Sonia ang mga naririnig kaya pumasok na siya sa sariling kwarto. Narinig niya nalang kay Samuel na uuwi na raw si Kyle at tinanguan niya lang ito. Sa hapunan naman ay di niya masyadong pinagkikibo ang anak. Habang naghuhugas ng pinggan ang binatilyo ay di na siya nakatiis.

“Anak, kung may sasabihin ka kay Mama wag kang mahihiyang magsabi. Mas okay na sa iyo ko mismo marinig kaysa sa ibang tao. Wala kang ibang kakampi kung hindi ako. Sa akin ka lumabas kaya maski na ano ka pa ay mahal kita,” pahaging niya rito.

Hindi naman makatingin ng diretso sa kanya si Samuel, “Thank you ma.” simpleng sagot nito.

Kinabukasan ay maaga muling gumising si Sonia at ipinaghanda ng sandwich ang anak. Nagulat na lamang siya nang nakangiti itong lumabas mula sa kwarto.

“Ma, may sasabihin ako sayo,”

Panginoong mahabagin, ito na.

“Y-Yes anak?”

Masuyo siyang niyakap ng binatilyo at inabutan ng rosas.

“Happy Mother’s Day po, ikaw ang the best mama in the world. Kahit mag-isa ka lang, kinakaya mo para sa akin. Kaya nga hindi muna ako nagge-girlfriend, para makapag-aral akong mabuti at makabawi man lang po sayo,” masuyong sabi nito.

Kasunod noon ay inilabas ang make up kit na nakita niya sa bag nito, “Pasensya kana po. Ito lang ang nakayanan ko, nakita ko kasing ganitong brand ang ginagamit mo kaya pinag-ipunan ko talaga. Kaya rin po nagalit ako noong isang beses kasi baka nabuking mo na ang sorpresa ko.” napapakamot sa ulong sabi pa ni Samuel.

Hindi makasalita si Sonia, para sa kanya pala ang make up kit!

Tumayo ang binatilyo at may kinuha sa kwarto. Napahawak ang ginang sa dibdib nang makita kung ano iyon, isang malaking larawan niya na iginuhit!

“Pina-drawing ko po kay Kyle kagabi. Pinilit ko nga lang eh, kasi may date dapat sila ng girlfriend niya. Magaling po kasi siyang mag-drawing. Baka kung ako yan stickman ka lang-“

Hindi niya na pinatuloy sa pagsasalita ang binatilyo dahil niyakap niya na ito ng pagkahigpit-higpit.

“Salamat anak. Pasensya kana, mapag-isip ang mama mo. Pero totoo iyong sinabi ko, mahal kita kahit na ano ka pa,” natatawang sabi ni Sonia.

Napagkamalan niya pang beki ang anak, para sa kanya naman pala lahat ng ginagawa nito.

Advertisement