Inday TrendingInday Trending
Magsasaka ang Tatay Ko, Masama Ba?

Magsasaka ang Tatay Ko, Masama Ba?

Isang butihing estudyante si Cj. Nais niyang maging business man kaya naman lahat ay kanyang ginawa para makapasa sa mga exams, quizzes at iba pang mga akitibidad sa paaralan. Ito ay dahil na rin nais niyang masuklian ang paghihirap ng magsasaka niyang tatay. Kaya lang ay may kahinaan talaga ang kanyang ulo.

Kahit na may katandaan na ang kanyang amang si Mang Lando, hindi nito alintana ang sakit na nararamdaman sa likod para lang may maibigay na kaunting baon kay Cj.

“Nak, ito o sikwenta pesos. Medyo marami tayong benta ngayon e, kaso katulad ng dati, todo tawad ang mga mamimili.” pailing-iling ito habang inaayos ang mga bayong. “O, sige na, lumakad kana at baka mahuli ka pa sa klase mo. Mag-aral ng mabuti, nak. Ikaw lang ang pag-asa ni tatay.” nakangiting sambit ng matanda.

Si Cj lang ang nag-iisang anak ni Mang Lando. Tatlong taon na ang nakalipas noong sumakabilang buhay ang kanyang asawa kaya naman katulad ng ipinangako niya sa misis, gagawin niya ang lahat para makapagtapos ng pag-aaral ang anak.

Madalas napapaglaruan si Cj sa paaralan. Lagi kasi siyang nakikita ng mga kamag-aral na naglalakad sa initan, wala kasi siyang sobrang pera para ilaan sa pamasahe niya. Isa pa, disi otso na siya at nasa grade ten pa lamang.

“Cj, ano lasa ng init? Masarap ba? Halos 8 kilometro lagi ang nilalakad mo e. Hindi na nakapagtataka kung bakit ganyan ang kulay mo!” pang-aalaska ng isang lalaki, nagtawanan ang mga kamag-aral niyang nakarinig nito.

“Sapat lang kasi ang pera ko para maipangbili ng pagkain ko saka ipangbayad sa mga photocopy ng mga lessons natin.” matapat na sabi ng binata, habang nagpupunas ng pawis.

“Sabagay, magsasaka nga lang pala ang tatay mo, ano? Kawawa naman kayo. Kung ako sayo, magsaka ka na lang rin.” ika ng isa niya pang kamag-aral, inaarte pa kung paano magtanim, ang lahat ng nakarinig ay kumanta, “Magtanim ay di biro maghapong nakayuko!” pagkatapos ay nagtawanan ang lahat.

Nanggagalaiti na si Cj sa inis ngunit pinipigilan niya ito. Nakayuko lamang siya habang pinapakinggan ang labis na pagtawa ng mga kamag-aral.

“Gawin mong kalabaw tatay mo!” sigaw pa ng isa. Doon na siya narindi, naibato niya sa kamag-aral niyang ito ang bimpong hawak niya.

Nilapitan siya ng nasabing kamag-aral saka siya hinawakan sa kwelyo.

“Lumalaban na ang anak ng kalabaw?” matapang na ika nito, saka sinuntok sa mukha ang binata.

“Hindi niyo ba alam na hindi kayo makakalamon ng malambot na kanin kung hindi dahil sa tatay ko? Buti nga kayo nakakakain ng ganon e. Samantalang kami, kamoteng kahoy ang laging kinakain! Sariling tanim ng tatay ko ni isang butil wala siyang matikman dahil sa mga matapobreng tulad niyo!” galit na galit na ika ni Cj, saka niya naihagis sa kamag-aral ang upuan.

Dahil nga sa laking bukid ang binata, napuruhan niya sa mukha ang kamag-aral. Nabiyak ang kaliwang kilay nito at labis na pagdurugo ang sumunod.

Kinabukasan ay pinatawag ang tatay niya saka sinabing hindi na maaaring makapasok si Cj sa kanilang paaralan. Mayaman ang pamilya ng kanyang nakaaway at pinangakong magbibigay ng tulong sa paaralan huwag lang papasukin muli ang binata.

Kitang-kita ni Cj kung paano magmakaawa ang kanyang tatay para lang maipasok siya muli. Lumuhod pa ito at hinalikan ang mga paa ng mga magulang ng nakaaway niya.

“Siya na lang ang pag-asa ko, Madam, para umahon kami sa kahirapan. Parang awa mo na, hayaan mong makapag-aral ang anak ko. Pangako lahat ay gagawin namin para hindi na maulit ang insidente. Sa inyo na lahat ang maaani kong palay ngayong buwan!” ika ni Mang Lando habang umiiyak.

Ngunit hindi pumayag ang mga ito at tuluyan nang hindi nakapasok sa paaralan si Cj. Masakit man para sa kanya na matigil muli sa pag-aaral, magaan naman ang loob niya dahil naipagtanggol niya ang kanyang tatay.

“Alam mo nak, dapat hindi mo na pinatulan ang mga batang iyon. Kita mo tuloy ngayon, andito ka sa bukid, naiinitan, nagtatanim katulad ko.” malungkot na sabi ni Mang Lando.

“Ayos lang po tay. May awa naman ang Diyos, ibababa Niya ang mga nagmamataas at itataas Niya ang mga nagpapakumbaba.” buong kumpiyansang ika ni Cj habang nagtatanim ng palay.

Dumaan ang mga buwan at patuloy na nagtatanim sa bukid si Cj. Nagtangka siyang pumasok ng trabaho sa bayan, ngunit gawa ng hindi pa siya tapos sa pag-aaral, madalas ay inaayawan siya.

Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin noong minsa’y magpunta sa bukid nila ang magulang ng nakaaway ni Cj.

“Magandang umaga po, kung natatandaan niyo po, ako po yung magulang nung nakaaway ni Cj. Andito po ako para humingi ng tawad sa nangyaring insidente. Umamin na po ang anak ko na siya nagsimula ng away. Sa katunayan po, nag-ambag ambag po ang mga kamag-aral nila para maibalik muli sa paaralan si Cj, nakausap ko na rin po ang kinauukulan para sa pagpasok niya sa susunod na school year.

Pasensya na po kayo. Saka bilang kapalit po ng nagawa at masakit na nasabi ng anak ko, handa ko pong pag-aralin ang anak ninyo sa kolehiyo, bilib naman rin po kasi ako sa pagpupurisigi ng batang ito.” malumanay na ika ng babae.

Halos mapaluhod muli si Mang Lando sa mga narinig. Tuwang-tuwa niyang niyakap ang anak. Saka siya labis na nagpasalamat sa babae.

Si Cj naman, mangiyak-ngiyak na tumingin sa langit at bumuntong hininga, “Salamat sa Iyo, tunay kang may awa.”

Mahirap man ang buhay, dumating man sa puntong wala kang magawa kundi magtiis, marapat lamang na laging isaisip na dadaloy rin ang ginhawa at magiging maayos rin ang lahat. Kinakailangan mo lang manalangin at magtiwala.

www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement