Tinubuan ng Nakakatakot na Tigidig sa Mukha ang Babaeng Pintasera Matapos Lapitan ng Isang Misteryosong Matanda
Maingat na inayos ni Jelly ang buhok, tapos ay kinuha ang salamin sa loob ng bag at tinitigan ang sarili doon. Dahil siksikan ang jeep na sinasakyan ay nasagi siya ng katabi matapos magprenonng malakas ang sasakyan.
“Oh my gosh! Ano ba?!” bulyaw niya, napatingin naman sa kanya ang mga pasahero, ang iba ay umusal pa ng ‘arte’.
Umirap naman si Jelly, bwisit na mga taong to! Malamang mag-inarte siya, ang babaho kaya ng mga katabi nya! At saka, hello, may karapatan naman siyang mag-inarte dahil ang ganda niya. Alaga niya ang sarili, di bale nang maubusan siya ng pamasahe, halos lahat ng kanyang sinasahod ay napupunta lang sa pagpapaganda.
Sa katunayan, baon na siya sa utang sa mga ka-opisina sa sobrang hilig niyang bumili ng mga pampahid sa mukha. Lotion, moisturizer, facial wash, clay, charcoal mud at kung anu- ano pa. Ilang sandali pa ay bumaba na siya sa Baclaran, mayroon kasing mga jeep o cab doon papuntang sm mall of asia, katabi lang noon ang pinapasukan niyang opisina. Sumulyap siya sa orasang suot, 6:15 pa lamang ng umaga. Alas siyete ang kanyang time kaya ayos lang huwag magmadali, yakap ni Jelly ang kanyang bag habang naglalakad nang mag-ring ang cellphone niya.
“Hello?” ang kaibigan niyang si Sheena ang tumatawag.
“Saan ka na? Kape tayo! Di pa ako nag-aalmusal eh. Nandito na ako sa canteen.” sabi nito sa kanya.
“Baclaran pa lang ako eh, 15 minutes andyan na ko girl. Bwisit na bwisit ako sa mga nakatabi ko sa jeep, my goodness!” nakairap pang sabi niya, medyo malakas ang kanyang boses kaya natatawag niya ang pansin ng ibang naroon.
“Bakit? Ano bang ginawa na naman sayo?” natatawang sagot ng kanyang kaibigan.
“Sinasagi-sagi ba naman ako. Nako ha, sigurado ako lahat ng lalaki doon napapansin ako kasi yung iba construction worker, tapos yung mga babae naman ang papanget. Lalo na ang katabi ko, kaya ako siguro sinagi kasi naiinggit sa akin.” nakataas ang kilay na sabi niya.
“Grabe ka naman Jelly, baka naman hindi sinasadya. Sana nag taxi ka kung ayaw mo na sinisiksik,” komento ng babae.
“Hindi mo naman kasi naiintindihan, isipin mo umagang-umaga ay mukha ng katabi ko ang nakita ko. Girl, ang laki ng mga pimples niya, oily ang mukha. Tapos yung ilong parang laging sasabak sa giyera, nakadapa. Madilaw ang ngipin. Super dry ng buhok ang daming blackheads. Yung acne niya sa noo may nana pa, yuck talaga. I’d rather die kung ganoon ang mukha ko,” pamimintas niya.
“Grabe ka namang magsalita sa tao. Hindi ka pa rin naman sigurado, at simple lang naman ang nangyari sayo. Hayaan mo na, mamaya nabibilaukan na iyon.”
Nakaramdam ng inis si Jelly, bakit ba parang sinesermunan siya ni Sheena ngayon? Ah, pati siguro ito ay inggit sa kanya. Morena kasi ito, habang siya ay maputi at mala- porselana ang kutis.
“Alam mo wala kang kwentang kausap. Sige na, malapit na ako sa sakayan ng cab,” sabi niya at ibinaba na ang tawag, hindi na hinintay pang magsalita ang kaibigan.
“Ay! Bwisit ka! Letse kang lola ka!” napasigaw si Jelly nang nasa harap niya na ang isang matandang babae, may bitbit itong mga supot.
“Ma’am bili na kayo, beauty star.” nakangiting sabi nito sa kanya.
“Hindi, hindi ako pumapatol sa ganyan. Padaan nga, tabi dyan.” utos niya rito at nilagpasan ito.
“Sayang ang ganda-ganda nyo pa naman po, lalong mamumula mula ang skin ninyo kapag ginamit nyo ito.” pang hihikayat ng matanda.
Dahil sinabihan siya ng maganda ay napalingon si Jelly.
“Oo maganda ako at ang skin ko kaya di ko kailangan nyan. Tsaka hello, sure ka ba? Ikaw ang nagtitinda niyan? Paano naman may bibili sayo eh tignan mo nga ang sarili mo nga hindi mo mapaganda. Ang dami mong dead skin cells, yuck.” sabi niya, sabay ngisi.
“Hindi ho kasi sa akin ito, pa-benta lang ng amo ko. Galing customs ang mga ito, produkto ng Thailand. Iniba lang ang pangalan kasi may factory defect, packaging lang naman. Kaya mura, pinapaubos ko na lang kasi marami nang bumili.” kwento nito, binuksan pa nang bahagya ang bag upang makita niya na konti na lang ang laman noon.
Hindi alam ni Jelly pero tila ba naengganyo siya sa mga sinasabi ng matanda, wala naman sigurong mawawala kung susubukan niya? Tutal sabi naman ng matanda, marami na raw bumili, kitang-kita naman iyon dahil wala na ngang natira sa laman ng bag.
Maya-maya pa ay namamalayan na lamang ni Jelly ang sarili na naglalabas ng pera at binibili ang isang set ng pampaganda ng kutis. Kinagabihan, ginamit niya na iyon agad sa kanyang mukha. Medyo masakit pero normal lang daw iyon dahil matutuklap ang mga dry na skin. Natulog siyang masakit ang mukha, pero nakangiti.
Tiyak kong maraming maiinggit sa aking mga panget, humanda kayong lahat bukas. Talbog kayo lalo,sa isip isip niya.
Kinabukasan ay ganadong bumangon ang babae, medyo mabigat ang kanyang pakiramdam pero di niya iyon intindi dahil sigurado siyang parte iyon ng unti-unti niyang pagganda.
Papunta na sya sa banyo upang maligo nang mapadaan siya sa salamin.
“AAAAAAAAHHHHH!” pagkalakas-lakas na tili niya, tinubuan ng mga butlig ang kanyang mukha, may mga natutuklap ring balat mula roon.
Napaiyak na lang sya, hindi alam kung paano papasok sa trabaho nang araw na iyon. Tiyak niyang pagtatawanan siya ng mga kasamahan, ganoon kasi ang ginagawa nya palagi sa mga ito. Pero nagkamali siya, pagpasok niya ay puro pag-aalala at suporta ang ibinigay ng kanyang mga kasamahan. Mayroon pa ngang nagprisinta na samahan siyang hanapin ang matanda upang maparusahan ito.
Doon nagsisi si Jelly sa kanyang kagaspangan. Minsan ay napapaisip siya, maaaring isang ermetanyo ang matanda na tinuruan siya ng importanteng leksyon sa buhay.
Ang maging mabuti sa kapwa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!