Napilitang Hiwalayan ng Babae ang Dukhang Nobyo Sapagkat Hindi Boto ang Mga Magulang Dito, Nang Muli Silang Pagtagpuin ng Tadhana ay Tila Baligtad na ang Kanilang Mundo
“Hindi ka karapat-dapat sa anak ko, isa ka lamang hamak na anak ng janitor! Huwag ka na ulit magpapakita dito!”
Ito ang paulit-ulit na naririnig ni Mike sa kaniyang ulo habang pinipirmahan ang mga papeles na ibinigay ng sekretarya. Mga salitang huli niyang narinig matapos ilayo ang dating nobyang si Sheila ng magulang nito walong taon na ang nakakaraan.
Mula noon ay hindi na siya umibig muli, binuhos niya ang kaniyang oras sa pagbabanat ng buto at pag-iipon. Nang maglaon ay nakapagbukas siya ng kaniyang sariling kompanya. Isang ahensya na nagrerecruit ng mga security guard para sa malalaking establisyemento. Bukod dito ay mayroon din siyang ibang maliliit na negosyo.
“Sir, nandito na yung ka meeting ninyo, papasukin ko na ba siya?” Tanong ng sekretarya matapos niyang pumirma.
“Oo sige, ipagdala mo na rin siya ng maiinom.” Sagot niya.
Ilang minuto pa ay dumating na ang kaniyang makakameeting.
“Hi, good afternoon.” Bati niya dito sabay abot ng kamay.
Hindi nakapagsalita ang babae sa gulat at matagal siya nitong tinitigan.
“Mike? Ang tagal nating hindi nagkita.”
Namutla si Mike nang makitang si Shiela pala ang kaniyang makakausap.
“Shiela, kamusta, hindi ko inaasahang magkikita pa tayo.”
“Eto, alam mo naman siguro kung bakit ako nandito, matagal ng nalulugi ang mga negosyo namin, yung restaurant sana ang ibebenta namin sayo, kung magugustuhan mo. Ilang beses nang tinanggihan ito ng mga nakakausap ko, tulungan mo ako Mike.” Nanginginig na sagot ni Sheila.
“Bakit ko kayo tutulungan? Halos sipain ako noon ng nanay mo palabas ng bahay ninyo pero hindi mo man lang ako naipagtanggol.”
“Patawarin mo ako, natakot kasi ako na itakwil nila ako kapag hindi kita hiniwalayan. Wala naman akong magawa.” Paliwanag nito sa kaniya.
“Pasensya na pero wala akong maitutulong sayo, maari ka nang umalis.”
Umalis ito ng walang imik. Pakiramdam ni Mike ay isang malaking sampal sa kaniya kung tutulungan niya ang pamilyang humamak sa kanya noon. Paghupa ng kaniyang galit ay agad niyang naalala ang mukha ni Shiela, taglay pa rin nito ang mala-anghel na imahe at mapupulang labi, pero halata rito ang hirap na pinagdaraanan.
Nakonsensya siya sa inasal at muling nagpaiskedyul ng meeting kay Shiela kinabukasan.
“Hindi ko sinasadya ang naging ugali ko kahapon. Sige patingin ako ng proposal mo.” Wika niya.
“Naiintindhan ko.”
Hindi naman talaga binasa ni Mike ang proposal at pasulyap-sulyap lamang siya sa dating nobyang nakaupo sa harapan. Napakaganda pa rin nito sa paningin niya. Hindi na niya napigilan ang sarili at tinanong ito.
“May asawa ka na ba?”
Nabigla si Shiela at sumagot, “Wala Mike, abala ako sa pagsasalba ng aming kompanya hindi ko na naisip yan. Ano, nagustuhan mo ba?”
Nakaisip si Mike ng isang pilyong plano upang makaganti sa dating nobya.
“Sige tutulungan kita, bibilhin ko ang lahat ng negosyong ibinibenta ninyo at isasalba ko lahat ng iyon, sa isang kondisyon, papakasalan mo ako.”
Sa inis ni Shiela ay nasampal niya ang lalaki at agad na lumabas ng opisina. Hindi niya inakalang ang dating mabait na nobyo ay isa nang hambog. Ngunit hindi man niya maamin ay hindi naman nawala ang kaniyang pagibig kay Mike.
Isang buwan ang lumipas at mabilis na bumagsak ang kanilang kompanya, kailangan niya nang gumawa ng paraan para maisalba ito. Isang solusyon na lamang ang nakikita niya. Pikit mata siyang bumalik kay Mike at tinanggap ang alok nito.
“It’s a deal, then. Ipapaayos ko ang kasal natin sa susunod na buwan at pagkatapos noon ay ibibigay ko sa iyo ang bayad.” Panunukso ni Mike.
“Bahala ka sa plano mo, basta gawin mo ang napagkasunduan natin.” Sagot ni Shiela.
Nang sumunod na buwan ay ikinasal na nga ang dalawa na dinaluhan ng kanilang mga pamilya, taas noong ipinamuka ni Mike sa mga magulang ni Shiela ang kaniyang narating. Kinuha niya na rin si Shiela at dinala sa kaniyang malaking bahay.
“Simula ngayon ay dito kana titira, asawa na kita kaya wala ka nang magagawa. Bukas ay pumunta ka sa opisina para kunin ang bayad ko sa negosyo niyo.”
Sa araw-araw na pagsasama nila sa iisang bubong ay tila umusbong ang isang pag-iibigang naudlot. Unti-unti ay lumambot ang puso ni Mike para sa asawa at naging mabuting kabiyak naman si Shiela, ipinaghahanda siya nito ng pagkain at ginampanan ang tungkulin bilang maybahay.
Isang gabi ay umuwing lasing si Mike galing sa isang handaan.
“Ano ka ba naman, bakit ka naman naglasing, hindi ka na makatayo ng maayos, halika at aakayin kita sa kwarto.” Wika ni Shiela.
Nabubulol man ay nagawa pa ring biruin ni Mike ang asawa, “Alam mo, ikaw ha, bakit ang ganda mo pa rin, galit ako sayo eh pero pag nakikita kita hay tumitibok ulit tong puso ko.” Sabay higa sa kama.
Hindi na napigilan ni Shiela ang nararamdaman at naluha sa mga narinig, pikit man ang asawa ay binulungan niya ito. “Mahal pa rin kita Mike, hindi ‘yon nagbago.”
Kinaumagahan ay nagising si Mike na nakayakap kay Shiela, naalala niya ang mga katagang ibinulong nito sa kaniya kagabi at para siyang batang kinikilig.
Paggising ng asawa ay niyakap niya ito ng mahigpit.
“Kalimutan na natin ang nakaraan, magsimula tayo ng bago, pinapatawad na kita, magiging mabuti na akong asawa sa iyo simula ngayon.”
Labis na naantig ang puso ni Shiela sa narinig at niyakap rin ang asawa, sa pagkakataong ito ay handa na siyang ipagsigawan ang kanilang pagmamahalan tumutol man ang mundo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!