Binayaran ng Lalaki ang Ina ng Kaniyang Nobya para lang Matuloy ang Kasal Nila; Isang Masakit na Katotohanan ang Sasampal sa Kaniya

“Please, Rodora, hayaan mo akong magpaliwanag… bigyan mo pa ako ng isang chance! Pangako, magbabago na ako!” Magkasalikop ang mga palad na pakikiusap ni Jhon Paul sa kaniyang nobyang si Rodora, matapos siyang mahuli nito habang may kasamang ibang babae sa loob ng sinehan.

“Chance? Ilang tyansa na ba ang naibigay ko sa ’yo, Jhon Paul? Ilan na? Ilang tyansa na rin ba ang sinayang mo? Hindi ba, lahat? Kaya…” Sandaling huminto si Rodora sa pagsasalita upang hubarin ang singsing na suot nito na noong isang buwan lamang ay ibinigay niya rito bilang tanda ng kanilang engagement. “Ibabalik ko na sa ’yo ang singsing na ’to. Maghanap ka na lang ng ibang babaeng magpapakasal sa ’yo kahit niloloko mo siya,” dagdag pa nito at isinampal sa mukha niya ang singsing bago siya nito tinalikuran at iniwang napapanganga sa sakit habang nakawak sa pisngi niya.

Hindi makapapayag si Jhon Paul na mangyari ito. Hindi siya maaaring iwan ni Rodora ngayong malapit na ang kasal nila! Mahal niya ito at ayaw niyang mawala ito sa kaniya. Hindi naman niya talagang gusto ang mga babaeng isinasama niya sa kung saan-saan. Para sa kaniya ay laruan lang ang mga ito, hindi katulad ni Rodora na pangmatagalan.

Sa totoo lang ay ilang beses na niyang niloko ang dalaga ngunit palagi siyang pinatatawad nito. Dahil doon ay tila napanatag na ang loob niyang hindi siya iiwan nito kahit na ano’ng mangyari… ngunit mukhang nagkamali siya ng inaakala.

Ngunit paano niya ito aayusin ngayon? Ginawa niya na ang lahat ngunit talagang nagmamatigas na ang dalaga at handa na nga yata talaga siyang kalimutan! Dahil doon ay wala nang ibang paraang maisip si Jhon Paul kundi ang isang bagay…

“Please, tita, nakikiusap ako sa inyo. Kumbinsihin n’yo si Rodora na balikan ako at ituloy ang kasal namin! Kapalit no’n ay bibigyan ko kayo ng isang espesyal na regalong siguradong hinding-hindi ninyo matatanggihan,” sabi pa ni Jhon Paul na nagpakunot naman sa noo ng ina ni Rodora, si Aling Tess na kilalang utangera sa lugar ng mga ito.

“Ano naman ’yon?” tanong nito at natutuwa si Jhon Paul na makitang interesado ito.

Dahil doon ay hindi na siya nagdalawang-isip pang buksan ang laman ng dala niyang bag, at ipakita iyon sa ina ng kaniyang dating nobya. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata nito nang mapagtanto nitong ang laman n’on ay napakaraming pera!

Advertisement

“I-ibibigay mo sa akin ang mga ’yan?!” tila nagniningning ang mga matang tanong pa sa kaniya ni Aling Tess na agad namang tinanguan ni Jhon Paul.

Unti-unti nitong hinawakan ang mga perang nasa loob ng bag at nang alisin nito ang kamay sa loob n’on ay hindi inaasahan ni Jhon Paul ang susunod na mangyayari… namalayan na lang kasi niya ang malakas na pagdapo ng palad ni Aling Tess sa kaniyang pisngi na naging dahilan upang dumugo ang kaniyang ilong!

“Walang hiya ka! Gusto mong bayaran sa akin ang puri ng anak ko sa mismong pamamahay namin?! Ang kapal ng mukha mong lalaki ka! Oo, kilala ako sa lugar na ’to bilang isang utangera, pero hindi ibig sabihin n’on ay ipagbibili ko na ang panghabang-buhay na kaligayahan ng anak ko!” malakas pang hiyaw ni Aling Tess sa kaniyang mukha na talagang nagpangatog nang husto sa tuhod ni Jhon Paul!

“Lumayas ka na sa pamamahay namin kung gusto mo pang umuwi sa inyo nang buo at siguraduhin mong hindi ka na babalik dito! Hindi pera ang kailangan ng anak ko sa ’yo kundi ang totoong pagmamahal!” dagdag pa nito na nagpakaripas ng takbo kay Jhon Paul habang hawak niya ang dumudugo niyang ilong.

Gusto niyang suntukin ang kaniyang sarili dahil sa naisip niyang kalokohan. Ngayon ay tuluyan na talagang mawawala sa kaniya ang babaeng pinakamamahal niya. Wala na siyang magagawa pa kundi ang magsisi, dahil sinampal na siya ng katotohanang ang mga lalaking katulad niya ay hindi makahahanap kailan man ng totoong pagmamahal.

Samantalang si Rodora, makalipas lang ang isang taon ay masasabing nakausad na mula sa hiwalayan nila ni Jhon Paul. Ngayon ay nagpapakasaya siya sa buhay niya bilang single dahil naniniwala siyang darating din ang panahong makakadaupang palad niya ang lalaking tunay na magmamahal sa kaniya at makakasama niya habang buhay sa hirap at ginhawa.