Inday TrendingInday Trending
Agad na Nagagalit ang Ginang na Ito Tuwing may Nasasabi ang Asawa sa Kanilang Kasambahay, Naiyak Siya nang Malaman ang Ginagawa Nito

Agad na Nagagalit ang Ginang na Ito Tuwing may Nasasabi ang Asawa sa Kanilang Kasambahay, Naiyak Siya nang Malaman ang Ginagawa Nito

“Mahal, parang may iba akong napapansin sa kinuha mong kasambahay,” sabi ni Tony sa kaniyang asawa pagkauwing-pagkauwi nito galing trabaho.

“O, ano na naman ‘yon? Wala nang tumagal na kasambahay sa atin dahil sa mga reklamo at opinyon mo,” pabalang na sagot ni Joan habang nagtatanggal ng sapatos.

“Kasi naman, mahal, sa lahat ng naging kasambahay natin, siya lang ang nagsusuot ng mga damit mo kapag wala ka. Noong isang araw nga, akala ko maaga kang nakauwi dahil pag-uwi ko, suot-suot niya ‘yong paborito mong pantulog habang hinehele si baby,” kwento nito na ikinaling niya.

“Nandoon kasi ang amoy ko, baka teknik niya ‘yon para mapatahan ang anak natin kagaya ng ginagawa ng ibang tagabantay ng mga sanggol!” katwiran niya saka agad na binagsak ang katawan sa kanilang sofa.

“Hindi, eh, iba talaga, mahal. Maghanap na lang tayo ulit ng iba,” sabi nito na ikinainis niya lalo.

“Ano ka ba? Aabsent na naman ako sa trabaho dahil sa paghahanap ng kasambahay? Tumigil ka nga riyan!” sigaw niya rito saka hinagis dito ang unang nadampot niya.

Agad na nag-iinit ang ulo ng ginang na si Joan sa tuwing may nasasabi ang kaniyang asawa sa bago nilang kasambahay. Alam niya kasing maaari na naman siyang hindi makapasok sa trabaho kapag napagdesisyonan nitong muli na namang tanggalin ang naturang dalaga.

Bukod kasi sa siya na ang pinapahanap nito ng kasambahay dahil nga masyado itong abala sa kumpanyang pinagtatrababuhan, ayaw niyang mahirapan sa pag-aalaga ng kambal nilang anak at matigil sa pagtatrabaho.

Palagi niyang katwiran sa tuwing sinasabi ng kaniyang asawa na huwag na silang kumuha ng kasambahay at siya na lang ang mag-alaga sa mga bata, “Para saan pang naghirap ako sa pag-aaral kung pag-aalagain mo lang ako ng mga bata?” dahilan para siya’y pagbigyan nitong humanap ng makakatuwang.

Kaya lang, halos araw-araw umiinit ang ulo niya dahil tila ba sinasadya ng kaniyang asawa na siraan ang mga nahahanap niyang kasambahay para siya na lang ang mag-alaga sa mga bata.

Nang gabing iyon, dahil nga siya’y galit sa asawa, sa kwarto ng kanilang mga anak siya natulog. Kalmado niyang pinagmasdan ang dalawa niyang anak na mahimbing na natutulog habang hinihimas-himas ang mga ulo nito.

Sa pagmamasid niya sa kaniyang mga anak, napansin niyang may pasa sa braso at binti ang kaniyang kambal dahilan para agad niyang buksan ang ilaw at ito’y usisain.

“Saan niyo naman kaya nakuha ang mga pasang ‘to?” walang muwang niyang tanong sa sarili.

“Sabi sa’yo, mahal, may mali sa kasambahay na nakuha mo,” sabat ng asawa niyang nakasilip pala sa pintuan.

“Ano na namang sinasabi mo?” galit niyang bulong dito habang patuloy na tinitingnan ang katawan ng mga anak.

“Ito, o, pinaimbestigahan ko ‘yang kasambahay na ‘yan sa kakilala kong imbestigador. Noong isang araw ko pang nalaman na baliw siya at nakatakas lang sa mental hospital. Ngayon, tingnan mo ang bidyong nakuhanan ko kanina,” sabi nito na labis niyang ikinagulat, saka nito ipinakita ang kawalang-hiyaang ginawa nito sa kanilang mga anak.

“Diyos ko! Ang mga anak ko!” sigaw niya habang mangiyakngiyak nang makita kung paano nito pinagsususuntok ang kanilang kambal nang dumumi at magkalat ang mga ito.

“Kaya gusto kong ikaw ang mag-alaga sa mga bata, mahal. Ikaw lang ang tanging mapagkakatiwalaan kong magmamahal at mag-aalaga sa kanila. Kapag malaki na sila, hindi na kita pipigilang magtrabaho,” payo nito habang siya’y pinapakalma.

Awang-awa niyang niyakap ang kanilang kambal habang patuloy sa paghingi ng tawad sa mga ito.

“Pangako, hindi na kayo iiwan ni mommy. Wala nang mananakit sa inyo,” iyak niya.

Noon din ay napagdesisyonan nilang mag-asawa na muling ibalik sa mental hospital ang dalagang iyon. Labis man itong nagpumiglas at nagsabing normal siya, hindi nila ito pinakinggan.

“Nakita na namin lahat ng ginagawa mo sa anak namin. Huwag kang mag-alala, kung mapatunayan mong hindi ka baliw…” hindi niya natapos ang sasabihin dahil siya’y biglang niyakap nito.

“Tatanggapin niyo ulit ako bilang kasambahay?” masiglang tanong nito.

“Sa kulungan ka pupulutin,” sabi niya na ikinalungkot ng mukha nito.

Simula noon, hindi na siya muling nagsayang ng oras sa paghahanap ng kasambahay. Matiyaga niya na lang inalagaan ang kaniyang kambal na anak at sinulit ang panahong siya’y nagpapahinga sa trabaho.

Sa ganoong paraan, tiwala na siyang walang nananakit sa kaniyang mga anak, nasaksihan niya pa ang paglaki ng mga ito na labis na ikinatuwa ng kaniyang masipag na asawa.

Advertisement