Para Malaman Kung Sino sa Mga Anak ang Karapat-Dapat sa Mana ay Nagpanggap na May Malubhang Sakit ang Mag-Asawang Ito
Nabiyayaan ang mag-asawang Lito at Gina ng tatlong anak. Ang panganay na si Jared, pangalawa si Joseph at bunsong si Jenna. Mula nang ipanganak si Jared ay labis itong minahal ni Gina, kahit ipinanganak na ang dalawa pa niyang anak ay mas naging paborito niya ito, habang si Lito naman ay mas pabor sa nagiisang babae na si Jenna.
Ganito man ang sitwasyon ay minahal nila ng pare-pareho ang tatlong anak. Inalagaan, pinalaki at pinagtapos ng pag-aaral. Nang makatapos ay nagkaroon na ng kanya kanyang buhay ang tatlong magkakapatid. Si Jared ay nakapangasawa na at nanirahan sa siyudad, si Joseph ay nakikitira sa isang tiyuhin sa Maynila at nagtatrabaho, habang si Jenna ay isa nang ganap na guro na nadestino sa isang probinsya.
“Tumatanda na tayo Gina, sa tingin ko ang tamang oras na para ayusin natin ang mga iiwanan nating ari-arian sa ating mga anak.” Wika ni Lito.
“Tama ka diyan, sa tingin ko ay kay Jared natin dapat ibigay ang bahay at lupa, siya ang panganay nating anak at marapat lang na mas malaki ang makuha niya.” Sagot ni Gina
“Pero sa tingin ko ay dapat na kay Jenna ito mapunta, siya ang nag-iisang babae nating anak. Kung sakaling magkapamilya siya ay dito sila pwedeng manirahan. Pwede namang kay Jared ang sakahang lupa at kay Joseph ang bigasan.”
Bago pa humantong sa isang pagtatalo ay may napagkasunduan silang ideya kung paano nila pipiliin ang pagbibigyan ng malaking bahay at lupa.
“Inalagaan ko nang mabuti si Jared, binilhan ko siya ng lahat ng gusto niya noon, kaya nakakasiguro ako na siya ang unang dadating dito.”ayon kay Gina
“Alam kong si Jenna ang unang dadating dito, palagi ko siyang ipinapasyal noon kaya nakakasiguro ako na siya ang unang uuwi.” Sagot naman ni Lito.
Nang araw ding iyon ay sinimulan nila ang kanilang plano. Isa-isa nilang pinadalhan ng mensahe ang tatlong anak at sinabihan na sila ay may malubhang karamdaman, na kailangan nila ng tulong at pansamantalang makakasama sa bahay. Kung sino man sa tatlong magkakapatid ang unang dumating ang siyang magmamana ng bahay at lupa.
Kinabukasan ay nakatanggap sila ng mensahe mula kay Jared,
“Ikinalulungkot ko ang biglaang pagkakaroon niyo ng karamdaman, ngunit hindi ako makakauwi dahil maraming trabaho dito at kabilaan ang aking mga meeting. Huwag kayong mag alala at padadalhan ko kayo ng pera para sa inyong mga gamot.”
Labis itong ikinalungkot ni Gina, ang kanyang paboritong anak ay hindi makakauwi upang siya ay tulungan sa oras ng kaniyang pangangailangan.
“Hayaan mo na, baka talagang marami lang siyang ginagawa at hindi niya tayo maaaring unahin sa ngayon.” Wika ni Lito. Malungkot man ang asawa ay nabuhayan siya ng loob, kampante siyang si Jenna ang dadating para sa kanila.
Sa sumunod na araw ay si Jenna naman ang sumagot,
“Ma, Pa, kamusta na kayo? Pasensya na po kayo hindi ako maaring umuwi, marami pa akong lesson plans na tatapusin at maraming aktibidad ang mga estudyante sa paaralan, kung gusto po ninyo ay kumuha muna kayo ng katulong.”
Hindi lubos akalain ni Lito na wala sa kanilang mga anak ang nais na alagaan sila. Naluha siya ng bahagya nang biglang may kumatok sa pintuan.
“Pa? Ma? Andiyan po ba kayo? Si Joseph ho ito.”
Pareho silang nagulat sa narinig at nagkatinginan, muling kumatok ang anak sa pintuan at binuksan ito ni Gina. Agad namang nagmano si Joseph sa mga magulang.
“Pasensya na po kayo at ngayon lang ako dumating, inihabilin ko po muna kasi sa aking ka trabaho ang ilang gawain bago ako umalis.” Wika nito habang tinatanggal ang sapatos.
Natahimik ang magasawa na parehong hindi makapaniwala sa pagdating ni Joseph. Hindi naman kasi nila ito inasahan dahil alam nilang hindi naman ganoon kalapit ang loob nito sa kanilang dalawa. Gayunpaman ay labis silang nagagalak dahil may isa parin sa kanilang mga anak ang handang magsakripisyo para sa kanila.
Pagkapahinga ng anak ay kanila na itong kinausap at inamin ang ginawang mga plano. Nagulat si joseph sa narinig ngunit naiintindihan niya kung bakit ito nagawa ng mga magulang.
“Hindi niyo naman po kailangang gawin pa iyon, kahit ang bigasan lang ang iwan niyo sa akin ay masaya na ako. Pero ang pinakamahalaga ay ang malaman kong pareho kayong nasa maayos na kalagayan.” Wika nito
Dahil nandoon na rin naman siya ay ipinasyal niya ang mga magulang at binilan ng ilang grocery. Kumain sila sa labas at magkakasamang nanood ng sine. Mga bagay na bihira nilang gawin noon kasama si Joseph, ngayon ay napagtanto nila ang pagkukulang sa anak at ipinangakong magiging pantay na ang tingin nila sa magkakapatid.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!