Isang Bagong Lipat sa Kanilang Barangay ang Nais Mahanapan ng Chismis ng Babae; Malaking Pagkakamali Pala ang Kalabanin Ito

“Uy, mukhang may bagong lipat na naman d’yan sa tapat ng oh. Nakita mo ba ‘yung babae kanina?” tanong ni Aling Rina sa may-ari ng tindahang pinagbilhang si Aling Fe.

“Oo mare! Yung nakasakay kanina sa truck kasama yung mga gamit na pinaghahakot. Mukhang galing pa ng ibang probinsya teh!” sagot naman ni Aling Fe.

“Uy uy uy, mga mare nakita ko rin ‘yun. Tingin niyo bakit kaya lumipat iyon dito? Tingin niyo ba may malaking sikretong itinatago ‘yun na pwede na’ting maichismis dito sa barangay?” sabat naman ng isa pang ale.

Ganito sila palagi sa barangay Ilang-Ilang. Libangan ng mga ale ang magchismisan mula umaga hanggang hapon. Sa harap ng tindahan madalas tumambay ang mga chismosa at umiinom ng mga softdrinks na nakalagay pa sa plastic habang ngumunguya rin ng mumurahing chichirya.

Sino pa ba ang nangunguna kundi ang kanilang pinuno ng mga chismosa sa barangay? Walang iba kundi si Aling Rina.

Walang chismis ang makakalampas sa babae, walang makaliligtas sa matalas na tenga ni Aling Rina. Nag-a-ala Sherlock Holmes ito makasagap lamang ng maichichismis. Balakubak, kuto, alipunga, tinga, at mabahong hininga, pati away ng pamilya ay detalyadong-detalyado ang mga chismis na manggagaling sa babae. Walang tigil ang bibig nito sa pagkukuwento sa mga kapwa niya chismosa.

Simula umaga hanggang sa maghapon ay walang tigil sa pakikipag-chismis si Aling Rina. Sa sobrang sipag nitong magkalat ng chismis ay aakalain mong sumasahod ito sa ginagawa.

Nasa alas otso palang ng umaga at nakatambay na ang mga chismosa sa kanilang tambayan sa harap ng tindahan ni Aling Fe. Ang babaeng bumaba sa saksakyan at naglilipat kani-kanina lang ang pinagchischismisan ngayon ng mga ale.

Advertisement

“Siguro naman meron ‘no? At saka ano ka ba mare, sigurado namang matutuklasan din natin ‘yan. Lalo na at nandito si Mareng Rina. Siya ata ang reyna ng mga chismosa dito sa ating barangay. ‘Di ba mare?” nagtawanan pa ang mga babae.

“Oo naman. Sigurado akong walang takas sa akin ‘yang babaeng ‘yan. Dahil walang lihim dito sa mundo ang hindi ko kayang matuklasan at maichismis,” muli ay nagtawanan sila.

Napatigil si Aling Rina sa pagtawa ng mapansin ang babae na binubuksan ang pinto ng bagong bahay nito. Lumabas ang babae dahil may kinuhang isang box na nasa labas pa ng pintuan nito.

Simple lamang ang babae. May mahaba at itim na buhok. May itsura ito pero payat at halatang probinsyana.

Pinagmamasdang mabuti ni Aling Rina ang babae at halos mabilaukan siya ng kinakain niyang chichirya ng biglang lumingon ang babaeng nasa harap ng pinto na para bang alam nito na siya’y pinagmamasdan niya. Biglang nakaramdam ng kilabot si Aling Rina sa hindi niya maipaliwanag na dahilan.

Tipid siya nitong nginitian at agad ding pumasok. Nawala rin naman ang kaba ni Aling Rina, naisip niya na lamang na sadyang nagulat lang talaga siya.

Dahil halos katapat lang ng bahay ng babae ang bahay nila Aling Rina ay madali lang makasagap ng chismis ang ale na maipagkakalat niya sa barkadang chismosa nito. Kinagabihan, matapos kumain ay agad namang naglinis ng pinagkainan si Aling Rina. Habang abala sa paghuhugas ng pinagkainan ay hindi napansin ang babaeng nakalambitin pabaliktad sa ‘di kalayuang puno.

Hindi nagtagal ay tumalon agad ang babae sa bakanteng lote. Matapos maghugas ay may napansin na si Aling Rina, may naglalakad sa gilid ng kanilang bahay!

Advertisement

Sa pagtataka niya ay nagmadaling lumabas ng bahay si Aling Rina upang tignan kung sino ang babae na naglalakad sa bakuran nila. Ngunit paglabas niya ay nakita niya ang babae na naroroon na sa tapat ng bahay nila. Nanigas sa takot si Aling Rina nang makita niya kung paano maglaho sa dilim ang babae.

Sa mga sandaling ‘yun ay maririnig ang mga alulong ng aso sa labas ngunit walang ibang naririnig si Aling Rina kundi ang bilis at lakas ng tibok ng puso niya ngayon. Nang makabawi sa bigla ay agad pumasok si Aling Rina dahil sa takot dahil sa kaniyang nasaksihan.

“Paano nangyari ‘yon? Bakit parang ang bilis naman kumilos ng babaeng ‘yon?” kinakabahang tanong niya sa kanyang sarili.

Ilang oras ding minatyagan ni Aling Rina ang babae sa likod ng bintana ng kanilang bahay. Halos idikit na nga niya ang kanyang mukha sa bintana upang may maaninag sa kabilang bahay. Nakita niya naman ang babae na papasok na sa bahay nito. Nakikita niya ang pag-akyat ng babae sa hagdan dahil sa gaserang gamit nito.

“Ano ba ‘yan?! Mas madali ko sanang makikita ang babaeng ‘yan kung may ilaw lang sana siya sa bahay niya. Pisti!” inis na sabi bulong ni Aling Rina.

Laking gulat ni Aling Rina nang pagkurap lamang niya ay nakatingin na rin ang babae sa kaniya sa kabilang bahay. Naaninag niya ang mala-demonyong ngiti nito at tila ba parang nagbabago ang anyo nito. Napansin din ng ale ang paggalaw ng babae na para bang binabantayan rin siya nito.

Muli ay naramdaman ng ale ang pamilyar na kilabot na naramdaman niya ng magtama ang kanilang mga mata nung isang araw. Sa takot ni Aling Rina ay nagtago siya sa likod ng kurtina at sinubukang pakalmahin ang sarili.

“Paano niya nagawang magbago ng anyo? Anong klaseng nilalang ‘yan?!” Sa takot ay pinili niya na lamang na palipasin na muna ang gabi at ichichismis niya ang kagimbal-gimbal na pangyayari kinabukasan.

Advertisement

Umupo na si Aling Rina sa kama niya na nasa tapat ng bintana. Balot man ng takot ay pinilit na lamang matulog ni Ale. Dahil siya lamang mag-isa sa bahay ay nagtalukbong siya upang makatulog. Hindi alintana ang init basta ba’y nakabalot siya ay pakiramdam niya ay ligtas na siya.

Pagdating ng alas dos ng umaga ay nagising si Aling Rina na para bang may bumubulong malapit sa kanyang tenga. Pinilit niyang intindihin ngunit para bang ibang lengguwahe ang gamit nito. Hindi niya mapaliwanag ang salitang kaniyang naririnig ngunit pero para bang ipinaghehele siya dahil nahihilo siya sa antok.

Lumipas ang ilang minuto at hinayaan na lamang ng ale na makatulog siya at inisip na tinatakot lamang niya ang sarili niya. Ang hindi niya alam ay may babae na palang nakasilip sa kaniyang bintana at bumubulong sa awang ng bintana sa kanyang kwarto.

Unti-unting binubuksan ng babae ang bintana at mabagal na inilabas nito ang kaniyang dilang ‘sing nipis ng sinulid. Unti-unti nitong tinungo ang pusod ng tulog na babae at pinasok ang dila sa loob ng tiyan nito.

“Ako pa talaga ang sinubukan mo…” nakangising saad ng babae sa kaniyang isip, “maling-mali na ako ang pinagtuunan mo ng pansin, chismosa ka. Nakakaawa ka naman, hindi mo man lang nalaman na buntis ka pala. Dahil sa kachismosahan mo, hindi mo napansin ang mga sensyales ng pagbubuntis mo. Mukhang ako pa ata ang karma mo,” natutuwang sabi ng babaeng aswang sa kanyang isip.

Kinabukasan ay nagkagulo barangay dahil sa kagimbal-gimbal sa nangyari sa nangunguna sa chismisan sa kanilang lugar. Natagpuan na lamang ng asawa niya si Aling Rina na nakahiga sa kama at wakwak na ang tiyan at halos wala nang dugo.

Dahil sa dami ng trabaho sa opisina ay madalas na mag-overtime ang asawa ng ale para tapusin ang ginagawang mga papeles. Ito ang dahilan kung bakit madalas mag-isa lamang sa kanila nag ale. Ni wala man lang daw ideya ang kaniyang asawa na buntis ang misis nito at inaaswang na.

Simula nang pangyayaring iyon ay hindi na nagpakita pa ang babae sa may tapat ng bahay nila Aling Rina. May mga chismis na baka raw ito ang umaswang sa ale.

Advertisement

Simula rin noon ay wala nang makikitang naglalakad sa labas ng kanilang lugar pagsapit ng alas sais. Maging ang mga chismosa ay natatakot na rin makipagchismisan dahil baka raw sila na ang isunod nito.

Ang karumaldumal na pangyayaring iyon ang naging simula ng katahimikan sa Barangay Ilang-Ilang.