Araw-Araw Sinesermonan ng Kaniyang Asawa ang Lalake Upang Tumigil na sa Paninigarilyo; Huli na ang Lahat nang Nagdesisyon Siyang Itigil Ito
“Yosi na naman, Delfin!? Halos maubos mo ang isang kaha sa isang araw.” Galit na galit na sigaw ni Mona sa asawa. Tila wala namang naririnig si Delfin at patuloy na naninigarilyo sa kanilang garahe. “Pumasok ka na sa loob kaysa nagtatatarang ka diyan. Isarado mo ang pinto at papasok ang amoy ng sigarilyo!” Utos ni Delfin sa asawa.
Hindi naman makatiis si Mona at kinausap ang kaniyang biyenan. “Ma, hindi ko na ma-kontrol ang anak ninyo. Lalong napapalakas ang paninigarilyo. Ayun na nga po ang ikinamatay ni Papa, bulag-bulagan pa rin iyang si Delfin.” Tila wala namang magawa ang kaniyang biyenan, takot din ito kay Delfin dahil iba ito kapag nagalit. Ayaw na ayaw nitong napapakialaman.
Sa dalawampung taong pagsasama ni Mona at Delfin ay nagkaroon sila ng dalawang anak. Ang panganay na si Jose ay 19 anyos at ang bunsong si Jano ay 15 anyos. Naiinis na rin ang mga ito sa ama sapagkat napakatigas ng ulo. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na marami na itong nararamdaman at ayaw na ayaw nitong magpatingin sa doktor.
“Alam mo ba, Papa. Sabi sa school, mas delikado pa ang second hand smoke. Kaya sukang-suka kami nila Mama pag naaamoy yang usok ng sigarilyo mo. Kapag papasok ka sa bahay, amoy na amoy ka namin kasi kumakapit talaga ang usok niyan sa balat at sa damit. Demonyo iyang sigarilyong iyan e.” Inis na inis na pahayag ng bunsong si Jano.
“Oo, alam ko! Kaya nga sa malayo ako naninigarilyo. Hayaan niyo, mamamatay na rin ako. Ito na nga lang ang kasangga ko sa istress ko sa trabaho. Lalo niyo pa akong iniistress pag-uwi ko dito sa bahay!” Galit sa saad ni Delfin sa anak.
Nagdaan ang ilang araw at napapansin ng magkapatid na palagi na lamang nakahiga sa sofa ang kanilang ina. Nasanay silang pagkagising ay nakahanda na ang kanilang mga uniporme at agahan ngunit dalawang araw nang hindi naghahanda ang ina. Hindi ito mapakali kapag walang ginagawa sa bahay. Ibang iba ang panghihina nito ngayon. Nagaalala na sila dito. Nang malaman ni Delfin ito’y agad ipina-check up ang asawa.
Nakita sa X-ray na may tama na pala ito sa baga. Tila nagkatotoo ang ikinakatakot ng kaniyang mga anak at asawa. Matagal ang paggagamot ang kailangan ni Mona. Hindi na rin muna ito puwedeng magtrabaho ng mabigat.
Sinubukan naman ni Delfin na bawasan ang kaniyang paninigarilyo. Sa una’y hirap na hirap siya ngunit nilabanan niya ang kapritso ng kaniyang katawan hanggang sa nawala na ito sa kaniyang sistema.
Makalipas ang pitong buwan ay nagbabalik na ang lakas ni Mona. Napakasaya nito sapagkat tumigil na sa bisyo ang asawa.
Mula noon ay naging maselan na ang mag-asawa sa kung ano ang kanilang kakainin. Ingat na ingat sila sa kanilang kalusugan sapagkat bata pa ang kanilang mga anak at kailangan pa sila ng mga ito.
Isang araw, umuwi galing eskuwelahan si Jose. Pagod na pagod ito kaya’t hindi na nagawang iakyat ang mga gamit sa kuwarto. Dahil walang pasok ay abala sa paglilinis si Delfin upang makapagpahinga muna ang asawang si Mona. Nang makitang nakakalat ang bag ng anak sa sofa ay binuhat niya iyon upang ipasok sa kuwarto ng panganay na anak, nagulantang siya ng bumagsak ang isang kaha ng sigarilyo mula sa bag ng anak.
Agad niyang kinompronta ang anak. “Papa, sorry po. Stress na stress na po kasi ako sa eskuwelahan. Dala na rin siguro ng barkada dahil halos lahat sila ay naninigarilyo na.” Saad ni Jose.
Tila sampal sa ama ang narinig mula sa anak. Hindi siya naging magandang ehemplo dito. Napagtanto naman niya na hindi pa huli ang lahat. Gagawin niya ang makakaya upang mapatigil ang anak sa bisyong nagbigay ng sakit sa asawang si Mona.
Lumipas ang ilang buwan, inoobserbahan ni Delfin ang anak at tila lalo pang nalulong ito sa bisyo. Higit pa roon, natuto na rin itong uminom. Nagtataka rin si Delfin kung bakit parang nakakaramdam siya ng panghihina. Siguro’y sa edad niya na rin iyon. Pinipilit na siyang magpatingin ng asawa ngunit nagmamatigas ito hanggang sa isang araw ay bigla na lamang itong namaos.
Pilit na siyang dinala ng asawa at mga anak sa ospital, napagalamang may tumubo na palang tumor sa kaniyang lalamunan. Nawindang ang lahat sa nabalitaan. Kung kailan wala na siyang bisyo ay saka naman siya siningil ng tadhana. Sadyang mapaglaro talaga ito.
Dahil nasa tamang edad na rin naman ay nagretiro na sa trabaho si Delfin, sapat naman ang nakuha nitong pera upang magpagamot at matustusan ang pangangailangan ng pamilya. May pensiyon din naman ang mag-asawa kada buwan.
Kinausap ni Jose ang ama habang ito’y nakahiga lamang sa kama at namamahinga. “Papa, tinigil ko na po ang aking mga bisyo. Nangako po ako sa Diyos na ititigil ko na ang lahat basta lamang gumaling na kayo, Pa. Mahal na mahal ko kayo at ayokong mawala kayo ni Mama sa buhay namin ng kapatid ko.”
Tumutulo ang luhang niyakap ni Delfin ang anak. Pumasok naman sa silid si Mona. Inamin ni Jose ang kaniyang pagkakamali sa ina at naunawaan naman siya nito.
Nakapagtapos ng pag-aaral si Jose at pinatuunan nito ng pansin ang mga magulang higit sa sinoman. Ilang taon din ang nakalipas at nakapag-asawa ito at nagkaroon ng anak. Aliw na aliw ang mag-asawa sa kanilang apo.
Ang mga nalabing oras sa buhay ni Delfin ay naging maligaya sa piling ng pamilya. Napagtanto niya na ang kalusugan ay walang katumbas na halaga. Binawian ito ng buhay sa edad na 67. Malungkot man ay natanggap naman ito ng buong pamilya at nagpasalamat sa Diyos sapagkat mapayapa naman ang pagkawala ng kanilang ama at hindi na ito nahirapan pa.
Nakapag-tapos at nakapag-asawa na rin ang bunsong si Jano.
Nagsilbing aral naman sa dalawang magkapatid ang nangyari sa ama kaya’t naging maingat ang mga ito pagdating sa kalusugan ng sariling mga pamilya.
Sa edad na 78, si Mona ay nananatiling malakas at doon pa rin naninirahan sa sariling bahay nila ni Delfin. Tuwing Sabado at Linggo ay regular siyang dinadalaw ng mga anak at apo.
May bisyo din ba kayo na inyo nang itinigil o sinusubukang itigil? Kaya niyo yan! Ano ang masasabi ninyo sa kuwento? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.