Matagal na ang Lihim na Pag-ibig ng Binata sa Matalik na Kaibigan ng Kapatid; Sa Haba ng Kaniyang Paghihintay ay Sila pa rin ang Nagkatuluyan

Hindi maiwasan ni May na makaramdam ng kaunting pagkahabag sa kaniyang Kuya Nathan nang makita niya itong nakatitig sa kaibigan niyang si Audrey. Kinasal si Audrey nang araw na iyon sa matagal na niyang kasintahang si Ralph. Ngunit lingid sa kaalaman ng dalaga ay matagal nang may pagtingin sa kaniya ang nakatatandang kapatid ng kaniyang pinakamatalik na kaibigan.

“Gusto mo pa rin hanggang ngayon si Audrey, kuya, ano?” bungad ni May sa kaniyang kapatid.

“Sira, ano bang sinasabi mo riyan? Tingnan mo nga at kinasal na siya. May asawa na si Audrey,” tugon naman ni Nathan habang mababanaag mo sa kaniyang mga mata ang lungkot. 

“Huwag ka na ngang magkunwari pa, Kuya Nathan. Alam ko namang kahit kailan ay hindi nawala sa puso mo ‘yang best friend ko. Ikaw kasi, e, hindi mo pa agad sinabi sa kaniya ang nararamdaman mo. Tingnan mo ngayon at kinasal na siya,” wika pa ni May. 

Napabuntong hininga si Nathan.

“Sa tingin mo ba kung sinabi ko sa kaniya na mahal ko siya ay may magbabago? Wala naman, hindi ba? Kita ko naman sa mga mata na kung gaano niya kamahal ‘yang si Ralph. College pa lang sila ay magkasintahan na sila. Sa totoo lang ay sasabihin ko na sana kaso bigla ko na lang nabalitaan na ikakasal na siya. Bakit ba kasi ang bilis ng mga pangyayari?” pahayag naman ni Nathan. 

“Sa atin lang ito, Kuya Nathan, ha? Huwag na sanang makalabas pa sa iba. Buntis kasi si Audrey ngayon. Bago niya nalaman na buntis siya ay natuklasan niyang niloko siya ni Ralph. Maghihiwalay na sana sila ngunit gano’n nga ang nangyari. Ayaw nga panindigan ni Ralph ‘yang kaibigan ko. Hindi pa raw siya handa. Pero para makaiwas na lang sa kahihiyan ay ipinakasal na lang ng mga magulang,” kwento ni May. 

Lalo nalungkot si Nathan sa kaniyang narinig. Nang mapatingin ang binata sa napangasawa ni Audrey ay halata sa mukha nito na hindi masaya sa mga nangyayari.

Advertisement

Ilang sandali pa ay lumapit si Audrey sa mesa kung saan naroon sila May at Nathan.

“Maraming salamat talaga sa lahat ng tulong mo, bes, kung wala ka ay hindi ko alam paano ko mapapaganda itong kasal namin ni Ralph. Tunay ka talagang kaibigan,” wika ni Audrey kay May.

“Ano ka ba? Kaya mo nga ako best friend, e. Handa akong tumulong sa lahat ng pagkakataon,” tugon naman ng dalaga.

“Siya nga pala, nakakatuwa at naisama mo din dito si Kuya Nathan. Tingnan mo naman at ngayon ko lang ata nakitang nakapormal itong si kuya,” pabiro pa ni Audrey. 

“Ikaw talaga, wala kang ginawa kung hindi asarin ako. Binabati kita, Audrey! Nawa’y maging maganda ang pagsasama n’yong dalawa ni Ralph,” wika naman ni Nathan.

“Maraming salamat talaga sa inyong magkapatid. O siya, babalik muna ako do’n sa harap at may mga programa pa. Bes, isali mo si Kuya Nathan kapag may palaro,” nakangiting wika muli ni Audrey. 

Sa buong gabi na iyon ay pinipilit ni Nathan na maging masaya na lamang para kay Audrey. Nagdesisyon siya na ang kaniyang nararamdaman para sa matalik na kaibigan ng kapatid ay tuluyan na lamang niyang ibaon sa limot.

Hindi naging madali ito para kay Nathan.

Advertisement

Samantala, hindi rin naging madali ang buhay may-asawa para kay Audrey. Bukod kasi sa walang habas na pagsusugal ni Ralph ay palagi rin niya itong nahuhuli na nambababae. Bukod pa roon ay madalas na wala ito sa bahay. Ngunit hindi iniwan ni Audrey itong si Ralph sa pag-aakalang isang araw ay magbabago rin ito. 

Hanggang dumating na ang araw ng panganganak ni Audrey. Sumasakit na ang kaniyang tiyan ngunit wala pa rin ang kaniyang asawa. Hindi ito umuwi buong gabi. Sa takot na baka pagalitan ng kaniyang mga magulang si Ralph ay si May na lamang ang tinawagan ni Audrey. 

“Sige, bes, papunta na ako riyan. Hihiramin ko muna ang sasakyan ni Kuya Nathan. Umupo ka lang at huminga ka nang maayos. Sandali na lang at malapit na ako!” natatarantang wika ni May. 

Nang malaman ni Nathan ang nangyayari ay agad siyang sumama. Siya na ang nagmaneho ng sasakyan papunta sa tinutuluyan ni Audrey upang sunduin ito at dalhin agad sa ospital.

Mabuti na lamang at nadala agad si Audrey sa ospital dahil kung hindi, maaaring nalagay pa sa alanganin ang buhay ng mag-ina. 

“Nasaan ba ang asawa mo kasi, Audrey? Alam naman niyang anumang oras ay manganganak ka na bakit wala siya sa tabi mo?” naiinis na tanong ni May.

“H-hindi ko rin alam, bes. Kahapon pa siya wala sa bahay. Sa totoo lang ay nahihirapan na ako sa pakikisama ko kay Ralph. Tinitiis ko na lang para sa anak ko. Ayaw ko siyang lumaking walang ama. Saka isa pa ay kasal kami. Sana pag nakita na niya itong baby namin ay tuluyan na siyang magbago,” umiiyak na wika ni Audrey.

Habang walang patid sa pagluha itong si Audrey ay walang sawa namang pinagmamasdan ni Nathan ang napakagandang sanggol habang kaniyang karga. Nang mapansin ito ni May ay hindi nito maiwasan na kantiyawan ang nakatatandang kapatid.

Advertisement

“Damang-dama mo naman ang pagiging isang ama, Kuya Nathan. Pero sa totoo lang ay bagay sa’yo!” wika ni May.

Nahiya naman si Nathan sa tinuran ng kapatid at agad itong dumepensa.

“Gusto ko lang namang makatulong dito kay Audrey. Hayaan mo, Audrey, habang wala si Ralph ay kami muna ni May ang mag-aasikaso sa iyo,” wika naman ni Nathan.

Ganito nga ang nangyari dahil imbis na asikasuhin ni Ralph ang bagong panganak na asawa ay lalo pang lumayo ang loob nito. Inis na inis rin ito sa tuwing umiiyak ang sariling anak.

Hanggang sa isang araw nga ay natuklasan na lang ni Audrey na patuloy pa rin pala si Ralph sa pakikipagrelasyon sa kalaguyo nito. Kahit pala ikinasal at nagkaanak na sila ay patuloy pa rin ang pakikiapid nito sa iba. 

“Hanggang kailan mo ba ako balak pahirapan, Ralph? Hindi pa ba sapat itong anak mo para magbago ka na?” pagtangis ni Audrey.

“Ikaw lang naman ang nagsusumiksik sa akin! Ikaw lang ang may gusto na makasal tayo! Hindi ba’t kayo nga mismo ang gumastos sa kasal para lang matuloy. Kaya huwag mo akong sumbatan dahil una pa lang ay tutol na ako sa pagpapakasal natin. Matagal na kitang hindi mahal!” sumbat pa ng mister.

Halos gumuho ang mundo nitong si Audrey dahil sa lahat ng kaniyang narinig. Wala na siyang nagawa pa kung hindi putulin na ang relasyon nila ni Ralph.

Advertisement

Nang maghiwalay ay mag-isang itinaguyod ni Audrey ang kaniyang anak. Umuwi sila sa poder ng kaniyang mga magulang upang may katulong siya sa pag-aalaga sa bata para siya naman ay makapagtrabaho.

Lagi lang ding nakasuporta ang magkapatid na May at Nathan kay Audrey dahil alam nilang hindi madali ang pinagdadaanan nito.

Isang araw ay napansin ni May na parang balisa ang kaniyang kapatid.

“Ayos ka lang ba, kuya? Bakit parang hindi ka mapakali?” tanong ni May sa kapatid.

“May, alam mo namang kahit kailan ay hindi nawala ang pag-ibig ko kay Audrey. Sa tingin ko kasi ay sapat na ang panahon na hinintay ko. Nais ko nang aminin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman,” wika naman ni Nathan.

Sinuportahan ni May ang balak ng kapatid. Nang gabi ding iyon ay hindi na umatras pa si Nathan at tuluyan nang inamin ang kaniyang nararamdaman kay Audrey.

“Matagal na kitang mahal, Audrey, kaso hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’yo dahil may iba kang mahal. Alam kong hindi pa handa ang puso mo na magmahal muli ngunit handa akong maghintay. Handa akong patunayan sa iyo na dalisay ang hangarin ko at tapat ang pagmamahal ko sa inyo ng anak mo. Sana’y payagan mo ako na ligawan ka,” pahayag ni Nathan kay Audrey. 

Matamis ang naging sagot ni Audrey. Simula noon ay hinayaan ni Audrey na ligawan siya ni Nathan. Sa tuwing naiisip niya ang lahat ng kabutihan sa kaniya ni Nathan ay hindi niya maiwasan na tuluyang mahulog ang loob niya dito. Lalo na sa tuwing nakikita niyang mahal ni Nathan ang kaniyang anak. 

Advertisement

Hindi nagtagal ay tuluyan na ring sinagot ni Audrey si Nathan.

“Hindi ko alam kung bakit naging bulag ako sa pag-ibig. Hindi ko akalain na ang pag-ibig na hinahanap ko ay nasa tabi ko na pala. Maraming salamat dahil sa kabila ng lahat ng kamalian ko sa buhay at sa lahat ng pinagdaanan ko’y nariyan ka, Nathan. Kung may isa akong pinanghihinayangan ay iyong sana’y ikaw na talaga ang ama ng anak ko,” sambit ni Audrey kay Nathan.

“Hindi man nanggaling sa akin ang bata ay pangako kong mamahalin ko siya nang buong puso ko. Mahal ko kayo ng anak mo at walang magbabago do’n. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil sa haba ng paghihintay ko’y sinagot mo na rin ako,” wika naman ni Nathan. 

Naging masaya ang pagsasama nila Nathan at Audrey. Dalawang taon ang nakalipas at napawalang bisa ang kasal ni Audrey kay Ralph kaya tuluyan nang nagpakasal ang dalawa.

Samantala, hindi naman naging maganda ang relasyon ni Ralph sa kaniyang kalaguyo. Naghiwalay rin sila dahil sa labis na pagkakabaon nito sa utang dahil sa pagsusugal. Pilit mang bumabalik si Ralph ay Audrey ay wala na siyang puwang sa puso ng kaniyang mag-ina.