Inday TrendingInday Trending
Sa Kagustuhang Yumaman ng Mag-asawa Ito ay Ipinagpaliban na Muna Nila ang Pagkakaroon ng Supling Ngunit Labis Nilang Pinagsisisihan ang Desisyong Iyon sa Huli

Sa Kagustuhang Yumaman ng Mag-asawa Ito ay Ipinagpaliban na Muna Nila ang Pagkakaroon ng Supling Ngunit Labis Nilang Pinagsisisihan ang Desisyong Iyon sa Huli

“Gina, ano? Susugal ka bang kasama ako? Mamuhay na tayo ng tahimik at magsimula tayo ng ating pamilya,” saad ni Art sa kaniyang nobya.

“Matagal ko nang hinihintay na sabihin mo iyan Art, matagal ko nang gustong umalis sa madilim na mundong ito at ikaw lang ang lalaking gusto kong makasama sa bawat umaga at gabi ng aking buhay,” sagot ni Yna sa nobyo at niyakap ito.

Parehas na nagtratrabaho sa bar ang dalawang ito, parehas na sumasayaw na sapatos lang ang suot ngunit hindi iyon naging balakid upang mabuo ang puro at malinis na pag-iibigan ng dalawa sa isat-isa. Kaya ngayon ay napagpasyahan nilang mamuhay katulad ng mga normal na tao.

Nagtrabaho bilang waiter sa ibat-ibang kainan si Art samantalang nakapasok naman kaagad sa isang Japanese restaurant si Yna at agad na nakuha ng babae ang loob ng may-ari kaya napromote ito mula sa pagiging kahera ngayon ay manager na.

“Akalain mo nga naman mommy, aasenso tayo ng ganito na hindi na natin kailangan pang maghubad? E di sana dati pa pala tayo sumugal sa ganitong buhay,” wika ni Art sa nobya habang sila ay nasa kanilang salas at nanonood ng telebisyon.

Parehas na highschool ang tinapos ng dalawang ito at kaya nakapagtrabaho sa bar ay dahil sa hirap ng buhay na walang matinong kumpanya ang tumatanggap sa kanila. Kung hindi mababa ang sahod ay hindi permanenteng posisyon ang kanilang nakukuhang trabaho.

“Kaya daddy, magtrabaho muna tayong maiigi at mag-ipon. Pwede bang saka na lang muna ang baby?” baling ni Yna sa lalaki.

“Oo naman, walang problema. Sa totoo lang, yan din ang gusto kong sabihin sa’yo para naman ma-enjoy muna natin ang ganitong buhay. Para kapag nagka-anak na tayo ay may pera na tayong magagastos para sa kanila. Tsaka uunahin muna natin ang magpakasal,” sagot naman ni Art na nakangiti.

Si Art ay nasa 26 anyos, si Yna naman ay nasa 24 anyos at parehas na ayaw pang pasukin ang pag-aanak dahil gusto nga ng dalawa ay mag-ipon muna ng mag-ipon para sa kinabukasan at dahil ayaw na rin nilang bumalik pa sa dating mahirap na isang kahig isang tukang pamumuhay.

Bukod sa pagiging manager ng babae sa restaurant na pinapasukan ay napakiusapan rin niya ang haponesang amo na sila na lamang ang magsusupply ng mga sangkap sa kusina, katulad ng mantika, harina, gulay at prutas. Kaya naman itinigil na ni Art ang pagiging waiter at tinutukan ang kanilang nakuhang negosyo.

Hindi nagtagal ay napayabong ni Art at Yna ang negosyo nila, naging supplier pa sila sa mga katabi nitong restaurant at di maitatangging malaki na ang naipon ng dalawa. Nakapagpatayo na sila ngayon ng sarili nilang bahay na may limang palapag, may dalawang magarang kotse, malaking pera sa bangko at nakapagpakasal na rin sila ng magarbo.

Natulungan na rin nila ang kani-kanilang mga pamilya, si Yna ngayon ang nagpapagamot sa kaniyang lola na may diabetis habang si Art naman ay pinag-aaral ang mga pinsan niya sa probinsya. Naibangon na rin nila ang mga sarili sa dating mahirap na imahe, kung dati ay takot silang pumasok sa isang kainan dahil baka hindi nila makayanan ang presyo ng mga pagkain, ngayon ay wala nang hadlang tungkol sa pera. Nakakapasok na rin sila sa mga mamahaling hotel para doon magbakasyon at nakakatungtong sa casino at ibat-ibang lugar pasyalan.

“Hindi pa ba kayo masaya sa narating ninyo? Wala ba kayong balak mag-anak?” tanong ni Aling Susan, ang nanay ni Art na pinaluwas ng lalaki para sa pagdiriwang ng pasko.

“Bata pa naman ho kami mama, ako ay 28 anyos pa lamang at sexy rin ho. Hindi ako mahihirapang manganak o mabuntis,” saad ni Yna sa kaniyang manugang.

“Naku! Hindi ba’t umiinom ka ng pills? Ilang taon ka nang gumagamit noon, may side effects din ang mga gamot na iyan at baka makaapekto pa sa magiging apo ko,” banat naman ng ale.

“Naku mama, hindi pa po kami mayamang-mayaman! Kaya hindi pa kami mag-aanak. Target ko munang makalimang milyon sa bangko saka kami bubuo ng apo niyo,” singit ni Art sa dalawa.

“Pag hindi pa kayo nagka-anak ngayon ay uugod-ugod na kayo pero bata pa rin ang apo ko. Walang silbi ang kayamanan kung wala ka namang anak,” wikang muli ni Aling Susan.

“Sa inyong matatanda lang iyan effective mama! Sa aming maraming pera, hindi mo na maiisip mag-anak pa!” tumatawang baling ni Art. Hindi na lang sumagot ang matanda at pinabayaan na lamang ang mag-asawa, ayaw niyang masabihang pakialamera.

Tinignan ni Art ang kanilang passbook at napagtantong simula noong pumatong ng isang milyon ang pera nila sa bangko ay hirap na siyang dagdagan ito. Dahil na rin sa dumadami nilang gastusin, bayarin sa kotse, kuryente at mga bagong telepono at sa kanilang pang araw-araw na buhay ng asawa na halos triple ang gastos nila kumpara dati.

Lumipas pa ang limang taon at ngayon ay 35 anyos na si Art ngunit isang milyon pa rin ang naiipon niya, halos ang kinikita niya sa negosyo ay sapat lamang para matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

“Mommy, magkaka-anak pa kaya tayo nito?” tanong ni Art sa asawa.

“Oo naman, tignan mo kapag hininto ko ang pills ko e mabubuntis ako kaagad,” sagot naman ni Yna sa asawa.

Kaya naman agad niyang itinigil ang pag-inom ng pills. Pursigido na silang sumugal sa pagkakaroon ng anak kahit pa nga hindi umabot ang kanilang ipon sa limang milyon. Sinubukan nila ng maraming beses ngunit hindi sila makabuo, sabi naman ng doktor ay kaya pa raw magbuntis ni Yna yun nga lang ay mahihirapan na ito dahil sa kaniyang edad.

“Mali palang inuna natin ang pera kaysa sa pamilya. Sana pala sumugal na tayo katulad ng maraming tao, baka sana ngayon may kasama na tayong mga supling natin,” malungkot na wika ni Art habang magkahawak kamay sila ng asawa at papasok sa simbahan.

Sa tinagal-tagal na panahon ay ngayon pa lamang papasok ang dalawa sa simbahan sa Baclaran kahit napakalapit lang nito sa kanilang bahay.

“Magdasal lang tayo at huwag mawalan ng pag-asa daddy,” sagot naman ng babae at sabay silang nagdasal ng mataimtim. Nagsindi rin sila ng kandila at nag-alay ng kung ano-ano.

Pagkalipas ng tatlong taon ay nagdalang tao na si Yna at naipanganak naman niyang malusog ang bata. Ngayon nila napapagtanto na iba ang ligayang dulot ng pera sa ligayang dulot ng isang anghel na galing sa langit na sana pala ay mas inuna nila o di kaya naman mas inagahan pa nila ng kaunti, dahil bawat oras at segundong kasama ang supling ay higit sa milyon ang katumbas na ligayang naidudulot nito sa kanilang buhay.

Advertisement