Ang Laki ng Inggit ng Dalaga sa Kanyang Pinsan, Laking Pagsisisi niya nang Akitin ang Nobyo Nito
Palaging sinisiraan ni Shirley ang kanyang pinsan na si Missy. Mga bata pa lamang sila ay malaki na ang inggit nito sa pinsan dahil matalino si Missy at paborito ng mga guro nito.
Si Shirley naman ay lumaki sa luho at materyal na bagay. Dahil sa nakapagtrabaho ang nanay nitong si Aling Susana sa Dubai ay pinagbibigyan nito ang mga kapritso ng anak kaya lumaking materyoso ang dalaga. Pero kahit nasa kanya na ang lahat ay panay pa rin ang paninira niya sa pinsan.
“Alam niyo ba, super itim ng kili-kili ni Missy!” sabi ni Shirley sa mga kaibigan nito.
“O, talaga ba? Parang hindi naman halata sa pinsan mo kasi maputi siya, e!”
“Maputi siya, oo pero kapag nakita niyo na ang pinakatago-tago niyang lihim ay magigimbal kayo!” aniya.
Nang mapadaan si Missy sa kinauupuang bench nina Shirley ay nakita niyang nagtatawanan ito at nakatingin sa kanya.
“Ano na naman kayang itsinismis ng magaling kong pinsan?” inis na wika ng dalaga sa sarili.
Kahit ganoon ang ginagawa ng pinsan ay nanatili pa ring mabait si Missy. Hindi niya pinapatulan ang mga paninira nito. Iyon kasi ang turo sa kanya ng kanyang ina, na huwag papatulan ang mga taong gumagawa ng hindi maganda sa kanya.
Lalo namang nainggit si Shirley nang malamang nakapasa si Missy sa isa sa pinakatanyag na unibersidad sa bansa. Samantalang siya naman ay bumagsak sa entrance exam.
“Ma, gusto ko ring pumasok don! Maktol nito habang kausap ang ina sa cellphone.
“Pero anak, di ba nga hindi ka pumasa? Baka hindi para sa iyo ang unibersidad na iyon!” anito.
“Basta, ma, gusto ko dun! Gawan mo naman ng paraan!”
Walang nagawa si Aling Susana kundi pagbigyan ang anak. Kinausap nito ang kaibigang nagtatrabaho sa gustong unibersidad ni Shirley para tulungan na makapasok ang anak kahit hindi ito nakapasa sa entrance exam.
Natupad ni Shirley ang pangarap na makatuntong sa gusto nitong unibersidad, kahit pa alam niya na hindi kaya ng kanyang utak ang mag-aral doon. Ayaw lang niyang magpatalo sa pinsang si Missy, ang gusto niya ay kung ano ang mayroon ito ay mayroon din siya at kung ano ang gagawin nito ay gagawin din niya. Pinili ni Missy na kumuha ng kursong Accountancy, gaya ng pinsan ay iyon din ang kinuha niyang kurso kahit mahina siya sa numero.
Isang araw ay namomroblema si Shirley sa nalalapit na exam. Hindi kasi niya iniintindi ang mga aralin kaya nahihirapan siya sa pagrereview. Nakita siya ni Missy na halatang hirap na hirap sa binabasa kaya nilapitan siya nito.
“Shirley, gusto mo tulungan kita sa pagrereview?” alok ng pinsan.
“Ha, naku hindi! Kayang-kaya ko ‘to! Hindi ko na kailangan ang tulong mo!” pagmamayabang niya.
Dahil sa inasal niya ay kusang umalis si Missy at iniwan siya. Ayaw niyang magpatulong sa kanyang pinsan dahil ayaw niyang magkaroon ng utang na loob rito.
Nang sumapit ang exam ay hirap na hirap si Shirley na sagutin ang mga tanong sa test paper kaya ang naging resulta ay bumagsak siya. Nalaman niya na si Missy ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa exam kaya nanaig na naman sa kanya ang inis at inggit sa kanyang pinsan.
Hindi lang sa klase ang tunggalian ng dalawa, maging ang buhay pag-ibig ng pinsang si Missy ay labis ring kinainggitan ng dalaga.
“Shirley, ang suwerte naman ng pinsan mong si Missy, nakabingwit ng guwapong Kano,” tsismis ng kaklse niya.
Nakilala ng kanyang pinsan ang guwapong estudyante na may lahing Amerikano sa klase nito sa Literature. Nagkaunawaan at nagkagustuhan ang dalawa kaya ngayon ay nobyo na ito ng kanyang pinsan. Ngunit sa isip niya ay hindi siya papayag na matalo ni Missy.
“Hindi ako papayag na sa iyo mapunta ang guwapong Kanong iyon!” aniya.
Nakakuha ng pagkakataon si Shirley na maagaw ang boyfriend ng pinsan nang lihim niya itong inimbitahan na pumunta sa bar. Sinabi niya sa lalaki na huwag ipaalam sa pinsan nito ang pupuntahan nila dahil magagalit ito.
Dahil sa konserbatibong mag-isip ang lalaki ay pumayag itong sumama sa bar. Nagkainuman sina Shirley at ang Kano at nalasing. Isinakatuparan ng dalaga ang maitim na balak at inakit ang lalaki hanggang humantong sila sa motel at nangyari ang hindi dapat.
Habang tulog na tulog ang Kano sa kama ay mabilis na nagbihis si Shirley.
“Tignan ko lang kung hindi ka sa akin mapunta matapos ang nangyari sa atin!” bulong niya sa sarili.
Makalipas ang ilang linggo ay naging madalang ang pagkikita nila ng Kano. Nabalitaan din niya na nakipaghiwalay na rito ang kanyang pinsan nang malamang may sinamahan itong ibang babae. Nang matapos ang isang buwan ay hindi na tuluyang nagparamdam at nagpakita sa dalaga ang lalaking Kano. Hindi na ito pumapasok sa klase at hindi na rin sumasagot sa tawag at text niya.
“Diyos ko! Nasaan na si Harvey? Ngayon pa’t ilang araw na akong hindi dinadatnan!” aniya sa nag-aalalang boses.
Hindi niya inasahan na bukod sa kanyang sitwasyon ay isang masaklap na balita ang kanyang malalaman.
“Shirley, wala na pala dito iyong Kano na ex ng pinsan mo! Umalis na raw at bumalik na sa Amerika!” sabi ng babae niyang kaklase.
“H-hindi! paano ako?” sigaw niya habang hindi na napigilan na maiyak.
Nalaman ni Aling Susana at ng kanyang pinsang si Missy ang nangyari sa kanya, na nabuntis siya ng lalaking Kano at basta na lamang iniwan. Nagmadaling umuwi sa bansa ang kanyang ina para damayan siya. Imbes na magalit ang mga ito ay naawa pa sa kanya ang ina at ang kanyang pinsan.
“Anak, sa susunod huwag kang padalus-dalos! Ang maling desisyon mo ang nagtulak sa iyo sa sitwasyon mong iyan!” sabi ng ina.
“Patawarin niyo ako, Ma, patawarin mo rin ako, Missy sa ginawa kong pang-aakit sa nobyo mo! Ito tuloy ang napala ko! Kung alam ko lang na ito ang mangyayari ay hindi ko na ginawa,” iyak ng dalaga.
“Huwag ka nang umiyak, Shirley! Tama ang desisyon ko na hiwalayan ang Kanong iyon, hindi pala siya mapagkakatiwalaan. Ayoko mang sabihin ito, pero iniligtas mo ako sa mapagsamantalang lalaking iyon, salamat, Shirley!
“Ito nga siguro ang karma ko! I deserve it!” aniya.
“Hindi, anak! hindi karma iyan, isa iyang biyaya!” wika ni Aling Susana na ang tinutukoy ay ang dinadala ni Shirley sa kanyang sinapupunan.
Sa nangyari kay Shirley ay natutunan niyang alisin ang inggit sa kanyang puso at tanggapin ang resulta ng kamaliang nagawa. Ito rin ang naging daan para maging maayos ang relasyon nila ni Missy at naging malapit na magpinsan.
Nang makapanganak ay naging katuwang niya ang ina sa pag-aalaga ng kanyang anak. Hindi na ito bumalik sa Dubai at nagdesisyong magnegosyo na lang para palagi na silang magkasama. Bumalik din siya sa pag-aaral at sabay silang nakapagtapos ng pinsang si Missy at di nagtagal ay pareho silang nakahanap ng magandang trabaho.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!