Inday TrendingInday Trending
Naging Miserable ang Buhay ng Isang Ina Dahil sa Kayabangan ng Kanyang Anak

Naging Miserable ang Buhay ng Isang Ina Dahil sa Kayabangan ng Kanyang Anak

Mahirap ang buhay para kay Aling Lorena at sa kaisa-isang anak nito na si Lucas. Gayunpaman, todo kayod ang ina maigapang lamang ang pag-aaral ng anak. Lahat ng kailangan ng binata’y agad ibinibigay ng ina. Kaya nga kahit magkautang-utang ay ipinasok niya ito sa pribadong paaralan. Gagawin ni Aling Lorena ang lahat upang hindi na maranasan pa ng ana​​k ang tinatamasa niyang hirap at pangmamaliit ng kapwa mula nang siya’y bata pa.

Hindi mapakali ang binatang si Lucas. Palibhasa’y sunod ang layaw, nakipag-party na naman ito kagabi sa mga mayayamang kaklase. Yun nga lang, minaneho nito ang bagong sasakyan ng tatay ng kaniyang kaklase at nabangga niya ito sa poste. Nang maabutan ni Aling Lorena ang anak ay takang-taka ito sa ikinikilos ng anak. Pawis na pawis ito at tila hindi pa natutulog.

“Mama, tulungan mo ako. Si Carl, yung kaklase kong anak ni Sarhento dela Costa… Pinagkatiwala niya sa akin yung sasakyan ng Daddy niya kagabi para bumili ng inumin at yelo sa convenience store. Pero Mama, nabangga ko sa poste yung sasakyan. Dineretso ko na iyon sa talyer at hindi pa ako bumabalik doon sa bahay nila Carl, Mama. Kanina pa nga niya ako tinatawagan. Gagawin naman daw nila iyon ng mabilisan kung may pangbayad ako. Kaya lang Mama, P120,000 ang aabutin!” Umiiyak na parang bata sa pag-aalala si Carl.

Parang binuhusan ng malamig na tubig ang ina sa narinig.

“Nak, sabihin natin ang totoo. Unti-unti kong babayaran sa kanila iyan. Hihingi tayo ng tulong kay Tiya Selina mo sa Japan. Huwag ka nang umiyak, anak. Ang mahalaga ay hindi ka napano,”

“Mama, hindi puwede! Please, Mama. Gawan natin ng paraan na hindi na malalaman nila Carl kasi ibubully nila ako. Masisira ang buhay ko, Mama. Baka kung ano pa gawin sa akin ng daddy noon.” Alalang-alala ang binatilyo habang nagpapaliwanag sa ina.

Hindi naman matiis ni Aling Lorena ang anak kaya’t nakaisip ito ng paraan.

Agad nitong pinuntahan ang nasabing sasakyan sa talyer at nadismaya ito sa itsura ng sasakyan. Talagang wasak ang unahang parte nito. Gayunpaman, sinenyasan niya ang mga gumagawa na simulan na itong gawin at gagawa siya ng paraan para maibigay ang bayad. Rush pa ang pagpapagawa dito kaya’t inabot ng ganoong kalaki ang kanilang babayaran. Walang tanong-tanong ay sinimulan nang gawin iyon ni Mang Romy at ng mga trabahador nito. Siyempre nga naman, kikita din sila ng malaki rito.

Kung kani-kanino lumapit si Aling Lorena, nakahiram naman ito ng pera sa iba’t-ibang tao ngunit napakalaki ng interes. Palibhasa’y 5-6 ang kaniyang mga nautangan, sa isang buwan ay magbabayad siya ng suma total na P24,000 para lamang sa tubo. Talagang nakatadhana na yatang mamamatay siya nang baon sa utang; ika niya sa sarili.

Hindi na tumitigil si Carl sa pagtawag kay Lucas palibhasa’y dalawang araw na lamang ay uuwi na ang mga magulang nito galing sa probinsya. Sinagot naman ni Aling Lorena ang tawag.

“Carl, anak… Mama ito ni Lucas.. Huwag kang mag-alala.. Ibabalik namin ang sasakyan ng daddy mo, OK? Pinalinis ko lamang kasi’y dinumihan ng mga bata habang nakaparada sa gilid ng bahay namin. Bukas na bukas din ay makakarating ito sa iyo.” Pagsisinungaling ni Aling Lorena.

“Ah, sige ho Aling Lorena. Akala ko kasi nabangga na yung sasakyan namin. Kahit sabihin pang may insurance iyan, wala naman akong P5,000 pambayad sa casa. Masasakal ako ng daddy ko.” Nagaalalang tugon ni Carl.

Naguluhan naman si Aling Lorena sa sinabi nito kaya’t nagtanong siya.

“Anong P5,000, Carl? At saka ano yung insurance? Naku, wala kasi akong alam sa mga sasakyan dahil pangmayaman lang iyan.” Nagtatakang pahayag ng ina ni Lucas.

“Ay ganoon po ba. Malay niyo po, yumaman kayo isang araw magkaroon kayo ng maraming sasakyan. Ahente po ang mommy ko ng insurance ng mga kotse, bale kagaya namin ay nagbabayad kami kada taon para insured ang mga sasakyan namin. Para kung mabangga man, hindi kami maglalabas ng daan-daang libo. P5,000 lang ang babayaran namin sa casa tapos sagot na po ng insurance ang lahat.” Paglilinaw ni Carl.

Pinagpawisan ng malamig si Aling Lorena sa narinig at nagmamadaling tumungo sa talyer ni Mang Romy upang iatras ang pagpapagawa rito. Pagdating niya doon ay nagulat siya. Gawa na ang sasakyan ni Sarhento dela Costa. Tila bago na ulit ito at akala mo’y walang nangyari’t hindi nabangga.

“Oh, iyan ho parang walang nangyari no? Pero nagtataka ko, kanino ba ‘tong gwapong sasakyan na to? Baka nanalo na kayo sa lotto, Aling Lorena. Balatuhan niyo naman ako!” Pabirong saad ni Mang Romy.

Imbes mabunutan ng tinik sa dibdib ay parang hihimatayin ito sa nakita.

Tinawagan nito si Carl at pinapunta sa talyer. Ipinagtapat ni Aling Lorena ang lahat kay Carl. Nanglaki ang mga mata nito sa nalaman.

“Oh my God, Aling Lorena. Kung nagsabi lang sana kayo ni Lucas ng totoo, hindi sana kayo mababaon sa utang!” Laking panghihinayang na saad ni Carl.

Ilang taon ang lumipas, ang laki ng itinanda ng itsura ni Aling Lorena. Wala namang kamalay-malay si Lucas sa naging usapan ng ina at ng kaibigang si Carl.

Isang araw ay may biglang kumatok na lalake sa kanilang bahay at naniningil ito ng utang. Matalim ang tingin nito at nagbabanta na kapag hindi sila nakabayad ay ipapakulong ang ina nito.

Galit na galit si Lucas sa sarili. Kung hindi sa kapabayaan at kayabangan niya’y hindi sana mangyayari ito. Nagpasya ang binatilyong kausapin si Carl upang humingi ng tulong sa mga magulang nito. Ika niya, ilang taon na lang rin naman at magtatapos na siya ng pag-aaral at makakapag-trabaho. Nangako siyang babayaran ang hihiraming pera sa oras na makakuha siya ng trabaho.

Nangangatog ang mga tuhod ni Lucas habang bumababa ng hagdanan ang ama at ina ni Carl.

Ipinaliwanag ng mag-asawa ang lahat kay Lucas at ipinagtapat ang naganap ding pag-uusap ng ina nito at ng kaibigang si Carl.

“Lucas, kung sana’y marunong ka lamang magsabi ng totoo… Hindi mo na sana inilagay sa ganitong kahirap na sitwasyon ang nanay mo.”

Napahagulgol na lamang si Lucas sa nalaman. Naging malupit ang pagbibigay aral ng buhay para sa kanilang mag-ina.

Hindi rin naman natiis ng mga magulang ni Carl ang mag-ina. Kinausap ng mga ito ang lahat ng pinagkakautangan ni Aling Lorena at inalis na ng mga iyon ang interes sa pagkakautang nito. Ang natirang bayarin naman ay binayaran nang lahat ng mag-asawa.

Kinausap rin ni Sarhento dela Costa si Mang Romy. Sinamantala nito ang kawalang alam ni Aling Lorena kaya’t binalaan niya itong ipapasara ang talyer. Hindi man lamang nito inalam ang estado ng sasakyan bago ginawa, samantalang iyon ang pinakaunang dapat alamin bago pa man ito umpisahang gawin.

Sa takot ni Mang Romy na mawalan ng kabuhayan at ibinalik nito ang perang ibinayad ni Aling Lorena. Ibinalik naman iyon ng buo ng Sarhento sa mag-ina.

Nakabayad si Aling Lorena sa Sarhento at ang sobra niyang pera ay ipinangpuhunan niya sa kanilang karinderya. Kahit papaano’y nakakaluwag na ang mag-ina sa ngayon.

Naging matinding aral ang pangyayaring iyon kay Aling Lorena at Lucas. Kaya nang makapagtapos ng pag-aaral ang binata ay naging maingat ito sa paggastos at natutong mag-ipon.

Unti-unti silang nakapag-pundar at nakaahon sa hirap.

Ano ang pinakamalaking pagkakamali mo sa iyong buhay at paano ka nakabangon? Kung ikaw si Aling Lorena, magsisinungaling ka din ba upang mapagtakpan ang pagkakamali ng iyong anak? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement