Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Isang Aksidente ay Nagkaroon ng Malaking Pilat sa Mukha ang Magandang Babae; Sa Takot na Iwan ng Nobyo ay Itinago Niya Ito

Dahil sa Isang Aksidente ay Nagkaroon ng Malaking Pilat sa Mukha ang Magandang Babae; Sa Takot na Iwan ng Nobyo ay Itinago Niya Ito

Malungkot at bagsak ang balikat na tinitigan ni Misty ang kaniyang mukha sa hawak na salamin. Gusto niyang maiyak sa nakikitang malalaking pilat sa kaniyang pisngi, dulot ng aksidenteng kaniyang kinasangkutan noon lamang isang linggo.

Papasok kasi siya noon sa pinapasukan niyang unibersidad nang makita niyang isang matanda ang muntik nang mahagip ng humaharurot na motorsiklo. Dahil likas na matulungin ay hindi nagdalawang-isip si Misty na tulungan ito at sagipin, kahit ang kapalit n’on ay ang paglalagay niya ng sarili sa tiyak na kapahamakan.

Nakaupo siya ngayon sa kaniyang hospital bed. Ang totoo ay maayos na ngayon ang kaniyang pakiramdam, kung hindi nga lang dahil sa malalaking pilat ng kaniyang sugat sa pisngi na bago pa lamang din naman naghihilom sa tulong na rin ng mga doktor. Hindi naman sa nagsisisi siyang tinulungan niya ang matanda. Iyon nga lang ay hindi niya maiwasang makaramdam ng lungkot dahil nasira na ang kaniyang mukha.

Si Misty pa naman ang itinuturing na isa sa pinakamagandang babae sa kanilang eskuwelahan. Bukod doon ay nag-aalala rin siya na baka kapag nakita siya ng kaniyang nobyong si Denis ay iwan siya nito lalo pa at napakaraming magagandang babae ang dumidikit dito. Isipin niya pa lang na magkakahiwalay silang dalawa ay hindi na siya makahinga. Mahal na mahal niya ang binata at hindi niya kakayanin kapag nawala ito sa kaniya.

Dahil doon ay pinili na lamang itago ni Misty ang lahat sa nobyo. Maging ang tungkol sa nangyaring aksidente ay hindi niya ipinaalam dito. Nagdahilan na lang siya na kaya siya nawala nang halos dalawang linggo ay dahil nagbakasyon sila ng kaniyang kuya sa probinsya. Hindi naman na nagtanong pa si Denis at nagpatuloy ang kanilang relasyon gaya ng dati. Nagkasya na lamang si Misty sa paggamit ng mga kolorete upang takpan ang kaniyang mga peklat.

Ngunit talaga palang walang lihim na hindi nabubunyag. Isang araw kasi, habang siya ay nasa banyo at katatapos lamang maghilamos ay bigla siyang naabutan doon ng pinakamaldita niyang kaeskuwela na noon pa man ay malaki na ang galit sa kaniya dahil malaki rin ang pagkakagusto nito kay Denis. Nakita nito ang kaniyang mga peklat na agad naman nitong pinuna at pinagtawanan!

Dali-daling tinapos ni Misty ang paglalagay ng kolorete at nagtatakbo na palabas ng banyo upang iwasan ang nakaiinsultong mga pagtawa ni Shyla. Ngunit hindi pa pala doon nagtatapos ang masamang balak sa kaniya ng babae, dahil nang maabutan siya nito sa kanilang kantina ay bigla na lang nitong binuhusan ng inumin ang kaniyang mukha, dahilan upang mabura ang kaniyang makeup at makita ng lahat ang kaniyang peklat!

Nagtatakbo ulit si Misty nang umiiyak, hanggang sa makabunggo niya ang nobyong si Denis. Gulat na gulat pa siya nang sa pag-angat niya nang mukha ay ito ang nabungaran niya! Ang buong akala pa ni Misty ay pandidirihan ng binata ang kaniyang peklat, ngunit imbes ay nakita niyang mabilis na rumehistro sa mukha nito ang galit…

“Bakit ganiyan ang hitsura mo, Misty? Sino ang may gawa nito sa ’yo?!” galit na anas ng binata na animo bulag at hindi nakikita ang kaniyang peklat sa mukha.

“W-wala—” Akma pa sana niyang itatanggi sa binata ang nangyari, ngunit bigla na lang itong dumiretso sa kantina upang komprontahin si Shyla!

“Nakita mo na ba ang peklat ng girlfriend mo, Denis? Sabi ko na nga ba at may itinatago ring nakakahiyang sikreto ’yan, e. Hindi na ako magtataka kung gugustuhin mo siyang iwan at—”

“At bakit ko naman gagawin ’yon?” Muli ay hindi rin pinatapos ni Denis ang sinasabi ng babae. “Alam mo bang nakuha ni Misty ang peklat na ’yon dahil sa pagliligtas niya sa isang matandang muntik nang maaksidente?” Ikinabigla ng lahat ang tinuran ng binata, kabilang na si Misty. Hindi niya akalaing alam pala nito ang lahat!

“Kung mayroon mang dapat mahiya rito, hindi si Misty ’yon, Shyla! Ikaw ’yon, dahil makinis nga ang balat mo pero sa likod n’yan ay nagtatago ang isang masamang pag-uugali na habang buhay kong kasusuklaman!” dagdag pa ni Denis bago ito muling humarap kay Misty upang isama siya palayo.

Matapos iyon ay talagang naging laman ng usapan si Shyla sa kanilang unibersidad, habang si Misty naman, pakiramdam niya ay siya na ang pinakamasuwerteng babae sa balat ng lupa. Tanggap kasi ni Denis ang lahat sa kaniya, maging ang kaniyang peklat na anito’y patunay lang kung gaano siya kaganda.

Advertisement