Inday TrendingInday Trending
Pinagdamutan ng Ganid na Misis ang Mabait na Biyenang Humihingi ng Tulong, sa Huli ay Nawala Lahat ng Kayamanan Niya

Pinagdamutan ng Ganid na Misis ang Mabait na Biyenang Humihingi ng Tulong, sa Huli ay Nawala Lahat ng Kayamanan Niya

Mula nang ikasal sina Edelyn at ang kanyang mister na si Ronnie ay binawalan nya na ang lalaki na dumalaw ng madalas sa bahay ng magulang nito. Bukod kasi sa gusto nya ay sa kanya lang ang atensyon nito, sumasama ang loob nya kapag nakakapag-abot ito ng kaunting pera sa magulang.

Malaki ang sahod ng asawa nya, nasa 98 000 kada buwan. Kung tutuusin ay di na nga siya pinagtrabaho nito dahil kayang-kaya na siyang buhayin. Ang gusto nya, solo nya lang lahat iyon. Kahit isang libong piso na barya lang sa kanila ay ayaw na ayaw nyang makarating sa kanyang byenan.

“Ano ka ba, syempre ay nanay nya pa rin iyon. Mabuti nga at mabait si Ronnie. Tignan mo nga, ni wala kang marinig kapag nagbibigay ka sa akin,” sabi ng ina ni Edelyn minsang dalawin sya nito sa bahay nila.

“Syempre pag ikaw pwede. Pag nanay nya, ayoko.” makasariling sagot nya.

“Bakit naman? Hindi ka naman pinagmalupitan ng byenan mo anak, kay bait pa nga nila sayo. Wag ka ngang ganyan, nalulungkot tuloy ako. Pakiramdam ko ay mali ang pagpapalaki ko sa iyo.” napabuntong hininga pa ang matanda.

“Ma naman, hindi sa ganon. Utak lang ang ginagamit ko at hindi puso. Syempre kapag di ako kumibo mamimihasa yan at sa amin na aasa. Hindi ko pwedeng ipakita sa kanila na tatanga-tanga akong manugang.”

“Sana anak, wag kang masaktan sa huli dahil dyan sa mga iniisip mo sa kapwa.” wala na itong mai-argumento pa, sarado rin naman ang isip ni Edelyn.

Malayung-malayo naman sa iniisip ni Edelyn ang tunay na ugali ng kanyang biyenan.Ang lahat ng ipinakikita nito ay bukal sa puso, palibhasa ay puro lalaki ang dalawang anak kaya sabik itong magkaroon ng anak na babae. Sa totoo lang ay nais nitong makakwentuhan sana ang manugang pero lagi namang umiiwas si Edelyn.

Sila rin ang kumukumbinsi kay Ronnie na alukin ang misis na mag-aral muli. Hindi kasi nakatapos ang babae at nakilala lamang ito ni Ronnie sa isang coffee shop kung saan namasukan ito bilang waitress. Tumanggi naman si Edelyn, tiyak nya naman kasing donya na sya habangbuhay, bakit mag aaral pa?

Isang gabi pagkatapos nilang maghapunan ay seryosong kinausap ni Ronnie ang misis, medyo mahihirapan sya pero susubukan nyang ipaliwanag at sana ay maintindihan ng babae.

“Mahal ganito kasi yan, may colon cancer si mama. K-kanina lang namin nalaman, itinext ako ng kapatid ko. Kahit pa malaki ang sahod nila.. kulang iyon eh. Sana pwede tayong magbigay kahit paano..” mahina nyang sabi.

Napatigil naman si Edelyn. “Hindi pa ba sapat ang padala ng Kuya Mark mo from UK?”

“Hindi, malaki laking gastos kasi magche-chemo therapy sya eh.”

“Paano yan? Bibili tayo ng bagong kotse diba? Ronnie, maawa ka naman sa akin. Kakarag-karag na yung car natin. Alam mo feeling ko pinagtatawanan na ako ng friends ko kasi ako yung may pinakalumang car, as in,” sabi nya sinabayan pa ng pagnguso.

“Bibili pa rin tayo. Basta payagan mo lang ako na tumulong sa kanila at bumisita sana kahit minsan?”

Labag man sa loob ng babae ay tumango na rin sya, baka maunsyami pa ang bago nyang kotse kung aawayin nya ang lalaki.

Ang problema, pumayag nga sya pero bunganga sya nang bunganga tuwing maglalabas si Ronnie ng pera, kahit pa pinaghirapan naman nito iyon. Nang pumanaw ang kanyang biyenan ay talagang simot na ang mga kapatid ng lalaki dahil sa therapy ng kanilang ina.

“Maglalabas ka na naman? Akala ko pa naman, pag namatay na wala nang gastos!” bulyaw ni Edelyn sa mister.

“Sobra ka namnag magsalita. Para bang pinagdasal mong mawala si mama.” di makapaniwalang sabi nito.

“Ah oo talaga pinagdasal ko kasi walang ibang ginawa kundi manghuthot! Ibibili ko nalang ng bag lalamunin nya pa!”

Sa sobrang sama ng loob ni Ronnie ay lumabas sya ng bahay at pinaharurot ang kotse, halu-halong sama ng loob sa misis, sakit sa pagkawala ng ina, pagod at puyat ang nararamdaman nya. Huli na para mai-preno nya pa ang sasakyan na ngayon ay babangga na sa isang malaking truck.

Naibagsak ni Edelyn ang telepono matapos marinig ang balita ng nurse, dead on arrival ang mister nya at naroon na ang katawan nito sa morgue ng ospital. Hindi nya alam kung masamang panaginip lang ang lahat, pero sana magising sya.

Sa kanya naiwan ang lahat ng pera at ari-arian ni Ronnie pero dahil di sya marunong magmanage ng gastusin ay unti-unting naubos iyon nang di nya namamalayan. Nabaon rin sya sa utang at naibenta ang bahay nila dahil di na sya sanay sa di maluhong buhay.

Hirap rin syang makahanap ng trabaho dahil hindi sya nakapagtapos.

Malungkot na tinignan na lamang ng nanay ni Edelyn ang babae, kung nakinig lang sa kanya ang anak, hindi sana ganito ang buhay nito ngayon.

Advertisement