Inday TrendingInday Trending
Nagkaroon ng Hindi Pagkakaunawan ang Magkapatid; Umiral Kaya ang Samahan Nila sa Gitna ng Pangangailangan

Nagkaroon ng Hindi Pagkakaunawan ang Magkapatid; Umiral Kaya ang Samahan Nila sa Gitna ng Pangangailangan

Mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang ay hindi na naayos pa ang gusot sa pagitan ng magkapatid na Marc at George. Si Marc ang bunsong anak ay malaki ang tampo sa kaniyang Kuya George dahil sa ginawa nitong pag-alis noon sa puder ng kanilang mga magulang dahil ayaw nitong sundin ang kanilang kagustuhang tahakin nito ang landas ng pagiging isang doktor.

Hindi kasi iyon ang gusto ni George na mangyari sa kaniyang buhay. Ang gusto nito ay maging isang chef at magtayo ng sariling restaurant balang araw. Dahil doon ay mas pinili nitong umalis sa kanila upang magsarili.

Pumanaw nang may sama ng loob ang kanilang ama kay George at ganoon din ang kanilang ina na agad na sumunod dito. Ni hindi man lamang nakarating sa kanilang burol ang kaniyang Kuya George dahil nang mga panahong iyon ay nasa ibang bansa ito at nagkataong lockdown doon dahil sa pandemya.

Ilang buwan lamang ang nakalipas ay umuwi na rin ang kaniyang kuya at hindi sinasadyang nagkasabay sila sa pag-a-apply sa iisang hotel kung saan pareho na silang nagtatrabaho ngayon. Si George, bilang isang chef at siya naman bilang isang manager. Mag-iilang linggo na rin silang magkatrabaho ngunit sa tuwing nagkakasalubong sila ay palagi na lamang umiiwas si Marc sa kaniyang kuya. Ayaw niya itong makausap.

Maganda ang samahan ng magkapatid noong sila ay mga bata pa. Sa katunayan ay iniidolo nga ni Marc ang kaniyang Kuya George kaya naman lahat ng ginagawa nito ay kaniyang ginagaya. Mula sa paboritong damit, pagkain, porma, mga laruan at kung anu-ano pa ay halos parehong laging mayroon ang magkapatid.

Ngunit nagbago nga ang lahat dahil lamang sa kagustuhan ni George na isakatuparan ang kaniyang mga pangarap. Noong una ay suportado pa ito ni Marc ngunit nag-iba na ang lahat nang maging ang kanilang mga magulang ay nagawa nang suwayin ni George para lamang matupad iyon.

Nasa kalagitnaan ng pagtatrabaho ang dalawa nang araw na iyon sa isang five star hotel na kanilang pinapasukan. Pareho silang abala sa kani-kaniya nilang mga ginagawa, katulad ng iba pang mga araw.

Nagulat ang lahat nang bigla na lamang magkaroon ng komosyon sa paligid ng hotel. Bigla kasing nakadama ng pagyanig ang lahat. Noong una ay mahina lamang iyon, ngunit habang tumatagal ay lumalakas nang lumalakas ang nadarama nilang paglindol! Biglang napuno ng hiyawan ang paligid. Halos dumagundong sa kaba ang dibdib ng magkapatid na Marc at George, lalo na nang maalala nila ang isa’t isa!

Humangos si George. Pinilit niyang hanapin ang kaniyang kapatid na si Marc mula sa mga taong nagtatakbuhan. Halos maipit na at makailang ulit na nasiko, naitulak at nabalya ng ibang tao si George ngunit hindi siya tumigil sa paghahanap sa kaniyang kapatid. Nag-aalala siya para dito!

“Marc! Marc!” Panay ang hiyaw ni George sa pangalan ng bunsong kapatid.

Samantala, si Marc naman ay ganoon din ang senaryo nang mga sandaling iyon. Hinahanap niya rin ang kaniyang Kuya George upang sabay sila nitong lumabas ng building. Kinakabahan siya. Kahit naman galit siya sa kapatid ay hindi rin naman niya kayang tiisin sa mga ganitong klase ng pagkakataon ang kapatid.

Hanggang sa magkasalubong ang dalawa…

Natigilan sila nang ilang sandali nang magtama ang kanilang mga paningin, ngunit kalaunan ay mabilis na nagyakap. Sabay silang lumabas sa naturang building upang magpunta sa isang ligtas na lugar.

“Nag-alala ako sa ’yo, bunso,” biglang sabi ni George sa kapatid. Ngumiti siya nang mapait. “Gusto ko rin lang kunin ang pagkakataong ’to para humingi ng atawad sa ’yo sa mga kasalanang nagawa ko. Sana pagbigyan mo akong makabawi bilang kuya.”

Bumuntong-hininga naman si Marc. “Wala na rin namang dahilan para magalit pa ako sa ’yo at hindi ka patawarin.” Tinapik niya ang balikat ng kaniyang kapatid.

Isinama ni Marc ang kaniyang kuya sa kanilang dating bahay kung nasaan ang mga ala-ala ng kanilang mga magulang. Ipinatawag din nila ang kanilang abogado upang basahin nito ang last will and testament ng kanilang mga magulang.

Ayon doon ay nais nilang hatiin nang pantay ang kanilang mga ari-arian para sa kanilang magkapatid. Sinabi roon ang lahat ng kanilang mga habilin. Ngunit may isang bagay na nakapukaw at halos tumunaw sa puso ng magkapatid. Iyon ay ang habilin ng mga ito tungkol sa kanilang pagkakasundo na ngayon ay mukhang kaya na nilang tuparin.

Advertisement