Inday TrendingInday Trending
Minahal ng Babae ang Lalaking OFW sa Japan, Kasal na Sila nang Matuklasan Niya ang Pagkalaki-Laking Lihim Nito

Minahal ng Babae ang Lalaking OFW sa Japan, Kasal na Sila nang Matuklasan Niya ang Pagkalaki-Laking Lihim Nito

“Tama ba ang sinabi mo, SINGLE ka pa rin hanggang ngayon?’ gulat na sabi ni Paula sa kaibigang si Joanna.

Kababalik pa lamang ng babae galing sa Japan at gulat na gulat nang malamang wala pa ring boyfriend ang kaibigan. Laking probinsiya ang dalawa. Si Paula ay masuwerteng nakapunta sa Japan at nagtrabaho bilang waitress. Si Joanna naman ay mas piniling magtinda sa palengke sa kanilang lugar.

“Bakit, magugunaw na ba ang mundo at kailangan ko nang magka-boyfriend?” tanong naman ni Joanna sa kaibigan.

“Friend, nanghihinayang lang naman ako sa iyo! Ikaw ang labis na hinahangaan dito sa atin dahil sa angkin mong kagandahan, pero wala ka pa ring boyfriend? Kung ako ang naging ganyan kaganda, magbibilang na ako ng mga lalaki!”

Napakagandang babae ni Joanna. Sa katunayan ay napakarami niyang tagahanga at manliligaw kahit noon siya ay nag-aaral pa lamang. Ngunit sa kabila nito ay wala pa rin siyang napupusuan at nananatiling single.

“Anong magagawa ko, hindi ko pa nahahanap ang taong magpapatibok ng puso ko,” sabi niya kay Paula.

“Gusto mo hanapan kita?”

“Teka, baka naman kung sino iyan, ha?”

“Marami akong friend sa facebook na naghahanap rin ng gustong maging kaibigan at ka-ibigan, ipapakilala kita,” wika ni Paula na kinikilig pa.

Dali-daling kinuha ng babae ang kanyang cell phone at naghanap sa facebook.

“Ito, bagong friend ko, minsan lang kami mag-chat kasi naboboringan ako, e. Gusto mong makilala?”

Kumunot ang noo ni Joanna sa balak ng kaibigan.

“Parang binubugaw mo naman ako! Saan mo nakilala iyan? Baka mamaya masamang tao iyan, ha?” aniya.

“Gaga! Ipapakilala ba naman kita sa masamang tao!Siyempre mabait ‘to ‘no!”

Ibinigay ni Paula ang facebook account ni Joanna sa lalaking kaibigan nito. Kinagabihan ay nagulat si Joanna na mayroong nag-message sa kanya sa facebook.

“Hi, ibinigay sa akin ni Paula ang facebook account mo, ako nga pala si Wilbert, Pinoy din ako na nagtatrabaho sa Japan,” sabi ng lalaki sa chat.

Dahil sa kuryosidad ay hinanap niya ang account ng lalaki. Laking gulat niya ng makitang guwapo ito at mukhang may lahi. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng kilig. Agad niyang sinagot ang chat nito.

“Hello, ako si Joanna! Maari ko bang malaman kung ikaw ba talaga itong nasa profile picture mo?”

Mabilis na sumagot ang lalaki.

“Oo naman, bakit may pagdududa ka ba?”

“Malay ko ba! Alam mo naman sa panahon ngayon, maraming manloloko!”

“Hindi ako nagsisinungaling, kung gusto mo mag-usap tayo sa video call?” yaya ng lalaki.

Napangiti ang babae sa gustong mangyari ng kausap. Iyon talaga ang gusto niyang mangyari, ang magpakita sa kanya ang lalaki.

Nagkakilanlan sila sa video call at madaling nagkapalagayan ng loob. Sa bilis ng mga pangyayari ay nabigla na lamang ang mga magulang ni Joanna nang malaman ng mga ito na nobyo na ng kanilang anak ang lalaki.

“Nag-iisip ka ba, anak? Isang buwan mo pa lang siyang nakikilala tapos mababalitaan namin na boyfriend mo na ang lalaking iyon?” galit na sabi ng kanyang ama.

“Kung tunay ang hangarin niya sa iyo ay pupunta siya rito at magpapakita sa amin,” mahinahong wika naman ng kanyang ina.

“Pero, nagmamahalan po kami ni Wilbert at handa niya raw akong pakasalan,” sagot niya sa mga magulang.

“Kasalanan ito ng malandi mong kaibigan na si Paula, e. Kung hindi niya ipinakilala sa iyo ang lalaking iyan ay hindi ka magkakaganyan!” sabat pa ng ina.

Kahit ayaw ng mga magulang sa kanilang relasyon ay itinuloy pa rin niya ang pakikipag-usap sa nobyo. Hilig nila ang mag-usap sa telepono ng mahabang oras. Ewan ba niya kung bakit ang dali niyang nahulog kay Wilbert. Isa lang ang sigurado niya, mahal na niya ang lalaki. Ito ang matagal na niyang hinihintay. Lubos ang pasasalamat niya kay Paula dahil nakilala niya si Wilbert.

Matapos naman ang anim na buwang relasyon ay napagdesisyunan ng dalawa na magpakasal na.

Isang linggo bago ang kasal ay bumalik sa Pilipinas si Wilbert at namanhikan sa mga magulang niya kasama ang mga magulang nito.

Bagamat hindi pa rin sang-ayon ang mga magulang ni Joanna sa kanilang kasal dahil sa pag-aalala na hindi pa nila lubusang kilala ang isa’t isa. Pero dahil sa matindi ang paghahangad ni Wilbert na maikasal sa nobya ay lumuhod ito sa harapan ng mga magulang ni Joanna para hingin ang kamay nito.

“Ipinapangako ko pong hindi ko pababayaan si Joanna, kaya sana po ay pagbigyan niyo akong mahalin at pakasalan ang inyong anak,” pakiusap ng lalaki.

At dahil naipakita ni Wilbert kung gaano niya kamahal si Joanna ay nakumbinsi rin ng lalaki ang mga magulang ng nobya. Wala ring nakapigil sa pag-iisang dibdib ng dalawa.

Nagpatuloy ang magkasintahan sa pagpaplano ng kanilang kasal.

“Kung ako ang tatanungin ay simple lang ang gusto kong kasal, labs!” sabi ni Joanna sa nobyo.

“Huwag ka nang mag-alala, labs at maayos din ang lahat. Pinapangako kong ikaw ang pinakamasayang bride sa kasal natin.”

Nang sumapit ang araw ng kanilang kasal ay laking gulat niya ng siya ay sinorpresa ng kanyang magiging asawa ng isang engrandeng kasalan.

“Labs, totoo ba ang lahat ng ito?” gulat na sabi ni Joanna.

“Oo, labs. Di ba nangako ako sa iyo na ikaw ang magiging pinakamasayang bride?”

Napag-alaman ni Joanna na si Wilbert ay hindi totoong nagtatrabaho sa Japan. Isa pala itong napakayamang negosyante na nagmama-ari ng isang malaking kumpanya sa bansa.

Inamin di ni Wilbert na binalak niyang itago ang tunay na pagkatao upang makilala ang babaeng tunay na magmamahal sa kanya mayaman man siya o hindi.

“Grabe ka, pero engrande man o hindi ang kasal natin ay hindi iyon mahalaga. Mas mahalaga sa akin ay ikaw at wala ng iba. I love you, labs!” naluluhang wika ni Joanna.

“I love you more, labs!” sagot ni Wilbert sabay punas sa luhang dumaloy sa pisngi ng babaeng pinakamamahal niya.

Di pa rin makapaniwala ni Joanna na sa facebook lang pala niya makikilala ang lalaking magpapatibok sa puso niya at magbibigay sa kanya ng maginhawang buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement