Limang taon naging matalik na magkaibigan sina Gildric at Abi bago pa man mahulog ang loob nila sa isa’t isa. Dahil dito, pagkakaibigan ang naging pundasyon nila kaya naman agad silang nagkasundo sa mga bagay-bagay.
“Abi, sa’n ka? Libre mo naman ako,” sabi ng binata habang kausap ang kaibigan sa telepono.
“Nasa bahay lang ako, hindi ako makalabas kasi mayroon ako ngayon,” sagot naman ng dalaga kaya dumeretso na lang si Gildric sa bahay nito para dalhan ito ng kaunting pagkain na siya palang mga paborito ni Abi.
“Uy grabe. Dapat hindi ka na nag-abala. Pero salamat ha, pakiramdam ko kasi ay madededs na ako sa sakit dahil sa regla ko ngayon,” sabi ng dalaga habang kinakain ang mga tsokolate na bigay ni Gildric.
“Ganoon talaga, babae ka e. Isipin mo na lang na dahil diyan sa buwanang dalaw mo, lalong kumikinis at nagiging mamula-mula ang kutis mo. Lalo kang gumaganda!” wika ni Gildric habang pilit na pinapangiti ang namimilipit sa sakit na si Abi.
Pagkaubos ni Abi sa mga pasalubong ni Gildric ay agad niya itong kinausap upang magtapat ng kanyang nararamdaman.
“Totoo ba yan? Baka niloloko mo lang ako ha? Nako, Abi wag kang ganyan. Alam mong matagal na kitang gusto, pero ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin,” sagot naman ng binata sa kaibigan. Dahil dito ay napa-kunot ng noo ang dalaga dahil akala nito ay tinatanggihan ng kanyang kaibigan ang kanyang nararamdaman.
“Ayaw mo ata e, sige na. Huwag na lang,” inis na sabi nito na siyang dahilan para suyuin siya ni Gildric.
“Ito naman, nag-aalala lang ako kasi mahalaga ka sa akin. Ayaw kong magkahiwalay tayo kahit kailan,” sagot naman ni Gildric habang sinusuyo ang dalaga. Dahil dito ay napalamig nito ang ulo ni Abi at sa araw na iyon ay nagsimula ang kanilang relasyon.
Sa unang buwan ng kanilang relasyon ay hindi sila sinubok ng kahit na anong problema. Subalit ng magkaroon na naman si Abi ng buwanang dalaw ay muli itong naging masungit sa nobyo.
“Babe, punta ka naman dito sa bahay. Meron kasi ako ngayon. Kailangan kita sa tabi ko,” maayos nitong paki-usap kay Gildric subalit dahil abala sa gawaing bahay ang binata, hindi ito makapunta.
“Bahala ka! Maghiwalay na lang tayo kung ganyan din naman! Pati pagkakaibigan natin ay putulin mo na dahil ayaw ko na sa iyo!” sigaw na sabi nito sabay baba ng telepono.
Dahil sa labis na pagkakataranta ay walang nagawa ang binata kundi ang pumunta sa bahay ni Abi para muling suyuin ito.
“Babe, ako ‘to! Pakibuksan ang pinto kasi wala akong payong!” sigaw nito sa tapat ng bahay nina Abi habang minamadaling katukin ang bahay nito dahil sa malakas na ulan.
“Bahala ka d’yan. Maghintay ka d’yan ng matagal kung gusto mong magkaayos tayo!” sigaw na sagot ni Abi habang pinapanood ang nobyo na mabasa ng walang tigil na pagpatak ng ulan. Dahil naman sa mahinang resistensya ng katawan ni Gildric ay tuluyan na itong bumigay at hinimatay habang siya ay humihingi ng tulong sa dalaga. Dito lamang natauhan si Abi kaya nagmadali itong lumabas at humingi ng tulong sa napadaang sasakyan ng kanilang kapitbahay.
Pagkagising ni Gildric ay laking gulat nito ng kanyang madatnan na siya ay nasa ospital na. Napansin rin nito na ang kanyang nobya ay nakatulog sa kanyang tabi habang hawak-hawak ang kanyang mga kamay.
“Babe? Gising ka na? Kamusta ka na?” nag-aalalang tanong ng dalaga sa kanyang nobyo nang magising ito.
“Oo, okay na ako. Salamat sa paghatid mo sa akin dito,” matamlay na sagot ni Gildric sa kanyang nobya.
“Babe, sorry. Kung lagi kitang inaaway pag mayroon ako. Promise hindi na talaga mauulit yun,” pagmamakaawa ni Abi sa kanya.
Dahil dito ay pinatawad niya ang kanyang nobya at inayos ang kanilang relasyon. Simula noon ay pinilit nang pigilan ni Abi ang mga pagtotopak niya sa buwanang dalaw niya. Napag-isip-isip niya’y hindi magandang dahilan iyon upang magpakita ng hindi magandang pag-uugali sa kahit na sino, lalo na sa nobyo niyang buwan-buwan niyang inaaway sa tuwing siya’y magkakaroon.
Dahil rin naman sa labis na pagmamahal ni Gildric sa nobya, sa tuwing may dalaw si Abi ay pilit niyang iniiwasang painit pang lalo ang ulo nito. Naiintindihan niya naman kasi kung anong sakit ang pinagdaraanan ng mga kababaihan, lalo na ng kanyang nobya, sa tuwing dinadatnan ang mga ito.