Ginamit ang mga Larawan niya Upang Manloko ng Ibang Tao; Ito pala ang Magiging Tulay Upang Makilala niya ang Lalaking Magmamahal sa Kaniya Habang Buhay

Ginamit ang mga Larawan niya Upang Manloko ng Ibang Tao; Ito pala ang Magiging Tulay Upang Makilala niya ang Lalaking Magmamahal sa Kaniya Habang Buhay

KarmaLoveStories

Masayang naglalakad si Bea sa mall, habang nagwi-window shopping siyang mag-isa. Wala kasi siyang pera at nais lamang na magpa-aircon sa loob mall kaya kunyari’y patingin-tingin na lamang.

“Kapag may pera na ako, p*aktay sa’kin,” lihim niyang kausap sa signature T-shirt na hawak.

Nang biglang may kumalabit sa braso niya. Nang kaniyang malingunan ay agad na nagsalubong ang kaniyang kilay. Hindi niya kilala ang lalaki at hindi rin ito pamilyar sa kaniya. Ngunit kabaliktaran ang sinasabi ng mukha nito. Tila ba noon pa sila magkakilala sa klase ng tingin at ngiting nakikita niya sa mukha ng lalaki.

“Jennifer?” Tawag nito sa kaniya.

“H-ha? Ah, pasensiya na pero hindi ako si Jennifer,” agad niyang tanggi.

Baka kamukha niya lang ang tinatawag nitong babae.

“H-ha? Ano ka ba naman. Ako ito si Anthony,” anito na pilit sinasabing magkakilala silang dalawa. “Ako ‘yong boyfriend mong si Anthony, ‘di ba nga anim na buwan na tayong mag-on. Nagkakilala lang tayo sa Facebook. Nangako ka pa nga sa’kin na sa pagbaba ko ng barko ay makikipagkita ka sa’kin. Ito na ba ang sinasabi mo? Hindi mo ba ako namumukhaan?”

“A-ano?” Mas lalong lumalim ang gitla ni Bea sa noo at mas llaong nagsalubong ang kilay niya sa mga sinabi nito.

Sana all may boyfriend, kahit sa Facebook lang nagkakilala. Kasi siya, sa bente singko niyang paninirahan sa mundo ay hindi pa niya naranasang mag-boyfriend sa kahit anong social media.

Upang may patunay ay binuksan ng lalaki ang social media nito at ipinakita ang sinasabi nitong Jennifer na girlfriend nito. At tama nga ang lalaki dahil siya na siya nga talaga. Lahat ng pictures na in-upload niya sa kaniyang social media accounts ay naroon sa account ng sinasabi nitong Jennifer.

Ipinakita rin ng lalaki ang conversation nito at ng girlfriend nitong nagpapanggap na siya. Nakita rin niyang nanghihingi ang babae ng pera sa lalaki.

“P-pero hindi ako ang nakaka-chat mong iyan,” tanggi niya sa lalaki. “Hindi ako si Jennifer, bagkus ay ako si Bea, iyon ang totoo kong pangalan. Kinopya niya sa’kin ang lahat pati apelyido ko, ngunit hindi ang pangalan ko,” aniya.

Upang patunayan ang kaniyang sinasabi ay ipinakita niya rin sa lalaki ang kaniyang personal accounts.

“Ibig sabihin ay ikaw ang totoong may-ari ng mukhang ito?” Anito na ang tinutukoy ay ang liratong ginagamit ng manlolokong nagtatago sa ibang mukha.

Agad namang tumango si Bea. “Opo. At saka hindi ko gawaing manghingi ng perang hindi ko naman pinaghirapan. Saka bakit ka naman kasi nagtiwala kaagad sa poser na iyan? Ilang beses ka niyang nahingan ng pera?” Naiinis na wika ni Bea.

Ang b*bo naman ng lalaking ito. Gwapo pa naman sana kaso wala lang utak. Bakit ka magbibigay sa babaeng hindi mo pa nakikita sa personal?

“Magaling kasi siyang maglambing,” nakayukong wika ni Anthony.

“Kahit na! Hayaan mo tutulungan kitang mahuli ang poser na iyan upang hindi na pamaresan pa,” ani Bea at gaya ng kaniyang sinabi ay tinulungan niya si Anthony na mag-report sa pulisya.

Patuloy pa rin na nakikipag-chat si Anthony sa babae kahit alam na niyang hindi ito ang totoong may-ari ng mga pino-post na litrato. Iyon ay upang malaman nila kung sino ba talaga ito.

Makalipas lamang ang isang Linggo ay na trace ng mga pulis kung taga-saan ang Jennifer na nagtatago sa litrato ni Bea. Itinuloy ni Anthony at Bea ang kaso kaya nakulong ang babae.

Dahil hindi naman gano’n kabigat ang kaso nito’y makukulong lamang ito ng anim na buwan. Sapat na rin siguro ang buwan na iyon upang madala ang babae sa paggamit ng ibang tao upang magkapera.

“Salamat sa tulong ah,” nakangiting wika ni Anthony.

“Wala ‘yon. Bukod sa natulungan kita’y ang totoo ay natulungan mo rin ako. Hindi ko alam kung ilang lalaki pa ang niloko ni alyas Jennifer, gamit ang mga larawan ko. Pero at least ngayon ay natigil na,” ani Bea.

“Sabagay, tama ka,” sang-ayon ni Anthony. “Ahh, may iba ka pa bang gagawin ngayon, Bea? Gusto mo kumain muna tayo sa labas?” Nahihiyang anyaya ni Anthony sa dalaga.

“Sige ba. Basta libre mo,” nakangiting wika ni Bea.

“Oo naman. Walang problema iyon,” anito.

Mula sa araw na iyon ay nagdesisyon si Anthony na ligawan ang totoong babaeng minahal noon sa larawan lamang. Hindi si Jennifer na nakilala niya sa social media, kung ‘di ang totoong nagmamay-ari niyon na si Bea.

Hindi mahirap mahalin ang babae. Dahil bukod sa kalog ito at mahilig magbiro ay masarap din itong kausap. Salamat kay alyas Jennifer na nanloko sa kaniya noon. Ito ang naging tulay upang mahanap niya si Bea, na kukumpleto sa pagkatao niya.

Sana bago siya muling makasampa sa barko ay makamit na niya ang matamis na oo ni Bea. Gagawin niya ang lahat maging nobya niya lang ito. At kung susuwertihin man ay maging asawa at maging ina ng kaniyang mga anak.

More Stories