Inday TrendingInday Trending
Madalas Sumakit ang Likod ng Malditang Madrasta, Nagulat Siya nang Makita sa Salamin Kung Ano ang Naroon

Madalas Sumakit ang Likod ng Malditang Madrasta, Nagulat Siya nang Makita sa Salamin Kung Ano ang Naroon

Inilugay ni Nina ang kanyang buhok at inayos ang kanyang bestidang suot. Siniguro niya ring mabango siya, dapat walang makitang kapintasan sa kanya si George, ang kanyang kinakasama. Nararamdaman niyang malapit na siyang alukin ng kasal ng lalaki, magkakaroon na rin siya ng totoong karapatan sa mga yaman nito. Jackpot siya kay George, gwapo ito, mabait, matalino at syempre mayaman. Isang bagay lang ang di niya nagustuhan sa lalaki, may dalawang anak ito. Maaga itong na-biyudo dahil namatay sa panganganak sa bunsong anak ang unang asawa nito.

Nang makilala siya nii George ay pinaibig niya ang lalaki sa pamamagitan ng pagpapanggap na mabait siya at mahal niya ang mga anak nito. Kahit pa ang totoo ay inggit na inggit siya at halos kamuhian niya ang dalawang bata. Kapag wala ang lalaki sa bahay ay para siyang tigre kung magalit sa mga bata, kapag naman naroon ito ay para siyang santo- isang inang mahal na mahal ang mga anak. Buti nalang, di nagsusumbong ang mga bata.

“Honey, kumusta kayo rito sa bahay?” malambing na sabi sa kanya ni George.

“Okay naman, nag-bonding kami ng kids kanina. Ipinagluto ko sila ng pancake,” mahinhin na sabi niya. Napangiti ang lalaki, swerte talaga niya kay Nina. Hindi nito pinababayaan ang mga anak niya kahit pa medyo makukulit ang mga bata. Si Alexa ay siyam na taong gulang, habang ang bunso niya namang si Andre ay apat na taong gulang.

“Wow, mommyng mommy ah,” bati niya.

“Oo nga eh, mommy na ako. Isa nalang ang kulang- ang tuluyan mo akong isali sa pamilya ninyo at maging ‘misis’ na rin ako,” pahaging ni Nina, sana naman ay mag-propose na ang lalaki sa kanya, inip na inip na siya!

Hindi pa man nakakasagot si George ay sumigaw na si Andre,”Daddy! Si Ate!” natatarantang sabi ng bata. Pagsilip nila kay Alexa ay nakabulagta na ito sa sahig at walang malay. Hindi magkandaugaga si George kung paano bubuhatin ang anak at dadalhin sa ospital.

Samantalang umirap naman si Nina, naudlot pa ang mga plano niya dahil sa bwisit na bata!

Pagdating nila sa ospital ay ganoon nalang ang pag-iyak ni George nang sabihin ng doctor na stage 4 na ang cancer sa dugo ng bata. Napakalaki ng pagsisisi ng lalaki dahil di niya masyadong nabibigyan ng oras ang anak, edi sana ay naagapan pa ang sakit nito. Sa paglipas ng mga araw ay unti-unting nanghina si Alexa, palaki naman nang palaki ang ngiti ni Nina, sigurado kasing bago matapos ang taon ay mababawasan na ang sampid sa bahay na ito.

“Tita Nina, laro po tayo. Pasan-pasan, laro namin ni Mommy yan noon eh,” naglalambing na sabi ni Alexa. Nakaharap si George kaya naman kahit labag sa loob ni Nina ay pumayag siya.

“Sige baby, gustung-gusto rin ng tita ang larong yan. Lika dito, sakay ka sa likod ko,” sabi niya. Sumakay nga ang bata, payat ito at halos wala namang bigat pero bwisit na bwisit pa rin siya.

Hindi nagtagal ay namaalam rin ang bata, sa sobrang sakit ng nararamdaman ni George ay muli niyang inabala ang sarili sa pagtatrabaho. Umaasa siyang kapag napagod siya ay mapapawi ang sakit. Gusto niya pag-uwi niya ay bugbog na ang katawan niya at matutulog na siya agad sa bahay, di na magkakaroon pa ng pagkakataon na mag-isip siya at maalala ang anak. Nakalimutan niyang nariyan pa ang bunso niya, si Andre.

Malungkot palagi si Andre dahil wala na itong kalaro, lalo pang pinalala ni Nina ang sitwasyon dahil palagi niyang pinapagalitan ang bata. Konting pagkakamali lang nito ay sinasaktan niya ito.

“Ano ba! Sinabi nang wag kang maingay! Nakakaintindi ka ba ha? Tanga-tangang bata!” sabi niya at kinurot ito sa tagiliran, napaiyak naman si Andre habang tumatakbo palayo. Lalong namang nagalit si Nina kaya sinubukan niyang tumayo upang habulin ito pero biglang humilab ang sakit sa likod niya kaya di na niya naabutan pa ang bata. Bwisit! Ilang linggo niya na ring iniinda ang sakit na ito. Ilang linggo na rin tuloy nakakatakas si Andre sa paanakit niya dahil hindi siya masyadong makakilos.

“Letse ka Andre! Pasalamat ka hindi ako makatayo agad dito kundi ay nasaktan ka na naman sa akin!” bulyaw niya rito.

Kinagabihan ay dumating si George na may dalang mga rosas, ang laki-laki ng ngiti nito dahil nais niya nang alukin ng kasal si Nina. Hindi niya lamang nagawa iyon noon dahil masyado pa siyang maraming iniisip. Ngayon, handa na siya.

“May sasabihin ako sayo,” excited na sabi ng lalaki sa kinakasama.

“Sandali lang, CR lang ako. Magkakaroon na yata ako kaya sobra na ang sakit ng likod ko nitong nakaraan,” sabi ni Nina. Pumunta siyang CR at umihi, kahit na pagtayo sa toilet bowl ay hirap na hirap siya. Ang sakit sakit!

Ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang mapadaan siya sa salamin..

Nakapasan sa kanya si Alexa.

Para siyang na-estatwa sa harapan ng salamin habang nakikipagtitigan sa batang malabo ang mukha, mahigpit ang kapit nito sa likod niya kaya pala matindi ang sakit noon.

“Tita, wag mo nang saktan si Andre. Laro na lang tayo ng pasan-pasan tita,” sabi nito sa nakakakilabot na boses.

Patakbong lumabas sa banyo si Nina, para siyang baliw na pinagpagan ang likod. Gulat namang napatingin sa kanya si George, namumutla ang babae at halos maiyak na sa sobrang takot.

“Huy, okay kalang?” sabi ni George pero di na siya pinansin ni Nina. Nag-empake na ang babae at umalis sa bahay na iyon, wala na siyang balak na bumalik pa.

Naguluhan man si George ay wala na siyang nagawa, hahabulin niya pa sana ang babae pero nawala ang pagmamahal niya rito nang magsumbong ang katulong na sinasaktan nito ang nag iisa niyang anak. Noon siya nagising- na may Andre pang nangangailangan sa kanya. Bumawi siya kay Andre at ibinuhos dito ang buong pagmamahal niya.

Masayang masaya si Andre dahil kahit wala siyang nanay ay nariyan naman ang kanyang ama. At kahit pumanaw na ang ate niya ay alam niyang palagi siyang binabantayan nito at inilalayo sa kapahamakan.

Advertisement