Nahuli ng Misis ang Kanyang Mister at Madrasta na May Ginagawang Kababalaghan; Nagdulot ng Malaking Kamalasan ang Kataksilan ng Dalawa
Apat na taon nang nagsasama sina Aling Criselda at Mang Anthony, kapwa sila 46 years old na, kasal sa unang asawa ang lalaki kaya naman hindi niya magawang magpakasal kay Criselda. Ayos lang iyon sa babae, ayaw niya rin namang matali, kaya lang naman siya nagtatagal pa kay Mang Anthony dahil may nahihita siya rito. Buong akala ng lalaki ay mahal na mahal niya ito pero ang totoo ni katiting na malasakit ay wala siyang nararamdaman, lahat ay pagpapanggap lamang. May negosyo kasi si Mang Anthony na pagawaan ng trapal ng mga tricycle at jeep at malaki ang kinikita nito, dinarayo talaga ito ng mga driver mula sa ibang barangay.
“Tiyang, nagluto ako ng menudo kasi birthday ng mister ko, kasya na ho ito sa inyo ni Tatay,” sabi ni Jona, ang panganay na anak ni Mang Anthony. May sarili na itong pamilya at may isang anak na nag aaral sa elementarya.
“Ah talaga ba? Bithday pala ni Nato,” sabi ni Aling Criselda, nakaramdam siya ng kaunting kilig. Lingid kasi sa kaalaman ng kanyang asawa, palihim niyang inaakit ang mister ng anak nito. Naga-guwapuhan siya kay Nato at lalo siyang naging interesado nang malamang naga-apply ito sa Saudi. Aba, kahit naman malapit na siyang mag-singkwenta ay may asim pa siya, nakikita niya ngang napapalingon sa kanya ang lalaki kapag sinasadya niyang magsuot ng maluluwag na damit, nang sa gayo’y madali nitong masilipan ang dibdib niya kapag tumutungo siya.
“Oho, kung gusto ninyo ay pumunta kayo sa bahay. May kaunting salu-salo,” anyaya ni Jona, walang kaalam-alam sa maruming iniisip ng madrasta niya.
“Sige ba, magbibihis lang ako. Susunod na ako doon,” excited na sabi niya. Agad siyang nagsuot ng sando at tokong kaya hapit na hapit ang hubog ng kanyang pwet. May katabaan siya pero maputi naman ang balat niya kaya hindi mahalay tignan iyon para sa kanya. Tiyak niyang may alak doon, makikipag inuman siya. Tutal, nanay naman ang tingin sa kanya ni Jona kaya hinding-hindi siya nito paghihinalaan. Habang ang asawa niya ay abalang nagpapakahirap para mabuhay siya, magpapakaabala naman siya para agawan ng mister ang anak nito.
Pagdating ni Aling Criselda sa bahay nina Jona at hindi nga siya nagkamali, may inuman nga. Naroon ang mga kumpare ni Nato habang ang mga babae naman ay nasa loob, kumakanta sa videoke at nag-aasikaso ng pagkain.
“Aba, ito na pala ang tiyang kong seksing-seksi, parang kinse anyos ah!” biro ni Nato kay Aling Criselda.
“Ikaw talaga, happy birthday ha? Despedida na rin yata ito ano?” sabi ni Aling Criselda rito, na hinawakan pa ang tagiliran ng lalaki.
Hindi naman maiwasang mag-init si Nato. Hindi naman lihim sa kanya na matagal na siyang gusto ng madrasta ng misis niya. Ang totoo ay gusto niya ring patulan ito, hindi lang siya makahanap ng tyempo. Nagsasawa na kasi siya kay Jona, masyadong boring. Halos ilang linggo na silang hindi nagsisiping kaya kung sinu-sinong babae na lamang ang pinapatulan niya. Wala rin itong ibang inasikaso kung hindi ang anak nila. Kaya lang siya nananatili pa sa piling nito ay dahil malaki ang naitutulong ng ama nitong si Mang Anthony sa mga gastusin niya sa pag-a-apply abroad. Dito rin siya humingi ng placement fee na 40,000 pesos.
Mabilis lumipas ang gabi at imbes na sa loob makipagkwentuhan si Aling Criselda kasama ang mga babae ay mas pinili niyang tumambay sa labas, nakipag inuman siya sa mga lalaki. Siguro ay alas nuwebe na ng gabi nang bumagsak ang mga lalaki dahil sa kalasingan, tanging si Aling Criselda na lamang at Nato ang natitirang gising.
“Nato, Tiyang, papasok na muna ako ha. Katatapos ko lang maghugas ng pinggan, sasamahan ko lang matulog si Angeli sa kwarto. Napagod rin ako,” sabi ni Jona na sumilip lang sa pinto.
“Sige mahal, ako na ang bahalang maghugas nitong ibang pinggan. Tabihan mo na ang anak natin,” sabi naman ni Nato sa babae, naroon sa labi niya ang isang nakakalokong ngiti. Siguro ay mga dalawampung minuto pa silang nagkwentuhan tapos ay bigla na lamang sinibasib ni Aling Criselda ng halik si Nato, hindi naman tumanggi ang lalaki.
Sa salas mismo ng bahay nila, isang pader lamang ang pagitan sa kwartong tinutulugan ng mag ina ni Nato- ay ginawa nila ni Aling Criselda ang napakalaking kasalanan at kalaswaan.
Katatapos lamang nila nang marinig nilang may nagbubukas ng gate kaya dali dali silang nagbihis. Balisa pa si Aling Criselda nang lumabas siya sa pinto, naroon si Mang Anthony sa labas at nahihirapang tanggalin ang kalawit sa gate.
“Pasensya kana, hindi na ako nakasama sa handaan dahil dagsa ang nagpapagawa eh. Di ko matanggihan gawa ng mga dayo lahat, nakakaawa naman kung pababalikin ko pa. Kanina pa ako rito hindi ko matanggal itong kalawit, sabihin mo nga kay Nato ay dapat lagyan na ng langis ito.” sabi ni Mang Anthony. Nakahinga nang maluwag si Aling Criselda dahil mukhang di naman nakahalata ang asawa niya.
“S-Sige, tulog na yata sila ni Jona eh. Nagligpit ligpit lang ako dito, tara na uwi na tayo,”
Lumipas ang mga linggo at ipinagpatuloy ng dalawa ang malaswa nilang relasyon.
Isang araw ay pasado alas siyete na ng gabi nakauwi si Jona mula sa pinagtatrabahuhan niyang grocery, kaya naman si Nato na ang sinabihan niyang sumundo sa anak nila. Gusto niya sanang sorpresahin ang mag-ama niya kaya dahan-dahan siyang pumasok sa bahay, pero siya pala ang masosorpresa.
Naroon sa salas nila ang madrasta niya at ang kanyang mister na naghahalikan, halos nakahubad na ang mga ito.
“Hayop kayo!” sigaw niya, naibato niya pa ang kanyang bag. Akmang susugurin niya si Aling Criselda pero pinigil siya ni Nato at sinampal pa siya ng lalaki. Lalo siyang naiyak nang makita ang kanyang anak na nakasilip sa pinto ng kanilang kwarto. Nagtaka kasi ang bata kung ano ang kaguluhang nangyayari, kanina lang ay masaya pa ang kanyang tatay na pinapasok siya sa kwarto.
Tila nakakaloko namang nakangisi si Aling Criselda, ano pa ba ang magagawa niya? Parang mas mahal na siya ni Nato.
“Mga walanghiya kayo! Ang bababoy niyo at nandito pa talaga ang anak ko ha! Mga hayop!” hindi na halos makahinga si Jona, nagulat pa siya nang sipain ni Nato ang sofa na malapit rito.
“Tutal andito na rin lang eh oo! Matagal na kaming may relasyon! Dahil wala na akong mahita sayo, tignan mo nga ang sarili mo tuyot kana! Letse!” sabi ng lalaki, dali-dali itong pumunta sa kwarto nila at nag-empake ng damit. Tapos noon ay hinawakan nito ang kamay ni Aling Criselda at sabay na lumabas ang dalawa sa kanilang bahay.
Sobrang sakit ng pangyayaring iyon para kay Jona, pero alam niya na sinadya ng Diyos na makita niya ang tunay na kulay ng mister at madrasta niya upang sa huli ay di na siya masaktan pa. Blessing in disguise ‘ika nga nila. Naging matatag sila ng kanyang ama na si Mang Anthony, konting pag-iipon at nakapagpatayo sila ng maliit na grocery, hindi na kakailanganin pang umalis ni Jona sa bahay niya, magkakaroon pa siya ng maraming oras sa kanyang anak.
Kung akala naman ni Aling Criselda ay nakabingwit siya ng malaking isda, isang malaking pagkakamali iyon. Hindi kasi natuloy ang pagsa-Saudi ni Nato dahil wala na itong pera para sa placement fee, bukod doon, bumagsak ito sa medical. Natuklasan nilang may sakit si Nato dahil sa pakikipagtalik nito sa iba’t ibang babae simula nang malayo ito sa misis. Ganoon na lang ang iyak ni Aling Criselda nang magpatingin siya at sabihin ng doktor na maging siya’y may sakit rin.
Kahit na anong pagsisisi niya, wala na silang magagawa. Sana lang ay naging mabuti na lamang sila sa kanilang mga asawa, edi sana, hindi sila sinisingil ngayon ng karma.