Nagpanggap ang Babae na Siya ang Kakambal Niya Para Maagaw ang Nobyo Nito; ‘Di Niya Akalaing Ibubuking Siya ng Kanilang Ina

Kambal sina Pauline at Paula. Sila ay identical twin kaya magkamukhang-magkamukha ang dalawa. Sumakabilang buhay na ang kanilang ama at ang kanilang ina naman ay nag-aasikaso ng negosyo ng kanilang pamilya sa Australia kaya ang magkasama sa bahay ay ang magkapatid ngunit matagal ng may lihim na inggit si Paula sa kakambal na si Pauline dahil ito ang nagustuhan ng lalaking pinakamamahal niya. Sa katunayan ay malapit na itong ikasal.

“Ilang linggo na lang, Pauline at ikakasal ka na kay Lander. Ang saya-saya mo siguro ‘no?” wika ni Paula na sa likod ng ngiti ay nagngingitngit sa galit sa kapatid.

“Oo naman, Paula. Alam mong mahal na mahal ko si Lander at alam kong ganoon din ang nararamdaman niya sa akin.”

“Ano bang nagustuhan mo sa kaniya? Dahil ba sa guwapo siya at mayaman?”

“Nagustuhan ko kay Lander? Oo, maganda siyang lalaki at mayaman ang kanilang pamilya, pero hindi ang mga ‘yon ang nagustuhan ko sa kaniya. Ang pagiging simpleng tao at pagiging gentleman ni Lander ang nagustuhan ko sa kaniya, Paula. Alam mo namang hindi ako tumitingin sa panlabas na anyo at sa estado ng isang tao,” sagot ni Pauline.

“Plastikada! Kunwari ka pa, eh, ang gusto mo rin naman kay Lander ay ang kakisigan niya at ang yaman niya. Hindi mo ako maloloko, Pauline!” bulong ni Paula sa isip kahit pa alam niyang hindi iyon ang ugali ng kakambal.

Ngunit isang gabi ay isang aksidente ang nangyari. ‘Di sinasadyang mawalan ng preno ang kotse na sinasakyan ng kambal at sumalpok iyon sa pader na ikinasugat ng dalawa. Parehong isinugod sa ospital ang magkapatid. Nang bumalik ang ulirat ni Paula ay nakita niya ang sarili sa isang pribadong kwarto.

“N-nasaan ako?”

Advertisement

Biglang pumasok sa loob ang isang babaeng naka-uniporme na kulay puti. Napagtanto naman niya kung nasaan siya.

“Gising ka na pala, miss. Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong sa kaniya ng nurse.

“Medyo masakit pa rin ang ulo ko at ang buong katawan ko, hindi ko pa rin maikilos,” tugon niya.

“Huwag ka nang mag-alala. Ligtas na kayo ng kakambal mo.”

Napalingon si Paula sa gawing kaliwa niya at nakita niya roon ang kapatid na si Pauline na nakahiga rin sa kama. Ilang saglit pa at nagising na rin ito.

“N-nasaan ako? Bakit ako naririto?” sunud-sunod na tanong ng dalaga.

“Ano ka ba, naaksidente tayo kaya narito tayo sa ospital!” singhal ni Paula sa kapatid.

“S-sino ka ba? Sino kayo? Hindi ko kayo kilala!”

Advertisement

Nagulat si Paula sa sagot ng kapatid.

“Nurse, ano’ng nangyayari sa kaniya?” sabi ni Paula sa nurse.

Nilapitan ng babaeng nurse si Pauline.

“Miss, hindi mo ba siya natatandaan? Siya ang kapatid mo, ang kakambal mo. Naaksidente ang sinasakyan niyong kotse kaya narito kayo ngayon sa ospital. May mga taong nagmagandang loob na tumulong sa inyo na madala kayo rito. Wala ka bang maalala? Ano nga pangalan mo?”

Pilit na inalala ni Pauline ang lahat ngunit wala talaga siyang matandaan na kahit ano. Kahit ang pangalan niya ay hindi niya maalala.

“Wala talaga akong maalala, eh. Pati pangalan ko’y hindi ko matandaan,” sagot ng dalaga.

“Mukhang nagkaroon ng amnesia ang kapatid mo, miss,” wika ng nurse kay Paula.

Lihim na napangiti si Paula. Walang anumang matandaan si Pauline dahil sa nangyaring aksidente kaya sasamantalahin niya ang pagkakataon.

Advertisement

“Naku, ganoon ba? May amnesia ang kakambal kong si Paula? Hindi ito maaari!”

“Tama ba na ang pangalan ng kapatid mo ay Paula? Ano naman ang pangalan mo, miss? Wala kasing nakitang ID o anumang dokumento na magpapakita ng inyong pagkakakilanlan sa pinangyarihan ng aksidente. Wala ba kayong dalang cell phone?” pag-uusisa ng nurse.

“M-meron, pero hindi ko alam kung nasaan, eh. Siguro ay may nagnakaw habang naaksidente kami. Sa pagkakatanda ko ay may dala akong bag at doon nakalagay ang cell phone ko. Ang cell phone naman ng kapatid ko ay palaging nakalagay sa bulsa ng pantalon niya.”

“Pasensiya na, pero walang nakuhang kahit anong gamit sa kotse niyo. Malamang ay pinagnakawan kayo ng iba bago pa man kayo makita ng mga taong tumulong sa inyo. Ikinalulungkot ko, miss.”

“O-okay lang. Ang mahalaga ay ligtas kami. A-ako nga pala si Pauline Arguelles at siya ang kakambal kong si Paula Arguelles,” pagsisinungaling ni Paula.

Dahil nagkaroon ng amnesia ang kapatid ay naisip ni Paula na magpanggap bilang si Pauline at ang kaniyang kakambal ay maging siya. Ipinagpalit niya ang pangalan nilang dalawa. Identical twin sila at parehong-pareho ang itsura nila kaya hindi mahahalata kung magpapanggap siya. Alam din naman niya kung paano kumilos at magsalita ang kapatid. Nakiusap siya sa nurse na kung maaari ay tawagan niya ang nobyo. Kabisado ni Paula ang numero ni Lander dahil kaibigan din naman niya ang lalaki. Nang makausap niya ito ay paniwalang-paniwala naman ito sa mga kasinungalingan niya kaya nagmamadali itong pumunta sa ospital kung saan sila naroon.

Maya-maya ay dumating na si Lander at bumungad sa lalaki ang dalawang babae na nasa loob ng pribadong kwarto. Nalilito ito kung sino sa dalawa ang nobya dahil sa magkamukha nga ang kambal. Agad itong tinawag ni Paula na nagpanggap na si Pauline.

“Lander! Mabuti naman at dumating ka na!” sabi ni Paula habang humihikbing yumakap nang mahigpit sa lalaki.

Advertisement

“Huwag ka nang umiyak, mahal ko, narito na ako. Kumusta kayo ng kapatid mo? Nasaan siya?”

“Ayun siya sa kabilang kama. Kawawa naman si Paula. Wala siyang matandaan, nagkaroon ng amnesia ang kapatid ko,” aniya.

“Ano?!”

Nagulat si Lander sa sinabi ni Paula. Nilapitan niya ang dalaga at tinanong.

“Nakikilala mo ba ako, Paula? Ako si Lander, ang nobyo ng kapatid mo.”

Tumingin sa kaniya ang dalaga at saglit na nag-isip.

“H-hindi kita matandaan. Pasensiya na, ang lahat ng alaala ko’y nawala dahil sa aksidente kaya kahit pangalan ko at pangalan ng kapatid ko ay hindi ko maalala,” malungkot na tugon ni Pauline.

Nakaramdam ng kakaibang awa si Lander sa pinagdaraanan ni Pauline na inakala nitong si Paula ngunit pinigilan naman ni Paula ang nararamdaman ng lalaki at muli itong tinawag.

Advertisement

“Lander, halika rito mahal ko!”

Nang lapitan siya ni Lander ay hinalikan niya ito sa mga labi at mahigpit na niyakap.

“Ang akala ko’y mamamat*y na ako, Lander. Takot na takot ako!”

“Wala ka nang dapat ikatakot. Ligtas ka na, ligtas na kayo ng kapatid mo.”

“Isa lang ang natutunan ko sa nangyaring aksidente, dapat ay hindi na pinapalagpas ang mga pagkakataon. Gawin na ang dapat na gawin habang tayo’y nabubuhay kaya gusto ko nang maikasal na tayo sa lalong madaling panahon. ‘Yung mas maaga pa sa itinakdang araw,” sabi ni Paula.

“P-pero paano ang kapatid mo? Hindi pa siya magaling. Kailangan munang maibalik ang kaniyang alaala,” tugon ng lalaki.

“Huwag mong intindihin si Paula. Sabi ng doktor ay pansamantala lamang ang pagkakaroon niya ng amnesia. Babalik din ang alaala niya. Bakit, Lander, nagdadalawang-isip ka ba na ituloy ang kasal?”

“Hindi naman sa ganoon, pero…”

Advertisement

“Mahal kita, Lander at alam kong mahal mo rin ako kaya, please gusto ko nang maikasal tayo sa lalong madaling panahon,” pagsusumamo ni Paula sabay halik sa mga labi ng lalaki.

Hindi na nakatiis si Lander at ginantihan ang mainit na halik ni Paula.

“Mahal kita, Pauline, mahal na mahal. Kung ‘yan ang gusto mo, sige, aagahan natin ang kasal.”

Nabalitaan naman ng kanilang ina na si Alicia ang nangyari sa mga anak at ang napipintong kasal ng isa sa kambal kaya nagmamadali itong umuwi sa Pilipinas ngunit nang makabalik sa bansa ay iyon na rin ang araw ng kasal ng isa sa mga anak niya. Dumiretso agad siya sa kanilang bahay subalit hindi niya naabutan doon ang bride. Mas pinili ni Paula na sa isang hotel mag-ayos para sa kasal nila ni Lander. Ang nadatnan lamang niya roon ay ang isang babae na nakaupo sa kama sa isang kwarto.

“P-Paula, hija, kumusta ka na? Balita ko ay may amnesia ka, anak. Teka, kasal ngayon ng kakambal mo, pero bakit narito ka pa? At bakit hindi man lang ipinaalam sa akin ng kapatid mo na ikakasal na siya ngayong araw? Kung ‘di pa sinabi sa akin ng mama ni Lander ay hindi ko malalaman?” tanong ni Alicia sabay yakap nang mahigpit sa anak.

“S-sino po kayo?” tanong naman ni Pauline.

“Ako ang mama niyo, ako si Alicia. Hayaan mo hija, ngayong narito na ako ay tutulungan kitang bumalik ang alaala mo.”

Nakaramdam naman ng kakaibang pakiramdam si Pauline sa sinabi ni Alicia. Ramdam na ramdam nito ang pagmamahal ng ina.

Advertisement

“Talaga po? Salamat po, m-mama!”

“Ang mabuti pa ay ako na ang magbibihis sa iyo. Gusto kong maging maganda ka rin sa kasal ng kapatid mo.”

Nang hubarin ni Alicia ang damit ni Pauline ay laking gulat niya nang makita ang likod ng dalaga.

“Hi-hindi ito maaari! Hindi dapat matuloy ang kasal!”

Dali-dali silang pumunta sa simbahan kung saan gaganapin ang kasal ni Paula. Tamang-tama naman ang dating nila dahil naroon na rin sa simbahan sina Paula at Lander. Biglang sumigaw si Alicia nang ubod lakas.

“Walang magaganap na kasalan!”

Gulat na gulat ang mga bisita sa ginawang panggugulo ng ina ng ikakasal.

“M-mama? K-kailan ka pa d-dumating?” kinakabahang tanong ni Paula sa ina.

Advertisement

“Tumigil ka na sa kasinungalingan mo, Paula, bistado na kita!” sambit ni Alicia.

Ikinabigla ng mga bisita, maging si Lander ay naguguluhan sa sinabi ng babae.

“A-no pong ibig sabihin nito?!” gulat na tanong ng lalaki.

“Ang babaeng iyong pakakasalan ay hindi si Pauline, siya si Paula ang kaniyang kakambal. Nagpanggap lamang siya na iyong nobya, Lander. Ang magpapatunay na totoo ang sinasabi ko ay ang balat sa likod ni Pauline na wala si Paula,” hayag ni Alicia na ipinakita ang likod ng mga anak. Kitang-kita nga nila ang kulay pulang balat sa likod ni Pauline na wala naman sa likod ni Paula.

“Mula nang ipanganak ko si Pauline ay mayroon na siyang balat sa likod samantalang wala naman si Paula, kaya anak, sabihin mo sa akin, bakit mo ito nagawa sa kakambal mo? Bakit ka nagpanggap bilang si Pauline?”

Hindi na napigilan ni Paula na maiyak.

“Dahil mahal ko rin si Lander, mama! Ginamit ko ang pagkakataon na walang maalala si Pauline para ako ang pakasalan ni Lander!” sagot ni Paula sa ina.

Agad naman nilapitan ni Lander ang totoong Pauline.

Advertisement

“Patawarin mo ako, mahal ko kung hindi ko nakilalang ikaw ang totoong Pauline. Muntik na akong maloko ni Paula.”

“Wala kang dapat ihingi ng tawad. Pareho lang naman tayong naging biktima ng pagkakataon,” wika ni Pauline sabay yakap sa nobyo.

Labis naman ang kahihiyang inabot ni Paula sa ibinunyag ng ina. Sa sobrang pagkapahiya ay nagtatakbo ito palabas ng simbahan. Tinangka nilang habulin ang dalaga ngunit hindi nila napansin ang paparating na truck sa kalsada at nasagasaan ito. Dinala nila sa ospital si Paula ngunit hindi na ito umabot at binawian na ng buhay. Pinagbayaran na ni Paula ang ginawang kasalanan sa kakambal dahil sa pagsisinungaling nito ay siningil agad ito ng karma.

Sa pagkawala ng kapatid ay bumalik na ang alaala ni Pauline. Labis na ikinalungkot ng dalaga at ng ina nilang si Alicia ang nangyari kay Paula ngunit kailangan nilang ipagpatuloy ang buhay kahit wala na ito. Napatawad na rin ni Pauline ang kapatid sa ginawa nitong pagpapanggap. Natuloy na rin ang kasal nila ni Lander at nagsama na bilang mag-asawa at binigyan ng dalawang anak. Nanatili na lamang sa Pilipinas si Alicia para makasama ang anak at mga apo. Ipinagkatiwala na lang nito sa mga tauhan ang pamamahala sa kanilang negosyo sa Australia.