Hinamon ng Mister na Magpalit Sila ng Misis ng Posisyon, Halos Magkandakuba Siya sa Hirap
“Diyos ko, Reese. I-budget mo naman ang oras mo. Kahit ang Diyos eh tumigil sa pagtratrabaho ng isang araw sa loob ng isang Linggo. Ang layo na ng loob ng mga anak mo sa iyo. Ni hindi ka makalaro’t makausap.” Saad ni Sarah sa pawisang mister habang pinupunasan ng puting-puting good morning towel ang mukha nito.
“Swerte mo nga’t hindi ka kagaya ng kumare mong si Nora. Bukod sa pag-aalaga ng anak at paggawa ng gawaing bahay, nagbabantay pa ng tindahan at kung ano-ano ang ibinebenta. Mag-aalaga ka na lang ng mga anak at mag-aasikaso ng bahay ang dami mo pang satsat!” Sabay tabig ni Reese sa kamay ng asawa.
“Naku, tignan mong ugali mo. Nananabig ka pa ng kamay. Ikaw na nga itong pinupunasan ng pawis. Ako’y nag-aalala lang naman. Iba pa rin ang epekto sa mga bata kapag naglalaan ang ama ng oras para sa pamilya. Huwag mong ikumpara ang buhay natin sa iba, buhay natin ang topic isisingit mo ang buhay ni Nora.” Inis na sambit ni Sarah.
Naputol ang mainit na usapan ng mag-asawa nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan.
“Mare, pinabibigay ni Nora. Gusto niyo bang sumama ng mga bata? Pupunta kami ng Quezon City Circle, para makapag-bisikleta si Junior ko. Nakakatuwa e, trip na trip niya iyong bago niyang bisikleta. Ginawan ko kasi last year ng alkansyang gawa sa lata, ayun ura-uradang nagyayang bumili ng bisikleta nung buksan namin ang alikansya noong makalawa.” Saad ni Randy; ang asawa ni Nora.
“Pare, sige. Hintayin niyo kami ng mga bata. Sasama na lang kami sa inyo ulit. Mabuti na lamang at nandiyan kayong mag-asawa.” Nagdaramdam na saad ni Sarah, tila nagpaparinig pa ito sa mister.
“Oh, pre. Inggit na inggit ako sa iyo. Ang husay mong ama. Itong si Sarah kahit mamatay-matay na ako kakagawa ng pera, dami pa ring reklamo. Siguro nga dahil hindi ako gaya mong paraket-raket lang sa pagbebenta ng insurance at maraming oras sa pamilya.” Saad ni Reese.
Tumango na lamang si Randy at hindi na lamang kumibo. Kilala niyang mainitin ang ulo ng kumpare at kahit kailan ay hindi niya ito pinatulan. Katwiran niya’y siya naman ang mas nakakaintindi.
“Pasensiya ka na sa inasal ni Reese, pare. Pagod lang sa trabaho.” Wika ni Sarah.
“Mare, bakit ba kasi ganyan ang asawa mo. Tatlo na iyang anak niyo at hindi lang naman ikaw ang nasarapan nang ginawa niyo yang mga bata, tulong din sana kayo sa pagpapalaki, hindi lang yung magbibigay lang siya ng pambili para sa mga pangangailangan ninyo’t doon na nagtatapos ang pagpapaka-ama niya. Ni hindi nga marunong maghugas ng puwet ng bata iyang si Reese.” Naiiritang saad ni Nora.
“Mahal, yung bibig mo gusto mo pitikin ko? May mga kasama tayong bata.” Pananaway ni Randy sabay pinaghahalikan sa kili-kili ang nakasleeveless na asawa. Nagtawanan na lamang silang lahat sa paglalambingan ng dalawa.
Tila inggit na inggit si Sarah sa kumare at kumpare.
Nang mapagod kakabisikleta ang mga bata’y nagpasya na silang umuwi.
“Reese, masahihin mo naman ang paa ko. Para kasing tumutunog ang tuhod ko sa ngawit kabubuhat kay Monique.” Paglalambing ni Sarah sa asawa habang hinihimas pa ang balikat nito.
“Pagod ako, ito 350 pamasahe ka sa kanto. Iwan mo muna kay Nora ang mga bata.” Tila naiinis na saad ni Reese.
“Hindi na bale! Reese, ano bang nangyayari sa atin? Nandito ka nga lang sa bahay pero parang wala ka rin! Puro paggawa ng plano ng mga building ang inaatupag mo. Halos diyan ka na sa maliit na opisina mo natutulog. Kapag may libreng oras ka, sa halip na kargahin mo ang mga bata o laruin para naman makakilos ako para sa sarili ko, hindi mo magawa. Nanonood ka lang ng TV o naglalaro ng Mobile Legends!” Pikon na pikon na ang maamong si Sarah kaya’t nakapagbitiw na ito ng maaanghang na salita.
“Ah ganon ba? O sige! Ikaw ang magbayad ng kuryente, internet, tubig! Ikaw ang bumili ng gatas at diaper! Hindi na ako magtratrabaho! Mag-aalaga ako ng mga anak!” Sabay binalibag ng mister ang kaniyang mga gamit pangguhit at lumabas ng opisina.
“Papa! I love you! I miss you! Play tayo!” Saad ng sabik na sabik na panganay na anak na si Rasha sa ama.
“Oo naman, nak. Mula ngayon ako na mag-aalaga sa inyo! Papakita ko sa reklamador niyong nanay kung gaano kadali mag-alaga ng anak at mag-asikaso sa bahay. Tignan natin kung may maipakain siya sa atin!” Saad ng nagngingitngit na si Reese.
Sa sobrang sama ng loob ni Sarah ay pinatulan nito ang hamon ng asawa. Bilang nakatapos din ito ng arkitektura’y sa loob lamang ng limang oras ay nagamay niya ang mga ginagawang plano ng asawa.
“Mr. Sy, tapos na po ang mga pinagawa ninyong plano.” Saad ni Sarah sa boss ng asawa. Inilihim nitong siya ang gumawa nito.
“Sige, punta na ako sa bahay niyo para maiabot ko ang bayad.”
“Aba, pulidong-pulido ang pagkakagawa mo, Reese. For the first time, wala akong masabi sa gawa mo! Isa pa, gulat na gulat ako maaga pa sa deadline ay nakapagpasa ka na! Ito, limang libo, lumabas kayo’t mag-enjoy tutal ay ang aga mong natapos. Wala ka nang gagawin bukas hanggang sa makalawa. Ito nga pala ang susunod mong proyekto.” Abot hanggang tenga ang ngiti ni Mr. Sy.
Nangingiti naman si Sarah sa inakto ng boss ng asawa, nakapamewang pa ito at nginingisian ang mister sa isang sulok.
“Baby! Huwag ‘yan! Dirty yan!”
“Rasha, yung kapatid mo! Tignan mo! Nagpipirito pa ako ng tocino!”
“Joaquin! Anak ng teteng naman! Yung assignment mo! Hindi mo pala nagawa kahapon! Ang laki-laki mo na! Dapat matuto kang gumawa mag-isa!”
“Mga lintek kayong magkakapatid! Nakaka-upos kayo!”
Habang advance na ginagawa ang mga proyektong ibinigay ni Mr. Sy sa opisina ay natatawa-tawa na lamang si Sarah habang humihigop ng ice cold coffee.
Madali pala, ha? Tignan lang natin. Saad niya sa kaniyang sarili.
“Love, baka puwedeng paki-pindot naman ang likod ko. Pagod na pagod ako, ang kukulit ng mga bata.” Lambing ni Reese sa asawa habang nakatanaw ito sa loob ng opisina.
“Ang ikli naman ng shorts mo, love. Baka puwedeng huminto ka muna diyan, baka naman puwedeng pa-iskor muna tutal tulog na ang mga bata.” Saad ni Reese.
“Reese, kailangang matapos ko ito. Plano kong maka-ipon para makakuha pa ng mas maraming proyekto kay Mr. Sy. Bawasan mo yang limang libong bonus. Pamasahe ka sa kanto. Mag-spa ka kung gusto mo. Ako na titingin sa mga bata.” Saad ni Sarah. Nananadya pa itong itaas ang mga kamay na kunwaring nag-iinat ngunit gusto lamang niyang masilayan ng asawa ang kaniyang katawan upang lalo itong mag-laway. Wala pa man din siyang suot na bra.
“Halika muna, dito. Please.” Lalo namang nag-iinit si Reese sa nasasaksihan. Umakma pang tutuwad ang asawa upang magtapon ng mga papel sa basurahan.
“Reese, wag kang makulit…” Hindi na natapos ni Sarah ang sasabihin para siyang mannequin na binuhat na lamang ng asawa patungo sa kanilang silid. Nang mahiga sa kama’y para itong tigreng sabik na sabik sa karne.
Wala naman nang nagawa si Sarah, palibhasa’y matagal niya na ring gustong makapanaig ang mister.
“Love, sorry sa mga inasta ko nitong mga nakaraang taon. Naging pabaya akong ama at asawa. Talo na ako, love. Uwian na, may nanalo na. Ikaw ‘yon.” Saad ni Reese habang nakayapos pa rin sa napakagandang asawa.
Mula noon ay natuto nang mag-badyet ng oras ni Reese. Pagkatapos makaabot ng quota sa trabaho’y todo asikaso na nito ang mag-iina.
Naging mas matataas ang grado ng mga anak sa eskuwelahan, sa katunaya’y top 1 pa si Joaquin nang ito’y nagtapos ng elementarya. Ang bunso namang si Monique ay lalong naging bibo. Tuwang-tuwa ang panganay na si Rasha at nagbiro pa ito. “Ma, Pa… Tutal ay 3 years old na si Monique baka puwedeng makahiling ng bunsong kapatid na lalake.”
Nagtawanan na lamang ang mag-asawa at nagyakapan.
“Pare, baka gusto niyong sumama ni Mareng Nora. Mag-beach tayo ngayong darating na semana santa.” Paanyaya ni Reese kay Randy habang yakap-yakap nito ang asawang si Sarah habang nakatambay sa tapat ng kanilang bahay.
“Pare, masaya ako para sa ‘yo. Idol talaga kita!” Sambit ni Randy sa dating mayabang na kumpare.
“Hay, iba talaga nagagawa ng pagtatalik sa mag-asawa.” Pagbibiro ng kumareng si Nora. Kinindatan pa nito si Sarah.
Nagtawanan na lamang sila habang sinisiko ni Randy ang pilyang asawa.
Nang sumapit ang semana santa ay enjoy na enjoy ang lahat sa kanilang outing. Tila nagkatotoo nga ang hiling ni Rasha, buntis si Sarah at lalake ang nasa sinapupunan nito.
Bilang mag-asawa’y hindi talaga mawawala ang mga gaya nitong hamon na lalong magpapatibay sa pagsasama. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?