Inday TrendingInday Trending
Pinagdudahan ng Guro ang Estudyanteng Madalas Lumiban sa Klase, Naantig ang Kaniyang Puso Nang Malaman ang Pinagdadaanan Nito

Pinagdudahan ng Guro ang Estudyanteng Madalas Lumiban sa Klase, Naantig ang Kaniyang Puso Nang Malaman ang Pinagdadaanan Nito

Anim na taon nang nagtuturo si Jessa sa isang pampublikong paaralan. Siya ay guro ng mga hayskul na estudyante sa subject na Araling Panlipunan. Ang kaniyang advisory class sa taong ito ay puno ng mabubuti at magagaling na mag-aaral, bagaman mayrong ilan na medyo pasaway at napagsasabihan niya ang mga ito. Isa na nga rito si David.

“Habang tumatagal yata ay bumababa ang mga marka mo David, nasabi sa akin ng ilang guro mo na minsan ay hindi ka rin nakakapagpasa ng takdang aralin.” wika niya sa estudyante

“Sorry po Ma’am, magpapasa na po ako ng takdang aralin.” sagot nito.

Si David ay isa sa mga maituturing na pinakamasayahing bata sa kanilang klase, marami itong kaibigan at madali ring nakakasundo ng mga guro. Noong umpisa ay isa ito sa mga top students ni Jessa, ngunit ng maglaon ay bumababa ang kaniyang mga grado at naging malungkutin.

“Jessa, nakausap mo na ba si David? Napapadalas na kasi ang pagdating niya ng late sa klase.” Minsang tanong ng isang guro

“Oo nga napansin ko din yan, mamaya ay kakausapin ko ulit siya.”

Matapos ang klase ay ipinaiwan ni Jessa si David upang makausap sandali at mapangaralan.

“David, nung una ay bumaba ang mga grado mo, ngayon naman ay napapadalas na ang pagiging late mo, importante din ang attendance niyo maliban sa mga grado.” Bilin niya rito.

“Opo Ma’am alam ko po iyon, pasensya na po, sisikapin ko ng dumating sa tamang oras.” paliwanag nito.

Tatlong linggo matapos nilang magusap ay naging maayos ang grado ni David at hindi na rin ito nahuhuli sa klase. Hanggang sa sumunod na linggo ay hindi na ito pumasok. Labis itong ipinagalala ni Jessa dahil nalalapit na ang kanilang taunang pagsusulit.

Isang araw habang siya ay nagmamarka ng mga takdang-aralin ay lumapit sa kaniya ang isang estudyante.

“Ma’am, may gusto po sana akong sabihin sa inyo, sa terminal po kasi ng mall ako sumasakay pauwi sa amin, kaya madalas akong mapadaan doon, nitong nakaraan lang po ay tatlong beses kong nakita doon si David, nakasuot pa siya ng uniporme pero hindi po siya pumapasok.” paliwanag nito.

“Ganun ba, salamat sa pagsasabi sa akin, susubukan kong makausap ang magulang niya.” sagot niya rito.

Labis na ikinainis ni Jessa ang narinig, sa isip niya ay nagbubulakbol lamang ang estudyante at sinasayang nito ang oportunidad na makatapos ng pag-aaral. Agad niyang inalam ang address ng bahay ni David at pinuntahan ito upang makausap ang magulang.

“Tao po, nandiyan po ba si David? ako po ang kanyang class advisor.” katok niya sa pinto

Binuksan ito ni David at kitang kita ni Jessa sa muka nito ang pagkagulat. Habang ipinahalata niya naman dito ang kaniyang pagkainis.

“Kailangan kong makausap ang magulang mo David. May nakapagsabi sa akin na madalas kang nasa mall, isang linggo ka ng hindi pumapasok.” giit pa niya

Napakamot na lamang si David sa ulo at pinatuloy ang guro. Pinaghintay niya ito sa sala at pumasok sa kwarto upang tawagin ang nanay. Paglabas nito ay inakay niya at inalalayan ang nanghihinang ina.

“Magandang hapon ho, ako ang nanay ni David, may ginawa ho bang kalokohan itong anak ko.?” tanong nito

Mahinahong ipinaliwanag ni Jessa ang mababang mga marka at pagliban ni David sa klase at saka binigyan ito ng pagkakataon na magpaliwanag.

“Ang totoo po kasi niyan Ma’am, madalas pong magkasakit si nanay bago siya naospital nung nakaraan at wala naman pong pwedeng magbantay sa kaniya kundi ako, kung may nakakita man po sa akin sa mall yun ay dahil doon ako bumibili sa drugtore ng mga gamot niya. Ayaw po talaga niya akong payagan na lumiban sa klase kaya nagpapanggap nalang ako na umaalis, pero ang totoo ay nasa labas lang ako ng pintuan ng kwarto niya para magbantay.”

Naantig ang puso ni Jessa para sa estudyante, ang buong akala niya ay namamasyal lamang ito at ipinagsasawalang bahala ang kaniyang edukasyon. Naiintindihan niya si David dahil maging siya ay nakapag-alaga na rin ng kaniyang ina noon.

“Sana ay sinabi mo sa akin David, para naipaliwanag ko rin sa mga guro mo. Akala ko naman ay nagbubulakbol ka lang. Ngayon ay naiintindihan ko na.”

Naging maayos ang kanilang pag-uusap at nagkasundo na bibigyan na lamang ng espesyal na eksam at mga proyekto si David upang makahabol sa mga kaklase, kailangan niya ring manatili sa paaralan matapos ang klase upang mapag-aralan ang mga aralin na hindi niya napasukan.

Simula noon ay naging mas masipag na si David sa pag-aaral at sa tuwing kakailanganin niyang lumiban ay nagpapaalam siya sa kaniyang mga guro.

Nakatapos siya ng hayskul na kasama sa honor students at tuwang-tuwa siyang sinabitan ng kaniyang ina ng medalya. Masaya si Jessa para sa naabot ng kaniyang estudyante.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement