Inday TrendingInday Trending
Pinahiya ng Lalaki ang Batang Hamog na Namamalimos sa Jeep, Nagsasabi Pala Ito ng Totoo

Pinahiya ng Lalaki ang Batang Hamog na Namamalimos sa Jeep, Nagsasabi Pala Ito ng Totoo

Tirik na ang araw. Alas otso na ng umaga ay nakatunganga pa rin si Bitoy sa kalsada dahil sa traffic. Mag-iisang oras nang hindi umuusad ang mga sasakyan, plano pa naman niyang pumasok nang maaga sa trabaho dahil napakarami niya nang record ng late pero mukhang bigo na naman sya. Lagot na naman sya sa kanyang boss.

Kung alam niya lang, sana naghabal-habal na lamang siya— yung mga naka-motor na namamasada at sumisingit sa traffic, doon ay sigurado siyang hindi siya male-late.

Di tulad ngayon na napakainit na ay siksikan pa sila sa jeep. Maya-maya pa, nakarinig siya ng ilang reklamo sa mga pasahero.

“Ano ba yan! Ay ang dumi mo toy!” sabi ng ilan.

Nang lingunin ni Bitoy kung ano ang pinagkakaguluhan ay nakita niya ang isang batang hamog na nagpupumilit makasiksik sa gitna ng jeep, hinawakan niya nang mahigpit ang kanyang cellphone at bag.

“M-magandang umaga po,” tila nahihiya pa ito, bumuntong hininga at muling nagsalita. “Ako ho si Eldrin, kumakatok po sa puso nyo ng kaunting tulong para sa pagpapagamot ng nanay ko ho..” sabi nito.

Inilabas nito ang ilang pahina ng papel, may nakalagay na ‘medical record’ at ipinakita sa mga pasahero.

“M-may kanser ho sa matris ang nanay ko at kailangan po namin ng malaking pera para sa gamutan. Wala na ho kaming ama at kaming dalawa na lang ng kapatid ko ang kasama ng nanay ko, maawa na ho kayo.” halos maiyak na ito.

Pumalakpak naman si Bitoy kaya napatingin sa kanya ang ibang pasahero, “Ang galing! Best actor! Pang ilang jeep na kaming inakyat mo? Tapos ano, kapag di ka namin binigyan maglalabas ka ng patalim at hahablutin ang gamit namin?” nang-uuyam na sabi nya.

Hindi naman makasagot ang bata.

“O ano? Diba totoo? Gusto mo pakulong kita? Sanay na sanay na ko sa mga ganyang modus! Bakit, kadali namang magprint ng pekeng papel at sabihing galing yan sa ospital. Baka nga nanay mo eh sugarol pa, ipangra-rugby mo lang ang pera oy!” pamamahiya nya sa bata.

“Kuya hindi ho..” pagtanggi nito.

“Bumaba ka na, tatawag ako ng pulis,” sabi niya. Tila nasindak naman ito at bumaba na sa jeep.

Napapailing na lamang si Bitoy. Ganoon talaga dapat ang ginagawa sa mga walang kwentang batang hamog.

Ilang araw pa ang lumipas, nagulat si Bitoy nang pagpasok niya sa opisina ay naka-berde ang kanyang mga kasamahan.

“Tignan mo ‘tong ugok na to, nalimutan mo no? May outreach tayo ngayon!” sabi ng isang officemate nya.

Oo nga pala! Ngayon ang taunang outreach nila, kung saan ang kumpanya ay dumarayo sa mahihirap na lugar at nagbibigay ng tulong. Sabi ng boss nya, isa raw itong paraan para magpasalamat at ibalik sa iba ang mga blessings na natatanggap ng negosyo.

Kahit naka-formal si Bitoy ay sumakay na siya sa van na maghahatid sa kanila sa squatter, bahala na.

Malayo pa sila sa covered court kung saan gaganapin ang outreach ay bumaba na sila dahil di na kaya ng van ang sobrang baku-bako ng lugar. Bukod doon ay marami masyadong mga bahay at sala-salabat ang mga batang nakahubad na nagtatakbuhan sa kalsada. Isa pa, may patay raw na nakaburol kaya lalong walang madaraanan ang mga sasakyan.

Init na init si Bitoy nang mahagip ng mata niya ang isang pamilyar na mukha… ang batang hamog na pinahiya nya sa jeep ilang araw na ang nakalipas. May bitbit itong barya, tiyak nyang ibibili lamang nito iyon ng rugby o sigarilyo, sinundan niya nang tingin ang bata hanggang makarating ito sa isang sari-sari store.

Pero laking gulat nya dahil diaper at mamon ang bitbit nito, malapit lang ang ‘tahanan’ nito kaya tanaw nya pa rin. Isang pirasong yero lamang na nilagyan ng kaunting habong ang bahay nito, kinarga ng bata ang kapatid at ibinigay rito ang tinapay.

Kapansin-pansin rin na tila may tarpaulin at itim na tela sa bahay ng mga ito, doon yata nakaburol ang patay.

“Ah, sya pala yung sinasabi ni Sir Jim na kawawang bat.”

Napatingin si Bitoy sa kasamahan niyang nagsalita, napatuloy ito sa pagkukwento.

“Siya pala yung namatayan ng nanay. Ang sabi-sabi raw may cancer sa ovary ang nanay ng batang yan. Sa sobrang gusto nya nga raw na maligtas ang ale dumating pa sa puntong namalimos ang bata sa mga jeep..” malungkot na sabi nito.

Tila kinain naman ng konsensya si Bitoy, pinahiya niya pa ito, nagsasabi pala ng totoo.

Nais niyang suntukin ang kanyang sarili ngayong nakatanaw siya sa ulilang bata na bitbit ang dalawang taong gulang na kapatid. Nais niyang umalis na lamang doon dahil hiyang hiya siya, kinahihiya nya ang sarili nya.

Huwag na huwag tayong agad na manghuhusga sa kapwa dahil di natin alam ang kanilang pinagdaraanan.

Advertisement