
Losyang na ang Misis ng Lalaki Dahil sa Kasipagan sa mga Gawaing-Bahay; Humanap Kaya Siya ng Iba?
“Fely, mag-ayos-ayos ka nga ng hitsura mo! Bakit para kang pinagsakluban ng langit at lupa?”
Sinita na naman ni Ramon ang kaniyang misis na si Fely, na noon ay katatapos lamang maglaba ng kani-kanilang mga damit, at ngayon naman ay nakaharap sa kalan upang magluto ng hapunan.
“Katatapos ko lang kasing maglaba… alangan namang magpaganda pa ako eh nandito lang naman ako sa bahay,” saad ni Fely.
Pabalagbag na naupo si Ramon sa kanilang sofa na kauuwi lamang galing sa trabaho. Kinuha niya ang remote control ng TV. Makapanood na nga lang. Mas pinili niyang manood na lamang kaysa sulyapan ang kaniyang losyang na misis. Hindi naman ganito si Fely noon.
Sa katunayan, gustong-gusto ni Ramon ang balingkinitang katawan ng kaniyang misis noon. Ngunit nang magsilang na ito ng kanilang dalawang anak, tila napabayaan na nito ang kaniyang sarili. Lagi nitong ikinakatwiran na lagi lamang naman daw siya sa loob ng bahay; nag-aasikaso sa kanilang mga anak, at maging sa kaniya.
Tila mas tumanda ang anyo kaysa sa tunay nitong edad. Sa halip na ganahan si Ramon ay tinatabangan na siyang umuwi dahil sa kalunos-lunos na hitsura ng misis, na ni magsuklay ay hindi magawa.
Ngunit kung sa mga gawaing-bahay rin lamang ang pag-uusapan, panalong-panalo si Fely. Pulido ang paglalaba nito. Mabango at nawawala talaga ang mga mantsa. Bukod sa washing machine, talagang kinukusot pa nito ang damit, at hindi pinalalagpas na lagyan ng fabric conditioner upang bumango.
Noon, limitado lamang ang kayang lutuing mga ulam. Ngayon, halos lahat ng puwedeng i-request ay nagagawa na nito, magmula sa lahat ng uri ng sinigang, tinola, nilaga, kare-kare, mechado, menudo, at iba pa. Tinitiyak din nitong malinis at maayos ang bahay.
Isa pa, maasikaso rin ito kay Ramon. Plantsado na kaagad ang mga uniporme. Paggising niya, nakahanda na ang almusal, nakapagpainit na ito ng pampaligo niya, naihanda na ang mga gamot. Pati ang sapatos ay nalinis na rin. Nagtatrabaho bilang security guard sa isang condo unit si Ramon.
Ilang beses nang pinagsasabihan ni Ramon si Fely na mag-ayos-ayos naman ito at huwag maging pabaya ang sarili. Si Ramon kasi ay nakakapag-gym pa kaya maganda ang hubog ng katawan at malalaki ang mga braso. Kailangan iyon sa kaniyang trabaho upang makadagdag sa kaniyang awra bilang security guard.
Kapag nagsisimba sila o lumalabas, minsan ay napagkakamalan silang magtiyahin ni Fely. Si Ramon na lamang ang nahihiya.
Isang araw, may nakilalang isang magandang babae si Ramon, na nakatira mismo sa condo unit na kaniyang binabantayan. Malakas kasi talaga ang karisma ni Ramon, palibhasa’y magandang lalaki naman talaga. Nakapalagayang-loob niya ang isang sosyalera at magandang babae na walang pakialam kung may asawa na si Ramon. Hanggang sa naging magkaibigan sila, at tuluyan na ngang natukso si Ramon.
“Hiwalayan mo na ang asawa mo. Magsama na tayo rito,” saad ni Nina kay Ramon. Katatapos lamang nilang lasapin ang ‘mansanas nina Eba at Adan’ noon. Kapag tapos na ang duty ni Ramon, agad na itong umaakyat sa unit ni Nina. Hinahayaan lamang siya ng kaniyang mga kasamahang guwardiya dahil ganoon din naman ang ginagawa nila.
Nagpatianod si Ramon. Nagpaalam siya kunwari kay Fely na dadalo lamang sa isang training. Pumayag naman ito. Pagkakataon na niya upang mas mapatagal pa siya sa kandungan ni Nina.
Iba si Nina. Mapusok. Batambata. Maganda. Naibibigay ang kaniyang mga pangangailangan sa kama.
Dalawang linggo silang nagpakasasa sa kasalanan. Nanirahan siya sa condo unit ni Nina.
Makalipas ang dalawang buwan, dito na napansin ni Ramon ang malaking pagkakaiba nina Nina at Fely. Hindi kasi marunong sa mga gawaing-bahay si Nina. Si Ramon pa ang naglalaba. Hindi rin marunong magluto, ni magsaing. Si Ramon pa ang nagluluto. Burara pa sa gamit at hindi marunong maglinis, ni magwalis.
Kaya naman pagod na pagod si Ramon dahil pagkagaling niya sa trabaho, mag-aasikaso naman siya sa bahay. Na-miss niya bigla si Fely.
Si Fely na napakagaling sa paglalaba. Tinitiyak na mabango at malinis ang kanilang mga damit.
Si Fely na masarap magluto. Si Fely na maasikaso sa kaniya. Si Fely na walang pakialam kung magbago ang hitsura niya, alang-alang sa kaniyang pamilya.
Isang desisyon ang ginawa ni Ramon.
“Sige! Lumayas ka! Bumalik ka na sa asawa mong losyang! Tingnan natin kung maranasan mo pa ang sarap na ipinalalasap ko sa iyo gabi-gabi!”
Bumalik na si Ramon sa kanila. Kay Fely.
“Akala ko, hindi ka na babalik eh…” kakaiba ang luha sa mga mata ni Fely. Parang nakaramdam ito, na hindi lamang basta training ang pinuntahan niya. Subalit hindi ito nagtanong. Hindi nag-usisa. Niyakap at hinagkan niya ang misis na matagal na niyang hindi ginagawa.
Simula sa gabing ito, hinding-hindi na niya ipagpapalit ang asawa. Hindi na.