Simula nang Sumalangit ang Tatay, Ang Panganay na Anak na Nagtaguyod sa Pamilya; Umabot sa Puntong Pati Nanay Nila ay “Under” na Niya

Simula nang Sumalangit ang Tatay, Ang Panganay na Anak na Nagtaguyod sa Pamilya; Umabot sa Puntong Pati Nanay Nila ay “Under” na Niya

FamilyHeartbreakingStories

“‘Nay, bakit ang dami-dami naman ho ng grocery natin ngayon?” 

Napalingon si Aling Sedes sa panganay na anak na si Sally, na bagong dating lamang mula sa trabaho, at ngayon ay nakatingin sa hanging cabinet na kanilang ipinagawa sa kusina, kung saan inilalagay ang mga grocery items. 

“K-Kuwan anak, para sana… para sana may mga stocks na tayo at maiwasan na ang paglabas-labas,” tugon na lamang ni Aling Sedes. 

“Eh mukhang sa tingin ko pa lang ho parang sumobra na ho doon sa budget na ibinigay ko sa inyo para panggastos dito sa bahay. Napakarami naman pong de-lata nito. Hindi naman po natin nauubos ang lahat ng ito,” saad ni Sally. Marami pa itong sinabi subalit pinili na lamang ni Aling Sedes na pakinggan ang sinasabi ng panganay na anak, na siyang breadwinner ngayon ng pamilya. 

portrait of young woman posing confuse action on white background. - angry asian woman stock pictures, royalty-free photos & images

Nang mawala ang kaniyang mister na si Mang Isidro, si Sally na ang tumayong breadwinner ng kanilang pamilya. Pinag-aaral din nito ang kapatid nitong si Saree na nasa kolehiyo na. Dalawang taon na lamang at magtatapos na ito sa kursong BS Accounting. 

Sadyang malakas ang personalidad ni Sally. Matapang. Dominante. Kaya hindi pa ito nagkaka-boyfriend. Ilag ang mga lalaki sa kaniya. Masyadong praktikal sa buhay. Kailangan, mas mataas ang pinag-aralan kaysa sa kaniya. Kailangan, mas malakas kumita. Paano ba naman, Magna Cum Laude ito sa kursong BS Business Administration, at may mataas na katungkulan na rin sa kompanya. 

Dahil si Sally na ang breadwinner sa bahay, ito ang nasusunod. Magmula sa pagba-budget, mga dapat bilhin sa bahay, hanggang sa kailiit-liitang detalye sa loob ng bahay, kailangang alam niya. Minsan, hindi na lamang kumikibo si Aling Sally. Iginagalang niya ang anak bilang breadwinner, kahit minsan, nakalilimutan nitong siya ang ina at may hustong edad na siya upang magdesisyon sa kaniyang buhay. 

Bagama’t may kaunting sama ng loob si Aling Sedes sa kaniyang anak na si Sally, pinili niyang unawain ang anak. Hindi niya malilimutan kung paano siya sigawan at pagalitan nito nang minsang gabihin siya mula sa pamamasyal sa labas kasama ang mga kaibigan. Patungo na kasi sa ibang bansa ang isa nilang kaibigan, at nagkasarapan ng kuwentuhan, hanggang sa hindi na namalayan ni Aling Sedes na gabi na pala. 

“Ano ba naman ‘Nay? Saan naman kayo galing?” Naunahan ko pa kayo ah,” sita ni Sally noon. Ito na ang nagluto ng hapunan. 

“Anak, napasarap kasi ang kuwentuhan namin. Naalala mo ang kaibigan kong si Gloria? Pupunta na siya sa ibang bansa. Doon na sila maninirahan ng kaniyang pamilya,” paliwanag ni Aling Sally. 

“Ah ganoon ho ba? Mabuti pa ho kayo nakakapamasyal, ano ho?” sarkastikong tugon nito. Nagpanting ang mga tenga ni Aling Sedes subalit pinili niyang magtimpi. Gusto niyang sabihin sa anak na hindi na siya tinedyer o batang paslit. At isa pa, siya pa rin ang ilaw ng tahanan. Pinili na lamang niyang magpakahinahon at huwag nang kumibo. 

Isa pa sa mga naging dahilan kung bakit naging maganda para sa kaniya ang araw na iyon, nang ipakilala sa kaniya ni Gloria ang isang kaibigan nitong lalaki na may edad na rin: si Mang Nato, na matagal na ring biyudo. Naging magkaibigan sila at paminsang lumalabas. Hanggang sa niligawan siya nito at naging sila. 

“Diyos ko, kay tatanda na natin, tama pa ba ito?” untag ni Aling Sedes. 

“Ano bang mali sa ginagawa natin? Pareho tayong balo. Mga single naman tayo. May mga trabaho na ang mga anak natin? Wala namang expiration ang kaligayahan,” tugon ni Mang Nato. 

Kaya ganoon na lamang ang galit ni Sally nang ipagtapat sa kaniya ni Aling Sedes ang tungkol sa relasyon nila ni Mang Nato. 

“Ano ka ba naman, ‘Nay! Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo? Ang tanda-tanda mo na para diyan!” galit na sabi ni Sally. 

Naiiyak na nagpaliwanag si Aling Sedes. 

“A-anak, nagmamahalan kami ni Nato. Siya ang pangalawang lalaking minahal ko, pagkatapos ng iyong Tatay. Wala naman sigurong masama kung magmamahal akong muli.”

asian woman covering mouth with hand - crying old asian woman stock pictures, royalty-free photos & images

“Diyos ko naman ‘Nay. Ngayon pa talaga? Kung kailan tumanda na kayong ganiyan, saka kayo parang tinedyer na maghahanap ng love? Saka maglalandi nang ganiyan?” sumbat ni Sally. 

“Ate! Huwag mo namang pagsalitaan nang ganiyan ang Nanay. Below the belt na iyan!” sansala ni Saree sa kaniyang ate.

“Huwag kang makikialam sa usapan namin ha? Usapan namin ‘to. Ikaw… pumasok ka sa kuwarto mo, at mag-aral ka. Huwag kang tumulad kay Nanay na naghahanap ng love! Baka mauwi sa wala ang mga pagpapaaral ko sa ‘yo!” galit na buwelta ni Sally kay Saree. 

“Ohhh… so ako na naman? Sa akin na naman ang balik? Sige, ate, huwag kang mag-alala… ilista mong lahat ng pinampaaral mo sa akin, kapag nakatapos ako at naka-graduate, hahanap kaagad ako nang matinong trabaho, at ibabalik ko lahat-lahat sa iyo! Masyado kang mapanumbat! Ang yabang mo na!” galit na sagot ni Saree sa kaniyang ate. 

Sasagot pa sana si Sally subalit hindi na napigilan ni Aling Sedes ang kaniyang emosyon. 

“Magsitigil kayo! Sally! Huwag mong idamay ang kapatid mo sa argumento natin. Sa akin ka naiinis, hindi ba? Na alin, dahil simula nang mawala ang Tatay ninyo, ikaw na ang umako ng responsibilidad dito sa bahay? Na hindi mo ako maobligang magtrabaho dahil pakiramdam mo, mas malaki pa ang susuwelduhin mo kaysa sa kikitain ko? Pasensiya ka na anak ha. Ganito lang ang Nanay mo,” bumubuhos ang emosyong sabi ni Aling Sedes. 

Sa puntong iyon ay hindi na rin napigilan ni Sally ang kaniyang emosyon. Nabasag na rin ang kaniyang tinig. 

“Hindi naman sa ganoon ‘Nay… Kaya lang…”

“Lahat ng mga sinasabi mong panunumbat, intensyon man o hindi, tiniis ko. Nagtimpi ako, Sally. Hinayaan kitang mamuno sa pamilyang ito. Ipinagmamalaki kita sa mga kaibigan ko. Pero huwag mo naman akong bastusin! Baka nakakalimutan mo, Sally… Nanay mo pa rin ako. Anak kita… at naabot mo ang mga pangarap mo dahil sa pag-aalaga at pagsuporta namin ng Tatay mo! Huwag mo naman akong ituring na parang basahan. Huwag mo naman akong ituring na parang ako ang anak, at ikaw ang magulang!” masamang-masama ang loob ni Aling Sedes. Nagtungo siya sa kaniyang silid at doon ibinuhos ang kaniyang mga luha. 

Sinundan naman siya ni Sally at Saree. Niyakap ni Sally ang ina. 

“‘Nay… patawarin mo po ako sa mga nasabi at ikinilos ko sa inyo. Kaya lang naman ako ganito dahil gusto kong magpakatatag bilang breadwinner ng pamilya. Hindi po totoo na kaya hindi ko na kayo pinagtrabaho ay dahil mas malaki naman ang kikitain ko kaysa sa inyo. Hindi po iyon ang dahilan. Ayoko na po kayong mapagod, dahil buong buhay ninyo ni Tatay, ibinigay na po ninyo ang mga pangangailangan ko, namin ni Saree… at ngayong may kakayahan na ako, ako naman ang magbibigay. Ayokong mahirapan ka dahil mahal na mahal kita!” 

At nagyakap na nga ang mag-iinang Sedes, Sally, at Saree. Wala mang salitang namutawi sa kanilang mga labi, sapat na ang yakap upang ipabatid ang pagpapatawad sa isa’t isa. 

Kinabukasan, ipinasya ng tatlo na dalawin ang puntod ni Mang Isidro sa memorial park. Pormal na ipinakilala ni Aling Sedes si Mang Nato, ang kaniyang kasintahan, kay Isidro at sa kaniyang dalawang anak.

cementary - cemetry stock pictures, royalty-free photos & images

Hindi na tumutol pa si Sally sa pakikipagrelasyon ng ina kay Mang Nato dahil nakita niyang nagmamahalan ang dalawa. Hindi naglaon, nagpakasal ang dalawa, at lumawak pa ang kanilang pamilya. 

More Stories