Inday TrendingInday Trending
Bituing Nawalan ng Ningning

Bituing Nawalan ng Ningning

“Rosa Lia! Rosa Lia! Excuse me? Paselfie naman!” giit ng isang ginang na nasa 40’s ang edad.

Ibinaba ni Rosa Lia ang kanyang shades. Kasalukuyan siyang nasa tago subalit cozy na coffee shop na nasa loob ng isang mall. Sinadya niyang magtungo sa pinakatagong bahagi ng lugar ng mall upang walang makakilala sa kaniya.

“Pwede ba ako magpaselfie sa iyo idol?” muling tanong ng ginang.

Ubod-tamis na ngumiti si Rosa Lia. Ngayon na lamang ulit may nagpapicture sa kaniya simula nang lumamlam ang dati niyang sikat na sikat na estado bilang aktres.

“Sure, go ahead,” pagbibigay-pahintulot ni Rosa Lia. Dumikit at yumakap sa kaniya ang ginang at inutusan nito ang kasamang dalagita, na maaaring anak niya, na kuhanan sila ng larawan. Bukod dito, nagselfie pa ito kasama niya.

“Salamat, Rosa Lia! Miss ka na namin. Kailan ka gagawa ng teleserye o ng pelikula? Saang network ka na ba ngayon?” tanong ng ginang sa dating sikat na aktres. Hindi sumagot si Rosa Lia. Matipid siyang ngumiti. Hindi dahil sa nagpiprimadonna siya sa pagsagot. Wala kasi siyang maisasagot. Katunayan kasi, wala naman siyang nakalinyang kahit na anong proyekto sa ngayon.

“Ma, let’s go. Nakakahiya na,” aya ng dalagita. Ngumiti ito kay Rosa Lia at inaya ang inang umalis na.

“Thank you ulit, Rosa Lia!” sabi ng ginang at umalis na ito.

Subalit bago umalis, narinig pa ni Rosa Lia ang bulong ng ginang sa anak nito.

“Parang tumanda na siya… saka laos na iyan eh.”

Gusto sanang habulin ni Rosa Lia ang ginang, hablutin ang cellphone nito at bawiin ang mga larawang kasama niya subalit ayaw niya ng eskandalo. Dati ay nagagawa niyang mamahiya ng fans lalo na’t pinagsasabihan siya ng masasakit na mga salita. Subalit ngayong laos na siya, wala na siyang karapatang gawin iyon lalo’t wala siya ni isang proyekto ngayon.

Dalawang dekada na sa showbiz si Rosa Lia. Isa siya sa mga itinuturing na pinakamahuhusay na aktres ng kaniyang henerasyon. Marami na rin siyang natanggap na parangal mula sa mga award-giving bodies. Kaliwa’t kanan noon ang kaniyang pelikula, TV guestings at endorsements. Kabilang siya sa number 1 TV network ng bansa bilang contract artist. Hindi na rin mabilang ang mga teleseryeng kasama siya sa cast at bumida na rin. Malawak na rin ang kaniyang fan base. Nakasabayan na rin niya sa iisang proyekto ang mga premyadong aktres gaya nina Nora Aunor, Maricel Soriano, Sharon Cuneta, Lorna Tolentino, Gina Alajar, at Vilma Santos.

Dahil sa kasikatan, lumaki ang ulo ni Rosa Lia. Nalunod siya sa isang basong tubig ng pagtatagumpay. Nagkaroon siya ng “attitude”. Masungit siya sa kaniyang mga personal assistant. Lagi siyang late sa mga tapings at commitments. Inaaway niya ang mga staff at crew maging ang mga direktor na humahawak sa kaniya. Malaki rin ang demands niya kahit malaki na ang kaniyang talent fee. Dumating pa sa puntong inaway niya na rin ang mismong manager na humahawak sa kaniya.

“Friend, alagaan mo naman ang career mo. Hindi forever ang showbiz, alam mo iyan! Madaling magsawa ang mga tao. Isang pagkakamali lang natin, mabubura na lahat ng magagandang bagay na ginawa natin,” minsan ay payo sa kaniya ng kaibigang si Laura Lopez, ang tanging kaibigan ni Rosa Lia sa showbiz.

“Ako si Rosa Lia. Hindi ako mawawalan ng kinang sa showbiz. Sila ang hahabol sa akin at hindi ako,” sagot ni Rosa Lia sa kaibigan habang humihithit ng sigarilyo.

“Hindi dapat ganyan ang mind set. Aminin naman natin marami nang mga baguhang sumusulpot ngayon at mas sikat. Be friendly sa lahat. Iba na ang nagagawa ng social media ngayon,” mahinahong pagpapayo ni Laura.

“Siguro kaya mo sinasabi sa akin iyan dahil mas sikat ako sa iyo. Sabagay, hindi ba’t starlet ka lang naman? Bakit ka nga ba nakikipagkaibigan sa akin? Remember ang write up sa iyo ni Ricky Lu? Isa kang bangaw na nakatuntong sa likod ng kalabaw!” galit na sabi ni Rosa Lia sa kaibigan.

Nasaktan ang damdamin ni Laura sa mga sinabi ni Rosa Lia kaya lumayo na nga ito sa kaniya. Nakapasok ito sa isang teleserye na unang inalok kay Rosa Lia subalit tinanggihan niya dahil ayaw niyang gumanap bilang mahirap sa anumang teleserye. Gusto niya, sosyal o mayaman ang kaniyang role dahil tingin niya’y bagay sa kaniya.

Hanggang sa tuluyan na ngang mawalan ng proyekto si Rosa Lia dahil sa kaniyang ugali. Maraming mga negatibong write ups sa kaniya ang press. Marami rin sa mga fans ang nagpatotoo sa kagaspangan ng kaniyang ugali sa kanilang mga social media accounts. Biglang nawala sa spotlight ang karir ni Rosa Lia.

Unti-unting nalaos si Rosa Lia at dahil maluho at marangya ang kaniyang pamumuhay, unti-unting naubos ang kaniyang salapi. Hanggang sa isang araw, may lumapit na direktor at producer sa kaniya.

“Big break ito para sa iyo. Indie film. Sexy. Ayos lang ba sa iyo?” tanong ng producer.

“No. Ayoko! I won’t accept it. I don’t like indies. Sa mainstream ako nababagay,” mataray na sagot ni Rosa Lia.

Natawa ang producer, “Come back mo ito. Ayaw mo pa? I heard naghihirap ka na raw at hindi mo alam kung paano mo pababalikin ang sarili mo sa kasikatan. Unless, gagawin mo ang role na ito, magpapakita ng katawan, para you can pull yourself back.”

“What are you trying to say?” tanong ni Rosa Lia.

“Magpakatotoo na tayo, Rosa Lia. Laos ka na! Tanggapin mo iyan sa sarili mo. Huwag kang mayabang. Kami na nga ang gumagawa ng pabor sa iyo. Naungusan ka na ni Laura Lopez na kaibigan mo’t sinabihan mo pang nakatuntong lang sa iyo. Sino ngayon ang walang matuntungan?” galit na sabi ng binabaeng direktor. Sa huli, walang naisarang deal sa pagitan ng producer at ni Rosa Lia.

Patong-patong na utang sa credit cards at mga bills na hindi nababayaran ang naging problema ni Rosa Lia, bagay na hindi nakaligtas sa media. Nakaramdam ng pagkahiya sa sarili si Rosa Lia. Upang matakbuhan ang problema, minabuti niyang magpakalango sa alak. Dahil doon, lalong naging negatibo ang tingin ng publiko sa kaniya.

Hanggang sa isang araw, pinuntahan siya ni Laura Lopez na ngayon ay sikat na sikat na. Producer na rin pala ito.

“Rosa Lia, may balak akong gawing movie. Self-produced movie. Ako ang bibida. Gusto kong ikaw ang maging kontrabida ko,” sabi ni Laura sa kaibigan.

“Bakit mo ito ginagawa? Hindi ba pinagsabihan kita ng hindi magagandang salita noon?” tanong ni Rosa Lia sa kaibigan.

“Tapos na iyon. Oo nasaktan ako sa sinabi mo. Pero natauhan din ako. Mas pinagbuti ko ang talento at sarili ko para makawala ako sa anino mo. Sayang ka, Rosa Lia. May pagkakataon ka pa upang magbago. Hindi pa huli ang lahat,” pangungumbinsi ni Laura sa kaibigan.

Pumayag si Rosa Lia na gawin ang pelikula ni Laura. Naging matagumpay naman ito lalo’t sumama sa naturang pelikula ang isa sa mga pinakasikat na tambalan sa showbiz. Labis na nagpasalamat si Rosa Lia kay Laura Lopez.

“Maraming salamat sa ikalawang pagkakataon. Marami akong natutuhan at realisasyon. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay mo sa akin,” taos-pusong pasasalamat ni Rosa Lia.

Itinama ni Rosa Lia ang lahat ng kaniyang mga pagkakamali noon. Lalo niyang pinagtibay ang disiplina sa sarili, relasyon sa fans at mga kasama, gayundin ang work ethics. Napagtanto niyang hindi siya tatagal sa kahit na alinmang trabaho o industriya kung mayabang siya at masama ang ugali niya. Hindi kayang tabunan ng kasikatan o kahusayan ang kababaang-loob at kabutihan. Tinanggap naman ng publiko ang kaniyang unti-unting pagbabago. Hanggang sa tuluyan na ngang nakabalik sa showbiz si Rosa Lia, at patuloy na nagningning ang kaniyang bituin.

Advertisement