Inday TrendingInday Trending
Asawa Mo ang Kabayaran sa Utang Mo

Asawa Mo ang Kabayaran sa Utang Mo

“Naku, mare, salamat dito sa pinautang mo sa akin, ah. Hayaan mo at makakabayad din ako kapag nakaluwag-luwag,” wika ni Rosita.

Inilagay ni Rosita sa kaniyang kalupi ang inutang na limang libong piso sa kaniyang kumareng si Filomena. Marami siyang gastusin na kailangang bayaran dahil natanggal sa trabaho ang asawa niyang si Boyet. Hindi na malaman ni Rosita kung saan kukuha ng panggastos. Nag-aaral pa sa elementarya ang maliliit nilang mga anak na sina Kurt at Didith.

Mabuti na lamang at nakahiram na naman siya ng pera sa kaniyang kumareng si Filomena dahil hindi kakasya ang sweldo niya sa trabaho bilang isang factory worker. May natatakbuhan siya sa panahon ng pangangailangan.

“Sus, wala iyan. Sa dami ng perang binibigay sa akin ni Donato barya lang iyan. Bayaran mo ako kapag nakaluwag-luwag ka na,” pagmamalaki ni Filomena. Ipinamaypay pa nito ang hawak na natitirang pera.

Matagal nang magkaibigan sina Rosita at Filomena. Sa una pa lang ay alam na ni Rosita na maluho ang kaibigan. Halos lahat ng mga naging karelasyon nito ay mayayaman. Hindi rin tinitignan ni Filomena ang hitsura o edad nito. Ang mahalaga sa kaniya ay may pera. Nakilala nito ang mayamang asawa na si Donato sa isang casino. May real estate business ang lalaki.

Sa mga bagay na ito naiinggit si Rosita sa kaibigan. Subalit kapag naiisip niyang may mapagmahal at masipag siyang asawa na gaya ni Boyet at ang kanilang mga anak na pawang matatalino naiibsan ang pakiramdam ni Rosita na may kulang sa kaniyang buhay pinansyal.

Makalipas ang ilang araw ay nagtungo sa isang mall si Rosita upang bilhan ng ilang mga gamit sa eskwela ang mga anak. Habang naglalakad ay isang pamilyar na mukha ang kaniyang nakita sa isang restaurant. Kitang-kita niya ang kumareng si Filomena na may ka-date na isang binatang gwapo, maskulado at mukhang mas bata ang edad sa kanila. Sinusubuan nito ang kaniyang kumare na kilig na kilig naman. Mukha itong nagmumurang kamatis.

“Loko ito, ah,” sa isip-isip ni Rosita.

Nang minsang magkita ang magkumare binanggit ni Rosita kay Filomena ang kaniyang nakita.

“Umamin ka nga sa akin, mare. May karelasyon ka bang iba bukod kay Donato?” kompronta ni Rosita. “Tutal kumare naman kita. Oo. Si Kenneth iyon. Gym instructor ko. Gwapo, ‘di ba?” sagot ng kaibigan.

“Mare, hindi naman sa nangingialam ako pero baka ka makita at mahuli ni Donato,” saad ni Rosita.

“Alam mo, Rosita, hindi ko naman talaga mahal si Donato. Pera lang ang habol ko sa kaniya. May mga bagay na hindi maibibigay sa akin si Donato. Mabait siya pero matanda na siya’t hindi na niya kayang ibigay ang mga gusto ko. Iba si Kenneth. Nadadala niya ako sa ikapitong gloria,” sabay kindat pa ni Filomena.

“Ang maihihiling ko lang sana ay hindi ka mahuli ni Donato. Mayaman ang asawa mo, mare. Hindi mo alam ang kaya niyang gawin,” muling paalala ni Rosita sa kaibigan.

“Ang kulit mo, mare! Para kang nanay ko, eh. Sige ganito na lang. Hindi ko na pababayaran sa iyo ang mga utang mo basta ititikom mo lang ang bibig mo sa mga nalalaman mo. Ayos ba iyon?” tanong ni Filomena kay Rosita.

Dahil tumatanaw ng malaking utang na loob si Rosita kay Filomena ay itinikom niya ang kaniyang bibig sa kaniyang nalalaman. Dumating pa sa puntong sa bahay nila nagpupunta sina Filomena at Kenneth at doon ginagawa ang kanilang pagtatalik. Tila isang bulag at piping saksi si Rosita. Labag man sa kalooban niya ay wala siyang magawa dahil malaki ang utang niya sa kaibigan.

Hanggang isang gabi ay isang malalakas na katok sa pinto ang gumising sa mag-asawang Rosita at Boyet. Nagulat sila dahil ito ay si Filomena. Gulung-gulo ang buhok, halos luray-luray ang damit at may malaking pasa sa mukha. Agad itong yumakap kay Rosita.

“Anong nangyari sa iyo, mare? Saan mo nakuha ang pasa mo sa mukha?” takang tanong ni Rosita. Pinaupo niya ang kaibigan sa sofa at inutusan si Boyet na kumuha ng yelo at bimpo.

“Nalaman na ni Donato ang tungkol sa relasyon namin ni Kenneth. Nagalit siya’t sinapak niya ko. Tinanggalan din niya ako ng access sa pera ko’t mga credit card. Wala akong mapupuntahan, Rosita. Puwede bang dito na lamang ako pansamantala?” pakiusap ni Filomena.

Pumayag naman sina Rosita at Boyet. Awang-awa si Rosita sa kaniyang kaibigan.

Halos tumagal nang isang buwan ang pakikipanuluyan ni Filomena kina Rosita. Nakipaghiwalay na rin umano si Kenneth sa kaniya dahil natakot ito at pinagbantaan ni Donato.

Isang araw habang kumakain sila sa hapag-kainan ay napansin ni Rosita na panay ang sulyap ni Filomena kay Boyet. Si Boyet naman ay tahimik na kumakain habang nakatungo. Pilit na iwinaksi ni Rosita ang anumang malisyosang isipin patungkol sa kaibigan.

Makalipas ang ilang araw ay isang plano ang naisip ni Rosita. Uuwi siya ng maaga sa oras na hindi inaasahan ng dalawa.

Nang matanggal sa trabaho si Boyet ay ito na ang nag-aasikaso sa bahay. At dahil nakikipanuluyan sa kanila si Filomena ay naiiwan ang dalawa. Pumapasok sa eskwela ang kanilang mga anak.

At hindi nga nagkamali si Rosita. Pagpasok niya sa loob ng bahay ay nakita niyang pilit na inaakit ni Filomena ang asawang si Boyet. Nagtago siya sa isang sulok upang marinig ang kanilang usapan.

“Sige na, Boyet. Nakakainip, eh. Habang wala pa si Rosita. Hindi naman niya malalaman. Sikreto lang natin,” pang-aakit ni Filomena kay Boyet.

“Hindi puwede, Filomena. Mahal ko ang asawa ko. Hindi ko magagawa ang magtaksil sa kaniya,” malumanay na sagot ni Boyet.

Lumabas sa kaniyang pinagtataguan si Rosita. Gulat na gulat si Filomena nang bigla siyang sampalin ng kaibigan. Sinabunutan at kinaladkad ni Rosita ang taksil na kumare palabas ng kwarto.

“Isa kang ahas, Filomena! Pati ba naman ang asawa ko! Oo, may utang ako sa iyo pero hindi ibig sabihin noon na gagawin mong kabayaran ang asawa ko! Lumayas ka sa pamamahay ko!” galit na sumbat ni Rosita kay Filomena. Kinuha niya ang mga gamit nito at inihagis sa pagmumukha ng babae. Sa labis na pagkapahiya ay wala na itong nasabi at nagtatakbo palayo kasama ang mga gamit.

Humingi naman ng tawad si Boyet sa asawa.

“Huwag kang mag-alala. Narinig ko ang lahat. Si Filomena lamang talaga ang malandi at ahas,” sabi ni Rosita sa asawa.

Dahil sa nangyari ay lalong tumibay ang pagmamahalan at pagsasama ng mag-asawa. Hindi na rin nalaman ni Rosita kung saan na napadpad ang kaniyang kaibigang taksil na si Filomena. Ang tanging nabalitaan na lamang niya ay may ibang binabahay na si Donato.

Advertisement