Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagustuhan ng Binatilyo ang Bigay na Rubber Shoes sa Kaniya ng Amang OFW; Sumama Kaya ang Loob Nito sa Kaniya?

Hindi Nagustuhan ng Binatilyo ang Bigay na Rubber Shoes sa Kaniya ng Amang OFW; Sumama Kaya ang Loob Nito sa Kaniya?

Nakasimangot si Charles nang matanggap niya ang sapatos na ipinadala ng kaniyang amang OFW na si Mang Gregor. Hindi kasi niya gusto ang kulay at tatak nito.

“Mamaya’y tatawag ang Papa mo. Huwag mong ipakita iyang nakabusangot mong mukha,” paalala sa kaniya ng inang si Aling Mercedes.

Nakalabing nagpaliwanag si Charles. “Kasi naman Ma, si Papa… ewan ko ba sa kaniya, hindi niya pa rin makuha-kuha ang mga taste ko sa sapatos. Lagi naman akong nagsasabi sa kaniya ng mga gusto ko. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mga gusto yung binibili niya. Parang sayang lang sa pera.”

“Anak… pinaghirapan ng Papa mo ang perang pinambili niyan bilang OFW. Pahalagahan mo naman ang mga bagay na binibigay niya sa iyo. Ikaw talaga. Basta mamaya ha… pasalamatan mo siya. Kahit man lamang pekein mo ang ngiti mo para naman mawala ang pagod at pag-aalala niya.”

Pagkakain ng hapunan, naghanda na si Aling Mercedes upang makausap ang kaniyang mister sa pamamagitan ng video call. Maya-maya, kausap na nga nila ito.

“Mahal, salamat sa medyo malaki-laking budget na ibinigay mo ngayon. Itatabi ko ang mga matitira sa savings natin,” nakangiting pasasalamat ni Aling Mercedes sa mister.

“Salamat, mahal. Salamat naman at natuwa ka. Nabigyan kasi ako ng mataas na komisyon kaya nakapagbigay ako nang malaki-laki. Huwag mo naman tipirin ang sarili mo. Magpunta ka sa salon, magpa-rebond ka. Magpamani-pedi ka. Mag-shopping. Huwag mo naman i-deprive ang sarili mo,” saad ni Mang Gregor.

“Nahihiya kasi ako, siyempre, alam ko namang hindi biro ang trabaho mo riyan sa ibang bansa. Oo nga pala mahal, baka magbenta na ako ng mga online products, susubukan ko lang, para makatulong sa iyo at mapabilis na ang pag-iipon natin. Gusto ko na kasi na makauwi ka na rito sa Pilipinas at magkasama-sama na tayo,” sabi ni Aling Mercedes.

Napangiti naman si Mang Gregor. Isang biyaya talaga sa Poong Maykapal ang pagkakaroon ng isang misis na matipid at marunong humawak ng perang pinagpaguran.

“Ikaw ang bahala, mahal. Kung ano ang makapagpapaligaya sa iyo, gawin mo. Ang perang pinaghihirapan ko rito ay pera mo rin. Teka nga muna, puwede bang makausap si Charles? Kukumustahin ko lang yung sapatos niya, kung nagustuhan ba niya…” maya-maya’y hanap ni Mang Gregor sa kaniyang kaisa-isang anak.

Ngunit nakita ni Aling Mercedes na lumabas ang kaniyang anak.

“Naku, lumabas… mukhang makikipaglaro na naman ng basketball. Suot-suot na ang rubber shoes na ibinigay mo. Kuwan, masayang-masaya ang anak natin. Salamat daw! Gustong-gusto niya,” nakangiting pagtatakip ni Aling Mercedes kay Charles, kahit kanina, halos lait-laitin na nito ang pares ng sapatos.

Kinabukasan, pinagalitan ni Aling Merced ang anak. Naghahanda siya noon ng kanilang agahan.

“Hinahanap ka ng Papa mo kagabi. Alam mo namang oras na ng video call namin eh lumalayas ka pa ng bahay,” sermon ni Aling Mercedes sa anak.

“Kaysa naman po sa magsinungaling ako kay Papa na gustong-gusto ko yung sapatos kahit hindi naman,” tugon ni Charles. Abala siya sa kaniyang paglalaro ng online games sa laptop, na bigay rin ng kaniyang Papa.

Isang araw, nagtungo si Charles sa isang department store sa loob ng mall upang magtingin-tingin ng mga damit. Habang naghahanap-hanap, nakapukaw sa kaniyang pansin ang isang mag-ama. Sa tantiya ni Charles, medyo hirap ang pamumuhay ng mag-ama dahil marumi at sira-sira na ang mga tsinelas nila.

Pinakinggan ni Charles ang naging usapan nila. Narinig niyang labis-labis ang pasasalamat ng anak na tantiya niya ay mas bata sa kaniya ng tatlong taon. 16 na taong gulang si Charles.

“Tatay, baka wala na tayong ulamin… makakahintay pa naman po ako sa damit,” tila paninigurado ng binatilyong anak sa kaniyang ama.

“Matagal kong pinag-ipunan iyan, anak. Gusto ko maganda ang suot mo bukas sa birthday mo. Saka minsan lang naman kitang mabilhan. Ni hindi ka nga humihingi sa akin. Okay lang anak, pinag-ipunan ko ang pambili niyan,” paliwanag ng ama.

Naantig ang damdamin ni Charles. Nang makaalis na ang mag-ama, tiningnan niya ang tag price sa brand ng damit na binili ng mag-ama. 599 piso. Ang mga damit na kadalasang binibili ni Charles ay 1,000 piso pataas.

Kitang-kita ni Charles ang kagalakan sa mga mata ng binatilyo dahil sa bagong damit.

Ngunit mas nag-uumapaw ang kaligayahang nakabadha sa mga mata ng ama, dahil napaligaya niya ang anak.

Naalala ni Charles ang mga sinabi ng kaniyang ina hinggil sa pagsusumikap at pagtitiyaga ni Mang Gregor sa ibang bansa para lamang mabigyan sila ng magandang buhay.

Kinabukasan, makikitang ibinibida ni Charles ang mga sapatos na ibinigay sa kaniya ni Mang Gregor habang suot-suot ito. Siya pa mismo ang kumontak dito sa pamamagitan ng video call. Napapangiti na lamang si Aling Mercedes habang pinagmamasdan ang kaniyang mag-ama.

Advertisement