Napahiya ang Maluhong Nanay nang Sabihin ng Anak ang Pangarap Nito Paglaki sa Harap ng Maraming Tao
Bili mo ko no’n, bili mo ko n’yan. Iyan ang nakasanayan ni Kate, palibhasa’y na spoiled ito ng asawang si Kevin. Ang laging pinanghahawakan nito – noong nanliligaw pa lamang ang asawa’y nangako ito na lahat ng gusto niya’y ibibigay kaya’t talagang niliteral niya ito.
Mula sa alahas, damit, pabango, mamahaling bag, at mga gamit sa bahay. Hindi magpapahuli si Kate sa pagaraan ng mga gamit kaya’t ang mga amiga niya’y hangang hanga rito.
Anak mayaman si Kate samantalang pinalaki si Kevin sa simpleng pamamaraan kahit pa hindi naman sila mahirap. Umpisa pa lang ay tutol na ang mga magulang ni Kevin kay Kate sapagkat kitang kita nila ang future ng anak sa kamay ng babaeng ito ngunit wala naman silang magawa dahil tila nasilaw ang kanilang anak sa kagandahan ni Kate.
Dalawang taon pa lamang silang mag nobyo’t nobya ay nagpaparinig na si Kate ng kasal. Ang gusto nito’y magarbo kaya naman napilitan ang mga magulang ni Kevin na galawin ang kanilang life savings para lamang sa kasal ng kaisa-isang anak na lalake. Makaluma ang mga magulang nito at naniniwala silang hindi dapat pinagagastos sa kasal ang babae kaya sila na mismo ang umako sa lahat ng gastusin.
Ayaw pa sanang magkaroon ng anak ni Kevin pagkatapos ikasal dahil hindi pa sapat ang ipon nito. Isa pa, wala pa rin silang bahay at sariling sasakyan. Tanging sasakyan lamang ng mga magulang ni Kevin ang gamit nila at sila’y nangungupahan lamang sa isang condo na may dalawang silid.
Ngunit, sino ba naman ang makakakontra kay Kate, pag gusto nito ay walang magawa si Kevin. Pagkatapos ikasal ay nagplano na kaagad si Kate na magka-anak. Nang makabuo ay nagsimula itong magshopping ng mamahalin at branded na mga gamit ng bata.
Hindi na makatiis si Kevin at sinubukang pigilan ang asawa, umiyak ito ng umiyak at nagsumbong sa kaniyang Mommy Mila. Inabot ng tatlong linggo bago ito bumalik sa kanilang condo unit, dahil buntis ay inalo alo na lamang ito ni Kevin upang hindi makasama sa bata.
Nang manganak na’y naghangad na naman si Kate ng magarbong binyagan. Ani Kevin, wala siyang planong magpabinyag ng engrande sapagkat hindi naman iyon ang kahulugan ng sakramentong iyon.
Importante’y nabasbasan ang bata sa harap ng Diyos. Dahil sa sinabi ng mister ay nagtampo na naman si Kate at nagsumbong sa kaniyang Daddy George.
Nagprisinta ang kaniyang daddy na sagutin na lamang ang engrandeng binyag, nag-plano si Kate mag-isa at nagulat na lamang si Kevin nang may dumating na imbitasyon sa kanilang bahay. Natawa na lamang ito sa ginawa ng spoiled brat na asawa.
Dumating ang araw ng binyag, masayang masaya na naman si Kate dahil nasunod ang gusto nito. Ika ng bestfriend nitong si Mandy, suwerte siya sapagkat hindi pa napupuno sa kaniya ang asawa. Subalit sa oras na mapuno ito ay baka hiwalayan na lang siya nitong bigla. Hindi naman alintana ni Kate ang payo ng mga kaibigan at magulang ng asawa. Palibhasa’y kinukunsinti ito ng mayamang magulang.
Bilang nakapag-aral din naman sa eksklusibong paaralan si Kevin ay talagang pinaglaanan niya ang edukasyon ng anak. Doon sila hindi nagtatalo ni Kate. Isa pa, napakatalino ng anak nilang si Chloe kaya’t ang pakiramdam ng ama’y sulit na sulit ang lahat ng kaniyang paghihirap sa trabaho matustusan lamang ang pag-aaral ng anak.
Isang araw ay nagpunta sila sa eskuwelahan ni Chloe para sa gaganaping Career Day. Nakasuot ng Flight Attendant uniform ang batang si Chloe. Hindi nagpahuli sa paggayak si Kate. Suot ang mga pinakamakikinang na alahas at pinakamahal na bag at sapatos nang magtungo ito sa eskuwelahan. Hiniram din nito sa mga magulang ang magarang sasakyan. Hindi na lamang kumibo si Kevin para makaiwas sa away, nitong mga huli ay napapagod na din ito kakasundo sa asawa tuwing ito’y maglalayas kasama ang anak.
Nagsimula na ang program at parte nito ay ilalahad ng mga estudyante kung ano ang gusto nilang maging trabaho paglaki. Palakpakan ang mga magulang ng bawat estudyante, kani-kaniyang pakilala ang bawat isa, napaka cute at bibo ng mga bata. Mayroong nakabihis doktor, nars, sundalo, chef, piloto, at marami pang iba. Naroon din ang anak ni Mandy, ito’y nakabihis saleslady. Pinagtatawanan pa ni Kate ang bestfriend sapagkat pinayagang ito ang isuot ng anak. Ika ni Mandy, nakikita kasi ng anak niya na masipag ang mga saleslady sa convenience store na pag-aari niya at kaniyang asawa kaya’t idolong idolo ang mga ito ng anak na si Stef.
Oras na para si Chloe ang magsalita sa stage. Proud na proud at tuwang-tuwa sa kilos ng bata ang mag-asawa. Namana nito kay Kate ang pagiging confident at taklesa. Nang nagsalita na ito sa mic ay tumayo pa mula sa pagkakaupo si Kate upang kuhanan ng video ang anak.
“Good morning, classmates! Good morning, parents! My name is Chloe April Reyes Alonzo, I am 7 years old. When I grow up, I want to be like my mom. I want to have a kind husband like my dad and he will buy everything I want and give me everything so I will not cry. I will buy luxury bags, jewelries, clothes, expensive shoes and gadgets and….”
Hindi ito ang itinuro ni Kate sa anak, pahiyang pahiya siya sa sinasabi ng anak sa stage. Pati si Kevin ay napahawak na lamang sa leeg, tila namumula ang mukha nito sa pagkapahiya.
“…..and I will go to mom and dad if my husband does not want to buy me everything I want so they will just buy it for me and I will not be sad anymore… I will just sit at home and watch TV and do online shopping and go to salon everyday so I will not get ugly… I don’t want to do household chores because my pretty hands will get ugly… I will get many maids to do that for me like my mom…”
Tila hindi na kinaya ni Kate ang kahihiyan bilang nagtatawanan na ang mga tao. Ang ibang mga magulang naman ay tila nahiya para sa kaniya at napatakip na lamang ng bibig.. Samu’t-sari ang reaksyon ng mga tao at siguradong pagkatapos ng araw na iyon ay magiging katawa-tawa sila sa eskuwelahang iyon.
Nagmamadaling umalis si Kate habang umaagos ang luha sa pisngi ngunit nakita siya ng anak na biglang umalis kaya’t tumigil ito sa pagsasalita, bumaba ng stage at tinawag siya ng tinawag.
“Mommy, where are you going? Are you crying? Are you not happy that I want to be just like you?”
Binuhat na lamang niya ang anak at tumakbo papunta sa parking lot. Hinabol naman sila ni Kevin. Awang-awa naman si Mandy sa kaibigan. Alam niyang mabuting tao si Kate, sadyang may mali lamang talaga sa pagpapalaki dito.
Ilang buwan ang nakalipas, napansin ng lahat ang malaking pagbabago kay Kate. Nagsimula itong magbenta ng mga mamahaling gamit. Simple na lamang itong manamit at nagsimula na rin itong gumawa ng mga gawaing bahay.
Dumalaw ang mga magulang ni Kevin sa kanilang condo unit at gulat na gulat ang mga ito sa inasal ng manugang. Asikasong asikaso sila nito at humingi pa ito ng tawad sa lahat ng ipinakita niyang hindi maganda.
Naging mas maganda naman ang pagsasama ng mag-asawa. Araw-araw ay pinaghahanda ni Kate ng maisusuot sa trabaho at makakain si Kevin. Naging ganadong ganado tuloy lalo ito sa pagtatrabaho. Pinauwi na rin ni Kate sa kaniyang Mommy at Daddy ang mga kasambahay na pinadala sa kanilang condo unit upang magsilbi sa kanila. Tutok na tutok din ito sa pag-aalaga kay Chloe. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataon na mapatunayan ang sarili sa eskuwelahan ng anak sapagkat siya na mismo ang naghahatid at sumusundo dito.
Namuhay sila ng simple at mas masaya matapos ang insidenteng iyon. Napahiya man sa marami ay nagsilbi namang magandang aral ito kay Kate.
May naging pangyayari na din ba sa buhay mo na ika’y lubos na napahiya? Anong natutunan mo sa kuwentong ito? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.