
Bigla na Lamang Huminto sa Pagpasok ang Top 1 ng Kanilang Klase; Nang Puntahan Ito ng Guro ay Naantig ang Kaniyang Puso!
“Present po, ma’am!”
Tuloy-tuloy ang pagtatawag ni Ginang Hilario sa kaniyang mga estudyante para sa kanilang atttendance nang araw na iyon, ngunit nagtaka siya nang bigla na lamang iyong maputol nang hindi sumagot ang isa sa mga pinakapaborito niyang estudyante… si Paul.
“Absent ba si Paul?” tanong niya pa sa kaniyang advisory class sa ikaanim na baitang sa elementarya, na agad naman siyang sinagot ng “opo!”
Napakunot ang noo ni Ginang Hilario. Hindi naman kasi madalas lumiban sa klase si Paul, lalo’t ito nga ang isa sa pinakamasipag na estudyante sa kaniyang klase. Bukod doon ay top 1 ito sa magkakasunod na dalawang grading period.
Kinabukasan ay ganoon ullit ang senaryo sa kanilang eskuwela. Wala na naman si Paul at lumiban na naman ito. Isang linggo pa ang lumipas at talagang hindi na nga nagpaparamdam sa kanilang klase si Paul at hindi rin naman alam ng mga kaklase nito kung bakit.
“Ma’am, bakit hindi pumapasok si Paul? May problema ba?” isa sa mga kapwa subject teachers niya ang nagtanong tungkol din sa bata at wala siyang naisagot.
“Hindi ko rin po alam, ma’am. Nag-aalala na nga ako, e. Kulang-kulang dalawang linggo nang hindi nagpaparamdam si Paul. Mahuhuli na siya sa mga lessons,” aniya pa na bakas ang pagtataka’t pag-aalala sa mukha.
“Naku, sinabi mo pa, ma’am. Sayang kung titigil na lang ngayong school year si Paul. Kahit sa akin, siya ang may pinakamataas palaging nakukuhang marka, e!” sabi naman ng kausap niya.
Dahil doon ay nagdesisyon si Ginang Hilario na bisitahin ang naturang bata sa bahay ng mga ito upang alamin kung ano ang tunay na nangyayari sa bata. Ipinagtanung-tanong niya kung saan ito nakatira. Wala naman kasing contact numbers na nakalagay sa record ng bata at ang address ay hindi rin kumpleto.
Mabuti na lamang at marami palang nakakikilala sa batang si Paul dahil nagsa-sideline ito bilang tagatapon ng basura upang kumita ng pera.
Naabutan ni Ginang Hilario ang bata sa loob ng bahay ng mga ito na nagsasaing. Nagulat si Paul nang siya ay makita!
“Ma’am? Ano po’ng ginagawa n’yo rito?” tanong ng bata sa pinaghalong masaya at tila nanghihinayang na tono.
“Kasi gusto ko sanang alamin kung bakit hindi ka na nakakapasok, anak?” malumanay namang tugon ni Ginang Hilario. “Saka, nasaan ang parents mo? P’wede ko ba silang makausap?” aniya pa.
“Pasok po muna kayo, ma’am, tatawagin ko po muna si mama.” Agad namang tumalima ang guro sa sinabi ng kaniyang estudyante at hinintay na bumalik ito sa salas kasama ang kaniyang ina.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Ginang Hilario nang makitang tulak-tulak ni Paul ang wheelchair kung saan nakasakay ang ina nito na halatang paralisado na! Bigla siyang nakadama ng awa sa bata maging sa ina nito.
“Ma’am, ito po ang dahilan kung bakit hindi po ako nakakapasok. Wala po kasing ibang mag-aalaga sa mama ko. Na-stroke po kasi siya, ma’am, e.”
Gustong maiyak ni Ginang Hilario sa dahilang sinabi sa kaniya ng isa sa pinakamatalino at masipag niyang estudyante.
Dahil doon ay hindi niya napigilang abutan ng kaunting tulong ang mag-ina. Bukod doon ay sinigurado niyang gagawa pa rin siya ng paraan upang maituloy ni Paul ang kaniyang pag-aaral kahit pa inaalagaan nito ang kaniyang ina.
Agad na isinangguni ni Ginang Hilario ang sitwasyon ng mga ito sa pamunuan ng kanilang eskuwelahan at nakatutuwang handang tumulong sa kalagayan ng mag-ina ang karamihan sa kanilang kapwa mga guro.
“Baka p’wedeng pag-ambag-ambagan na lang natin ang pagha-hire ng nurse na mag-aalaga sa nanay ni Paul hangga’t hindi pa tayo tinutugon ni mayor? Kasi mahirap na kung mahuhuli talaga si Paul sa lessons, e.” Isang guro ang nag-suggest na iyon ang gawin nila upang makapasok na kaagad ang batang si Paul.
Agad namang sinang-ayunan iyon ng karamihan at talagang naging napakasaya ni Paul sa kaniyang pagbabalik eskuwela!
Hindi siya pinabayaan ng kaniyang mga guro. Patuloy siyang ginabayan ng mga ito at tinulungan, pati na rin ang kaniyang ina na talaga namang labis na tumatak sa isip ng bata.
Dahil doon ay mas lalo niyang pinagbuti ang kaniyang pag-aaral at sinigurado niyang magkakamit siya ng karangalan sa kanilang pagtatapos. Lahat ng iyon ay inialay niya sa kaniyang ina at sa kaniyang mga gurong siyang nagsilbi niyang mga gabay.

Nakikipag-away pa Siya Upang Ipagtanggol Noon ang Kaniyang Idolo Laban sa mga Bumabatikos Dito; Paano Kung Siya Mismo ang Makaranas ng Totoong Ugali Nito?
