Inday TrendingInday Trending
Pinagtakhan ng Lalaki Kung Bakit Maputi ang Balat at May Magandang mga Mata ang Kanyang Bunsong Anak, Ikinawindang Niya ang Sikretong Itinago ng Kanyang Asawa

Pinagtakhan ng Lalaki Kung Bakit Maputi ang Balat at May Magandang mga Mata ang Kanyang Bunsong Anak, Ikinawindang Niya ang Sikretong Itinago ng Kanyang Asawa

Ilang taong nagtrabaho sa Saudi si Danilo bilang construction worker kaya nang matapos ang kanyang kontrata at nakapag-ipon ay agad itong uuwi sa Pilipinas para makasama ang iniwang pamilya.

Habang nasa eroplano ay excited na itong makalapag iyon sa sinilangang bansa.

“Makikita ko na rin ang aking mag-iina,” bulong niya sa sarili.

Makalipas ang ilang oras ay lumapag na ang eroplano. Nasa Pilipinas na talaga siya.

Nagmamadali siyang umuwi para sorpresahin ang kanyang mag-iina. Sinadya niya na hindi ipaalam sa mga ito na darating siya.

Ilang minuto lang at huminto na ang sinakyan niyang taxi sa harap ng kanilang bahay. Laking tuwa niya nang makita ang katas ng kanyang pinaghirapan sa Saudi. Nakapagpatayo kasi siya ng malaking bahay para sa kanyang pamilya.

Agad siyang kumatok sa gate at laking gulat ng kanyang asawa na si Natalia nang makita ang kanyang presensiya.

“D-Danilo, k-kailan ka pa dumating?” anito.

“Tapos na ang kontrata ko sa Saudi, mahal. Nakaipon na ako ng sapat kaya hindi na ako babalik dun!” masaya niyang wika sa asawa.

“H-hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka. Sana ay nakapaghanda man lang ako.”

“Ayos lang , mahal. Makita ko lang kayo ng mga anak ko ay okay na ako. Nasaan ba ang mga bata?” tanong niya rto.

“P-pasok ka, mahal at nasa loob ang mga bata!’ yaya ng babae.

Pagpasok niya sa loob ng bahay ay bumungad sa kanya ang panganay niyang anak na babae na si Katkat.

“Papa!” masayang bati ng anak.

“Na-miss kita, anak. Ang laki mo na, a!”

Mayamaya ang ikalawa naman niyang anak ang sumalubong sa kanya.

“Owel, ikaw na ba iyan, anak?” tanong niya sa bata.

“Papa, pengeng chocolate!” anito.

“Marami akong dalang chocolate kaya huwag kayong mag-alala!” sabi niya sa mga anak.

Nabigla naman siya nang makita niya ang bunsong anak na lalaki na karga-karga ni Natalia. Agad niyang napansin ang maputing kutis ng bata at magandang kulay ng mga mata.

“I-ito na ba si Junior? Nagtataka niyang tanong sa babae.

“O-oo,” anito.

Hindi niya mawari pero tila may kakaiba sa bunso niyang anak. Nang ipanganak ng kanyang asawa ang bunsong anak ay kitang-kita niya na kayumanggi ang kulay nito ngunit bakit bigla na lamang pumuti ang kulay ng balat ng anak. Bago kasi siya umalis patungong Saudi ay ipinagbubuntis na ito ng kanyang asawa at nang bumalik siya sa bansa para magbakasyon ay nakita niyang nanganak si Natalia kaya laking gulat niya nang mapansing iba na ang kulay ng bata.

Agad niyang tinanong sa asawa ang tungkol sa kanilang anak.

“Mahal, napapansin mo ba si Junior, ang puti ng kutis at naiiba ang kulay ng mga mata niya. Ganyan ba talaga siya habang lumalaki?” nagtataka niyang tanong sa asawa.

“A, e hindi ko kasi pinababayaang mababad sa init ng araw si Junior kaya ganyan ang kulay niya,” paliwanag ng babae.

“P-pero bakit ang iba nating anak kay iitim ng kulay ng balat, tanging si Junior lang ang hindi nagmana ng kulay sa mga kapatid niya?”

“P-palagi kasing nasa labas ang iba mong anak kaya sunog ang kulay kumpara sa bunso mong hindi man lang nasisikatan ng araw,” patuloy na paliwanang ng asawa.

Hindi na nagtanong pa si Danilo kay Natalia.

Kinaumagahan ay nagpasya ang lalaki na siya ang mamamalengke. Kay tagal din niyang hindi nagawa iyon. Sa bahay kasi ay siya ang namamalengke dahil siya ang mahilig magluto.

Habang namimili ay narinig niya na pinag-uusapan siya ng dalawang babae.

“Di ba iyan iyong asawa noong babaeng may kabit na Kano?” wika ng isang matandang babae.

“Siya ba? Kaawa-awang lalaki. Iniputan na sa ulo wala pang kaalam-alam, tsk tsk!” sabi naman ng isa pa.

Biglang kinabahan si Danilo sa sinabi ng dalawang tsismosa. Agad niyang naalala ang kakaibang kulay ng balat at mga mata ng anak na si Junior.

Kinagabihan, habang tulog ang asawa ay naisipan niyang puntahan ang silid ng bunsong anak. Nakita niyang tulog na tulog ang bata. Pinagmasdan niya itong mabuti ngunit ni isang bakas ng itsura niya ay hindi niya makita sa imahe nito.

“Anak ko ba talaga ang batang ito?” tanong niya sa sarili.

Di inaasahan na may napansin siyang lumang litrato na nakaipit sa magazine na nakapatong sa side table. Laking gulat niya nang makita ang asawang si Natalia na may kayakap na Kano sa litrato.

Biglang nagtagpi-tagpi ang lahat sa kanya at nalamang may itinatago nga ang asawa kaya agad niyang ginising ito at pinagpaliwanag.

“Gumising ka, Natalia, gising!” aniya sa galit na tono.

Pupungas-pungas na bumagon sa kama ang babae. “B-bakit, anong problema?”

“Sino ang lalaking ito, sabihin mo, sino?!” sigaw niya rito habang ipinakita ang napulot na litrato.

Doon na bumigay si Natalia at inusig na ng kanyang sariling konsensiya.

“P-patawarin mo ako, Danilo, nagkasala ako sa iyo!” sabi nito habang humahagulgol.

“Ano ang kailangan kong malaman? Sabihin mo!” galit na sigaw ng lalaki.

“H-hindi mo anak si Junior, anak siya ng nakarelasyon kong Kano na si Edward. Nang umalis ka at nangibang bansa ay natukso ako sa ibang lalaki at umibig sa Kanong nakilala ko sa bar ngunit saglit lang iyon at di sinasadyang nasawi siya sa aksidente nang lumubog ang barkong sinasakyan niya. Naiwan sa akin ang anak niya sa una niyang asawa. Ako na ang kumupkop sa anak niyang si Jobert dahil naaawa ako sa bata,” bunyag ng babae.

Hindi makapaniwala ang lalaki sa pagtataksil ng asawa. Ngunit hindi pa pala nagtatapos doon ang rebelasyon ng babae.

“Nasaan na ang anak natin, Natalia? Nasaan na ang totoong Junior?” tanong ng lalaki.

Lalong humagulgol ng iyak ang asawa sa itinanong ni Danilo.

“Wala na siya, Danilo. Limang araw matapos ko siyang ipanganak ay nagkasakit siya ng malubha at binawian ng buhay,” pasabog pa ng babae.

Halos ikasikip ng dibdib ni Danilo nang malamang wala na ang bunso niyang anak.

“Natakot akong ipaalam sa iyo ang totoo, kaya nagdesisyon akong ilihim sa iyo ang lahat at palabasin na si Jobert ang anak nating si Junior dahil magka-edad lang naman sila.”

Gustong saktan si Danilo ang asawa sa ginawa nitong pagtataksil at paglilihim sa pagkawala ng kanilang anak ngunit nangibabaw pa rin sa kanya ang pagmamahal sa kanyang asawa at mga anak.

“Sa puntong ito ay gusto kong magalit sa iyo sa lahat ng panlolokong ginawa mo sa akin, pero mahal kita at mahal ko ang mga anak natin. Ayokong masira ang pamilya natin kaya handa akong kalimutan ang lahat ng nangyari. Nakahanda akong tanggapin si Jobert bilang anak ko dahil tama ka na wala siyang kasalanan sa pagkakamali mo,” wika ni Danilo.

“Salamat, Danilo. Patawarin mo ako sa lahat ng ginawa ko!” patuloy na iyak ng babae.

“Tumahan ka na, magsimula tayo ng panibago at kalimutan ang mga masasakit na nangyari.”

Nang sumunod na araw ay dinalaw nila ang puntod kung saan inilibing ang anak nilang si Junior. Inalayan nila ito ng bulaklak at ipinagtirik ng kandila. Labis ang kalungkutan ni Danilo dahil hindi man lang niya nakitang lumaki ang kanyang bunsong anak na binawi agad ng Diyos sa kanilang mag-asawa.

Tinupad ni Danilo ang sinabing tatanggapin si Jobert. Inangkin at itinuring niya itong parang tunay na anak. Ang naipon niya sa Saudi ay ginamit niyang puhunan sa pagtatayo ng negosyo at masaya silang namuhay na mag-anak na parang walang nangyari.

Isang mabuting tao si Danilo dahil sa kabila ng lahat ay nagawa pa rin niyang magpatawad at tanggapin ang pagkakamali ng asawang si Natalia. Napagtanto naman ng babae na napakasuwerte niya sa lalaki dahil sa kabila ng panloloko at paglilihim niya ay naging mabuti pa rin itong asawa sa kanya at ama sa batang hindi naman nito kadugo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement