Inday TrendingInday Trending
Mister Kong Seloso

Mister Kong Seloso

May kumakalat na tsismis sa barangay nila Fe na habang nasa ibang lugar daw ang asawa niyang si Kokoy ay nanlalalaki siya. May pinadala pang litrato kay Kokoy na may kinakandungang lalaki raw si Fe sa isang bar noong isang Linggo kaya naman dali-daling umuwi ang mister para malaman ang totoo.

Isang construction worker si Kokoy sa Pangasinan, isang beses sa isang Linggo lamang siya kung umuwi. At ito si Fe, isang house wife at online seller—pangdagdag kita. Kaya naman para kay Fe, wala na siyang oras para maka-gimik sa mga kaibigan niya noong nasa kolehiyo pa siya.

Laking gulat ni Fe na umuwi ang asawa niya nang dalawang araw na mas maaga kaysa sa normal na araw na uwi nito. Nakasimangot ito, ni hindi man lang siya hinalikan o niyakap. Dali-dali itong nagbukas ng cellphone at inilantad ang litrato RAW ni Fe at ang matalik nitong kaibigan na si Jojo.

“O, si Jojo yan ah! Hanep talaga yan napaka-chickboy talaga!” natatawang sabi ni Fe.

“Oo nga eh, napakalandi rin nang asawa ko dyan.” inis na sabi ni Kokoy.

“Ha? Anong ibig mong sabihin?” pagkalito ni Fe.

“Hindi ba ikaw yan? Iba naman talaga ang kati mo no. Nauwi naman ako kada Linggo para sayo. Pinipilit ko makauwi kahit hindi ako pinapayagan para kahit papaano hindi ka manlamig sakin Fe!” bulyaw ni Kokoy.

“Kokoy, nagkakamali ka! Hindi ako iyang babae sa litrato. Bakit naman ako kakandong sa isang lalaki, Kokoy? Eh may anak na tayo!” pagdedepensa ni Fe.

“Ayan o, ikaw na ikaw yan! Hubog pa lang ng balakang mo Fe alam na alam ko na!” bulyaw ni Kokoy.

“Kokoy naman, ganyan ba talaga ang tingin mo sakin? Kahit naman malayo ang trabaho mo, ni hindi ko nagawang umalis ng bahay nang hindi kasama ang anak mo. Paano ko gagawin yan na kasama ko anak mo ha?” pagpapaliwanag ni Fe.

Hindi na makasagot sa galit si Kokoy. Padabog niyang sinara ang pinto nang kwarto at doon ay nagkulong. Iyak siya nang iyak dahil lamang sa isang litrato. Marami na siyang naiisip na kung anu-ano, gaya nang pupuntahan niya sa bahay si Jojo at bubugbugin. Naisip niya ring makipaghiwalay na kay Fe dahil sa kababuyang ginawa nito.

Napagdesisyunan ni Kokoy na palayasin na si Fe.

“Talaga ba? Sarado na talaga ang isip mo ano? Nabubulagan ka na ng galit mo,” puno ng hinanakit na sabi ng babae.

Wala namang emosyong nagsalita si Kokoy, “Basta umalis kana. Wala kang kwentang babae.”

Sobrang sakit ng dibdib na naglakad si Fe palabas ng bahay.

Isinama niya ang anak sa kanilang tirahan sa Cavite. Habang ito si Kokoy, naiwang mag-isa sa kanilang bahay. Labis na pag-iisip pa rin ang kanyang nagagawa.

Naisip niyang tingnan muli ang litrato at doon napansin niyang tila may tattoo ang babaeng nakakandong sa may bandang batok, medyo natatabunan nang buhok kaya marahil hindi niya ito masyadong napansin.

May nakita rin siyang isang karatula sa gilid ng upuan ng lalaki, na may nakasulat na “Boracay Island”. Doon tumigil ang mundo ni Kokoy.

Anak ng pating, hindi pala si Fe ang babaeng ito!

Walang tattoo ang misis niya at kung pupunta man ito ng Boracay ay malalaman niya kaagad pagkat ilang oras ang byahe papunta roon. Imposible!

Dali-dali niyang tinawagan ang babae. Naiiyak niyang pinakikinggan ang linya ng telepono. Maya-maya ay may sumagot, pero hindi niya kilala ang boses. Hindi iyon ang misis niya.

“Hello po? Ito po ang pampublikong ospital ng General Trias, Cavite, nabundol po ang may-ari ng telepono. Pero wala na po–” binaba na ni Kokoy ang telepono at nagsimulang tumulo ang kanyang luha.

Wala na.. ang ibig ba nitong sabihin ay wala na ang misis niya? Panginoon. Nabitawan niya ang telepono, nanginginig siyang napaupo sa sahig at humagulgol. Kasalanan niyang lahat ito, naging makasarili siya at makitid.

“Sana pala hindi ko na lang pinalayas si Fe. Sana hindi ako nagpadala sa galit ko! DIYOS KO ANO NANG GAGAWIN KO SA BUHAY KO!” iyak ni Kokoy, halos magwala na ito sa sakit at pagsisising nararamdaman.

Nang mahimasmasan nang kaunti ay nagtungo si Kokoy sa nasabing ospital, hindi pa siya makapagsalita nang tanungin ng mga nurse roon kung ano ang kailangan niya.

“M-Miss, narito ba si Mrs. Fe Cruz? Ako ang mister niya,” mahinang sabi niya.

“Ay oho, nasa emergency room pa po. Hindi namin sila mai-dismiss dahil hinihintay pa ho kayo,” sabi ng nurse na iginiya na siya upang maglakad.

O Diyos ko, hindi pa madala sa morgue dahil wala pa siya. Para na rin siyang namatay ngayong wala na ang kanyang mag ina.

Bago makapasok sa emergency room ay pinigil niya ang nurse, “Miss, h-hindi ko pala kaya. Diyos ko, hindi ko pa kaya.”

Napakunot naman ang noo nito, “Hindi nyo pa ho kaya ang alin Sir?”

Bago pa siya nakasagot ay may tumawag na sa kanya.

“Papa!” boses iyon ng kanyang anak.

Paglingon niya ay naroon nga ang bata, kandong ng ina nito na may band aid sa braso at nakaupo sa kama.

Dali-dali siyang tumakbo at nilapitan ang mag ina. Umiiyak pa rin siya pero this time ay dahil sa kaligayahan na.

“Akala ko Fe wala na kayo. Sabi nung nurse —” iyak ni Kokoy habang yakap-yakap ang mag-ina.

“Shhh tama na Koy, naputol mo daw yung sasabihin niya eh. Hindi naman kita matawagan dahil lowbat na yung telepono ko.” pagpapaliwanag ni Fe.

Nagpunas nang luha ang lalaki. Inayos niya ang buhok ng misis at hinawakan niya ito sa kamay.

“Pasensya kana Fe, nadala ako ng galit. Dala na rin siguro ng pagka-miss ko sa inyong mag-ina. Hayaan mo, mas magtitiwala ako sayo ngayon kaysa sa mga taong naninira satin. Akala ko talaga iniwan niyo na ako. Hindi ko kayang mawala kayong dalawa sakin Fe, hindi ko kaya. Mahal na mahal kita, mahal na mahal ko kayong dalawa.” paglalambing ni Kokoy.

Madalas nasisira ang mga relasyon dahil sa maling akala at maling hinala. Maraming tao sa paligid na akala natin ay kaibigan, pero may tinatagong baho para lamang sirain ka.

Nararapat lamang tandaan na walang makakasira sa inyong pagsasama kung lubusan kayong nagtitiwala sa isa’t isa. Normal lamang sa tao ang magalit, pero dapat, marunong tayong ayusin muli ang relasyong minsa’y nagkaroon ng biyak.

Tandaan, tiwala at pagmamahal ang sangkap ng masayang pagsasama.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement