Inday TrendingInday Trending
Kinakailangan Pa ng Mag-ama na Maglakad ng Malayo Upang Makakain ng Tinapay, Ito Pala ang Magiging Susi sa Kanilang Tagumpay

Kinakailangan Pa ng Mag-ama na Maglakad ng Malayo Upang Makakain ng Tinapay, Ito Pala ang Magiging Susi sa Kanilang Tagumpay

“Tay bakit po palagi tayong naglalakad sa malayo kapag nag-aalmusal?” tanong ng musmos na si Lesley sa kanyang tatay Roger. Napangiti ang ama ngunit kita sa mukha nito ang katandaan dulot ng ilang taong stress sa buhay. Bata pa lang kasi siya ay nakaranas na sila ng matinding kahirapan sa buhay. At ngayo’y nakikitira lamang sila sa kanilang tiyahin na kapatid ng kanyang ama na may apat na anak. “Kasi anak dalawang tinapay lang ang kayang bilhin ni tatay. Inutang ko lang itong pera pang-almusal mo. Naniniwala kasi ako na ang almusal ang pinaka-importanteng oras ng pagkain sa isang araw.” Naguluhan pa rin ang bata sa sinabi ng ama. Kaya naman muling nagsalita si Mang Roger, “Kasi anak, tradisyon na ng mga tao na kapag kakain ka, kailangan ibili at bigyan mo rin ang mga kasama mo sa bahay. Lalo na tayo nakikitira lang tayo. Kailangan alam nating makisama at maghati ng pagkain sa kasama natin sa bahay.” Doon unti-unting pumapasok sa isip ni Lesley ang katotohanan. Nagpatuloy siya sa pakikinig sa ama, “Kaso nga lang, sa sitwasyon natin, wala tayong pera kaya walang maialok na pagkain si Tatay sa kanila. Ang pera ko lang palagi ay pambili ng dalawang pirasong pandesal para pagsaluhan natin, anak.” Nalungkot ang bata sa nalaman. Hindi niya inakalang ganoon pala talaga sila kahirap. Kaya pala minsan ay nakikita niya nalang ang ama na namamasa ang gilid ng mata, marahil siguro’y napapaiyak na lang siya sa sobrang kahirapan. Kaya naman ngumiti si Lesley at hinawakan ang kamay ng ama, “Huwag ka mag-alala Tay, dadating po ang araw na hindi na natin kailangan maglakad ng malayo para kumain ng almusal.” Bahagyang ginulo ni Mang Roger ang buhok ng anak. Panalangin niya na sana’y matupad ang kahilingan nito. Sa kabila ng hirap ng buhay ay nagpatuloy sa pag-aaral ang batang si Lesley. Ilang taon ang lumipas nang magdalaga siya ay nagpasya siyang mag-aral sa Maynila upang kumuha ng part-time job pantustos sa kanyang pag-aaral. Nagdesisyon siyang kumuha ng kursong HRM. Sa tulong ng iba’t ibang part time jobs at pagiging scholar sa eskwela ay nagawang mapagtapos ni Lesley ang sarili sa kolehiyo. Tila wala namang pagsidlan ang kaligayahan ng kanyang ama na si Mang Roger nang sa wakas ay makitang nakaitim na toga ang kanyang anak, “Sa wakas! Natupad rin ang pangarap ko!” Masayang-masaya si Lesley sa nakitang kaligayahan ng ama. Tila lahat ng lungkot at stress na inabot nito sa buhay ay napalitan lahat ng kaligayahan. Salamat sa espesyal na araw na ito. Pagkagraduate ay agad na nakakuha ng magandang trabaho si Lesley bilang isang baker sa isang coffee shop. Ngunit dahil tila nasanay siyang hindi lamang iisa ang trabaho tulad noon. Kung kaya naman bukod sa trabaho niya ngayon ay nagpasya siyang magpatayo ng sariling panaderya. Sa loob ng saglit na panahon ay nakaipon siya upang makapagpatayo ng simple at sarili niyang bakery. “Ang sarap naman ng bine-bake mong tinapay hija, anong sikreto mong recipe dito?” tanong minsan ng isang matandang suki. Napangiti siya dito at saka itinuro ang kanyang tatay na kasalukuyang nagbe-bake ng mga tinapay, “Wala pong ibang sikreto kundi ang nakaraan naming mag-ama. Nagsilbi po iyong inspirasyon para sa akin upang magkaroon ng mga pangarap, hindi para sa akin, kundi para sa mahal kong tatay.” “Nakaka-inspire naman ang istorya niyo. Oh siya papakyawin ko na ang pandesal niyo, hija.” Napangiti siya sa sinabi ng matanda. Kinabukasan ay maaga siyang naghanda ng almusal para sa kanilang mag-ama, “Tay, kain na po.” Nakangiting tumingin ang ama sa kanya, “Salamat, anak.” Hinawakan niya ang kamay ng ama, “Tay, naalala niyo pa po ba ang pangako ko sa inyo noong maliit pa ako? Ito na po ‘yun Tay.”

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement