Inday TrendingInday Trending
Sobrang Ganda ng Misis ng Lalaking Ito Kaya Naman nang Lumabas na Pangit ang Anak Nila Ay Ganoon Nalang Ang Pagkagulat Niya

Sobrang Ganda ng Misis ng Lalaking Ito Kaya Naman nang Lumabas na Pangit ang Anak Nila Ay Ganoon Nalang Ang Pagkagulat Niya

Hinimas ni Belinda ang kanyang balakang, palakad-lakad siya ngayon sa hallway ng ospital. Kagabi pa humihilab ang kanyang tiyan kaya naman agad na siyang isinugod ng kanyang mister patungo rito, hindi naman sila nahirapan dahil may kotse naman ang lalaki at malapit lang rin naman ito sa kanilang bahay.

“Mahal, ayos ka lang ba? May magagawa ba ako?” nag aalalang tanong ng lalaki.

“A-ayos lang ako mahal.. sobrang sakit lang talaga.” sabi niya at napaaray pa dahil maya’t maya na ang paghilab.

Ikinasal sila noong isang taon. Sa pinapasukang opisina sa Makati niya nakilala ang mister, si Leonel. Mabait ang lalaki, may respeto at kay gwapo naman talaga. Nagustuhan naman siya agad nito, mabait naman din kasi siya, at masarap kausap. Kaya lang sa likod ng kanyang napakagandang mukha ay nagtatago ang isang malaking sikreto, retokada siya.

Kahit kasi galing siya sa mayamang angkan ay di naman siya biniyayaan ng magandang mukha. Palagi siyang biktima ng pambubully kahit na mabait siya sa mga kaklase, hinuhusgahan siya ng mga ito sa kanyang panlabas na anyo. Kaya nang mapuno na ay napagdesisyunan niya nang magpa-retoke.

Ipagtatapat niya naman sana kay Leonel ang totoo kaya lang ay minahal niya na ito ng sobra at natatakot na siyang iwan nito.

Natigil sa pagbabalik-tanaw si Belinda nang muling humilab ang kanyang tiyan, iba ang sakit na ito. Sobra, naramdaman niya ring may tumutulong likido sa binti niya.

“Mahal, ang panubigan mo!” sabi ng nagpa-panic na mister, agad siyang binuhat ng lalaki, nakita sila ng mga nurse at idiniretso na siya sa delivery room.

Makalipas ang ilang sandali, isinilang niya ang isang sanggol na babae. Excited ang kanyang mister na binuhat ang bata pero natulala ito nang mamasdan ang sanggol, wala ni isa sa kanila ang kamukha nito!

“Ay, bakit ganyan, ang pangit ng baby.” bulong ng isang nurse. Hindi na narinig pa ni Belinda ang mga sumunod na nangyari dahil nawalan na siya ng malay.

Paggising niya, wala sa tabi niya ang asawa, ang naroon ay ang kanyang mga magulang at buhat-buhat ang baby. Ilang araw pa ang itinagal nila sa ospital, hanggang oras na para umuwi ay hindi pa rin bumabalik ang kanyang mister, tinanggap na ni Belinda sa sarili na wala na ang lalaki. Matapos malaman nito na hindi siya totoong maganda ay sino pa nga ba naman ang babalik, diba?

“Sigurado ka ba anak? Pwede naman kayo doon ni baby sa bahay muna natin, para may katulong kang mag-alaga.” sabi ng nanay niya, nabanggit niya kasi rito na sa bahay pa rin nila ng mister siya uuwi.

“Oo ma, ayos lang ako rito. Tatawag po ako sa inyo kung sakaling uuwi ako sa atin.” sabi niya. Pumasok na siya sa loob ng bahay, bitbit ang bagong silang na anak. Dumiretso siya sa kwarto, naramdaman niya na lang na may kumakaluskos sa kabilang kwarto, nakaramdam siya ng takot dahil bakante iyon.

Dahan dahan niyang binuksan ang pinto noon at laking gulat niya sa nakita.

Naroon ang kanyang mister, isinasapin ang isang maliit na kumot sa kulay pink na crib. Bagong pintura ang kwarto, kulay pink. Marami ring mga gamit na pangbatang babae, basta lahat ay kulay pink.

“L-Leonel, hindi mo kami iniwan?”naiiyak na sabi niya.

“Pamilya ko kayo, bakit ko naman kayo iiwan? Sorry natagalan ang paggawa ko sa kwarto ng anak natin.” sabi nito at niyakap silang mag ina.

“K-Kahit na hindi naman ako totoong maganda, kahit na retokada lang ako?” sabi niya.

“Baliw ka. Tingin mo ba hindi ko yon alam bago kita pakasalan? Syempre hinanap ko sa parents mo ang baby pictures mo kasi gusto kitang makilala. Noon pa alam kona, at maganda ka po misis. Magandang maganda ka po dahil maganda ang kalooban mo.”

Makalipas ang ilang taon ay mas pinagtibay ng panahon ang relasyon ng mag-asawa.

“Jessica, Leonel, kakain na!” tawag ni Belinda sa mag ama niyang wiling wili pa sa pagsu-swimming. Hindi naman siya makasali dahil malaki na ang tyan niya sa pangalawa nilang anak, mas gusto niyang umupo nalang at panoorin ang dalawa.

“Yehey, barbecue anak o, masarap ang luto ni mommy.” sabi ni Leonel sa anak. Minasdan ni Belinda si Jessica, ang ‘ganda’ na tinataglay ng anak niya ay hindi akma sa ‘ganda’ na tanggap ng karamihan. Pero titiyakin nilang mag asawa na palalakihin nila ang bata na puno ng pagmamahal, at tiwala sa sarili.

Advertisement