Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Babae ang Asawa’t mga Anak Para Sumama sa Mayamang Kabit, Isang Sorpresa ang Kaniyang Nadatnan nang Balikan ang Pamilya

Iniwan ng Babae ang Asawa’t mga Anak Para Sumama sa Mayamang Kabit, Isang Sorpresa ang Kaniyang Nadatnan nang Balikan ang Pamilya

Ang dating masaya at kumpletong pamilya ni Edgar ay biglang nagbago nang iwanan silang mag-aama ng asawang si Nyda. Sa araw mismo ng ika-anim na kaarawan ng ikatlong anak nila ay sumama ito sa isang mayamang lalaki.

“Nyda, maawa ka sa mga anak mo, kailangan nila ng isang ina.” Pakiusap niya sa asawa habang nagiimpake ito.

“Ikaw na ang bahala sa kanila, hindi ito ang buhay na pinangarap ko, si Roel ang makakapagbigay sa akin ng magandang kinabukasan.” At agad lumabas ng pintuan ang misis ng walang paalam.

Labis na nalugmok si Edgar sa ginawa ng asawa, bagaman isa lamang siyang empleyado ay sapat naman ang kinikita niya upang buhayin ang pamilya, napapag-aral niya ang mga anak at minsan ay nabibilan niya rin ang mga ito ng kanilang mga gusto pati na rin ang ilang luho ni Nyda. Ngunit anumang pagsisikap niya ay hindi ito naging sapat para sa asawa.

“Hindi mo man lang ako mabilhan ng mga alahas at maipasyal sa ibang bansa, aba, eh hindi ako nagpakasal sayo para maging katulong dito sa masikip mong bahay.” Minsang bulyaw nito sa kaniya.

“Mas mahalaga pa ba ang mga iyan kesa sa pangangailangan ng mga anak natin? Hindi nga ako makabili ng para sa sarili ko eh, puro sa inyo lang.” Sagot ng pobreng mister.

Sa paglipas ng mga araw ay unti-unting natanggap ni Edgar ang pagiwan sa kanila ng asawa. Makailang beses niyang sinubukang tawagan ito ngunit hindi siya sinasagot hanggang sa hindi na niya makontak ang telepono ni Nyda. Tumigil rin siya pagtagal at naisip na may tatlo siyang anak na mas kailangang pagtuunan ng pansin.

“Daddy, hindi na ba babalik si mommy?” Minsang tanong ng panganay na si Lily habang tinutulungan niya ito sa takdang-aralin.

“Miss ko na siya daddy.” Wika naman ng pangalawang anak na si Daryl.

“Mga anak, iniwan na kasi tayo ng mommy niyo, sumama na siya sa iba, pero ‘wag kayong mag-aalala, nandito pa naman si Daddy, puwede din akong maging Mommy.” Mahinahong paliwanag niya.

“I hate her!” Sigaw ng bunsong si Mandy, sabay padabog na pumasok sa kanilang silid. Sinubukan siyang kausapin ni Edgar pero buo ang loob ng bata na hindi niya ito mapapatawad. Tandang-tanda ni Mandy ang paglabas ng ina sa pintuan habang siya ay kinakantahan ng mga kaibigan at kapatid ng happy birthday.

Sampung taon ang lumipas at naging maayos ang pamumuhay ng mag-aama, si Lily ay nakapagtapos ng abogasya at si Daryl ay pumasok sa training upang mag-sundalo, si Mandy ay nakatapos na sa hayskul at nagpasiyang kunin ang kursong Accountancy.

“Happy Graduation, Mandy!!!” Sorpresa nilang ipinaghanda ang anak sa araw ng graduation nito. Kumpleto ang tatlong magkakapatid at ilan sa malalapit nilang kaibigan at kamag-anak.

Tuwang-tuwa si Mandy sa pagtitipon at labis na pinasalamatan ang ama at mga kapatid.

“Salamat kuya at ate nandito kayo, hindi ‘to magiging kumpleto kung wala kayo, tsaka sayo Daddy, gagalingan ko sa kolehiyo pangako.” Wika niya at sabay yakap sa mga kapatid.

Nasa kalagitnaan sila ng pagsisiyahan nang dumating ang isang pamilyar na babae. Kumatok ito sa gate at pinagbuksan ni Edgar. Laking gulat niya nang makita ang dating asawa na sobrang payat at walang kaayos-ayos, nakatingin lamang ito sa kaniya kaya’t siya na ang unang nagsalita.

“Anong ginagawa mo dito? Wag mo na kaming guluhin Nyda, masaya na ang mga anak ko, hindi ka namin kailangan dito.” Galit na wika ni Edgar

“Nakikiusap ako, wala na akong mapuntahan Edgar, iniwan ako ni Roel nang lumabas ang warrant namin, nahuli kasi ang mga illegal naming negosyo at ngayon pati ako’y pinaghahanap na ng awtoridad.” Sagot nito habang umiiyak

“Wala ka nang lugar dito, umalis ka na!” Sagot ni Daryl, nasa pintuan na pala ito at nakikinig.

Kahit anong pakiusap ni Nyda ay hindi siya pinapasok ng mag-ama, hanggang sa lumabas si Mandy at patago siyang dinala sa kaniyang kwarto at doon ay pinagpahinga.

“Dito ka muna, Mommy. Bababa muna ako saglit. Wag kang lalabas ha, baka makita ka nila kuya.” Bilin nito sa kaniya

Sandali pa lamang na nakakapagpahinga si Nyda ay biglang pumasok ang dalawang pulis at agad siyang pinosasan. Nakangiting nanonood si Mandy habang nagkakagulo ang ilang bisita. Lingid sa kaalaman nina Edgar ay nakikinig pala ang anak sa kanilang pag-uusap, kaya’t nang maipasok ang ina ay tumawag na ito ng pulis.

“Ito na ang huling paalam namin sayo Mommy, sana’y mag-enjoy ka sa kulungan.” Wika ni Mandy

Tuluyan nang nakulong si Nyda at di nagtagal ay nahuli rin ang kinakasama niyang si Roel. Sa sobrang bigat ng kaso nila ay limampung taon ang ilalagi nila sa bilibid. Tahimik na namuhay ang mag-aama at kinalimutan ang masalimuot na nakaraan.

Ang pagpapamilya ay hindi lamang isang desisyon, ito’y isang napakalaking obligasyon na kinakailangan ng matinding dedikasyon. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement