Sumikat sa Social Media ang Video ng Babaeng Mapagkawanggawa; May Kwento pala sa Likod Nito!

Kumakalat ang video ng isang babae ngayon sa social media. Iyon ay dahil siyaʼy mapagkawang gawa at tumutulong sa mga kapuspalad.

Sa video, may dala-dala itong isang supot ng ibaʼt ibang klaseng pagkain. Mabagal lang ang lakad niya dahil sa madulas na daang dulot ng kadaraan lanang na bagyo, kaya naman napalingon ito sa isang matandang nangangalakal ng pagkain sa basurahan. Dahil doon ay huminto ang babae sa tapat ng matanda at nooʼy kinausap ito. Dahil may kalayuan ang puwesto ng taong kumukuha ng video ay hindi na narinig pa ang sinabi ng babae. Basta nakita na lamang doon na hinatian ng babae ang matanda sa dala niyang pagkain. Ni hindi ito nangiming sabayan din sa pagkain ang matanda! Masaya pa siyang nakipagkuwentuhan dito na animoʼy normal at hindi pulubi ang kaniyang kausap.

“Grabe, Keenah! Sikat na sikat ka na!” hiyaw noon ng pinsan ni Keenah na kaniya namang ikinagulat.

“A-anoʼng ibig mong sabihin? Bakit?” tanong naman ni Keenah, ang babae sa viral video.

“Nakuhanan ka ng isang netizen habang tumutulong sa isang matanda!”

Biglang nanlaki ang mga mata ni Keenah sa narinig.

“Ano?!” napapangiwi pang aniya.

“Oo! Halika rito, i-check mo itong mga comments!”

Advertisement

Ipinakita sa kaniya ng kaniyang pinsang si Ally. Anak ito ng apo ni Lola Korina sa kaniyang pamangkin kaya naman nagturingan na lang sila bilang magpinsan.

Napanganga na lang si Keenah matapos makumpirma ang sinasabi nito. Hindi niya akalaing aabot ng ganoon karami ang mga taong pupuri sa kaniya dahil lang sa simpleng pagtulong sa matatanda, na matagal naman na niyang ginagawa.

Lingid sa kaalaman ng marami, ginagawa niya ang bagay na iyon bilang pag-alaala sa kaniyang Lola Korina. Ito kasi ang nagpalaki at umampon sa kaniya simula pagkabata pa lamang niya, nang-iwan siya ng kaniyang tunay na ina sa tabi ng basurahan. Hindi siya kadugo ng kaniyang Lola Korina ngunit minahal siya nito nang lubos.

Ngunit dalawang taon na ang nakalilipas ay bigla na lamang naglaho ang kaniyang lola. Nag-uulyanin na kasi ito at bigla na lamang itong tumakas habang nooʼy bumibili siya ng ulam para sa kanilang dalawa.

Matagal ding hinanap ni Keenah ang kaniyang Lola Korina ngunit wala talagang makapagsabi kung saan ito nagpunta.

Hindi pa rin naman sumusuko si Keenah sa paghahanap sa lola niya. Bukod pa roon ay doon na rin nagsimulang tumulong siya sa mga matatanda dahil naaalala niya ito.

“Baka pʼwede kong gamitin ang pagkakataong ito para maipagtanong si lola,” biglaʼy naisip ni Keenah.

“Oo nga! Bakit hindi mo subukan, insan?” pagsang-ayon naman ni Ally.

Advertisement

Dahil doon ay mas dumami ang mga taong tumulong kay Keenah upang kaniyang mahanap ang nawawalang lola. Ibaʼt ibang grupo ng mga netizens ang nabuo at nagsagawa ng mga operasyon upang mahanap si Lola Korina sa ibaʼt ibang parte ng Pilipinas, ngunit umabot na ng ilang buwan ay hindi pa rin ito nakikitaʼt nahahanap.

Ganoon pa man ay lubos pa rin ang pasasalamat ni Keenah sa netizens na tumulong sa kaniya.

Ipinagpatuloy na lamang ni Keenah ang kaniyang buhay, pati na rin ang nakagawian niyang pagtulong sa matatanda.

Isang umagaʼy naisipan niya noong mag-jogging. Malamig kasi ang panahon at gusto niyang mag-relax man lamang sa labas.

Kasama niya noon si Ally.

Napadaan sila sa isang overpass nang may matanawang matandang pulubi si Keenah. Umakyat ito roon kaya naman sinundan niya ito.

“Manang, wait!” tawag niya sa naturang pulubi. Marungis ang mukha nito at sobrang itim dahil sa grasa. Buhol-buhol na rin ang buhok nito.

Ganoon pa man ay biglang kumalabog nang matindi ang dibdib ni Keenah, dahil kahit ganito na ang hitsura nito ngayon ay hinding-hindi niya malilimutan ang hitsura ng taong nagmahal sa kaniya nang buong-buo.

Advertisement

Ang kaniyang Lola Korina!

Ganoon na lang ang pagkasabik ni Keenah at niyakap niya ito nang mahigpit!

Agad na iniuwi ng magpinsan ang kanilang lola. Binihisan, sinuklayan at pinakain nila ito nang masarap!

Nang matapos ito sa pagkain ay nagulat na lamang si Keenah nang bigla siya nitong yakapin at hagkan.

“Kamukha mo ang apo kong maganda,” anito sa kaniya.

Naiyak na lamang si Keenah habang si Ally naman ay ibinalita na sa madla ang nangyari.

Dumagsa ang tulong kina Keenah upang maipagamot si Lola Korina. Tila ngayon lamang naramdaman ng dalaga na nagbunga ang kaniyang mga mabuting gawi dahil natupad na ang halos ilang taon din niyang idinarasal.