Inday TrendingInday Trending
Instant Date ni Yaya sa Valentine’s Day

Instant Date ni Yaya sa Valentine’s Day

“Hi babe. Valentines Day na bukas! Date tayo ha? Nakapagpaalam ka na ba kay ma’am mo?” Iyan ang text ng nobyo ni Yaya Melda.

“Oo babe. Ready na ko, pumayag naman agad si ma’am. Pinayagan ka ba ni sir mo babe?” sagot naman ni Yaya Melda.

“Ano kulay ng damit mo babe bukas? Magpupula ako na polo ha,” sagot ng lalaki.

“Sige magpupula din ako babe. Ingat. Mwa mwa tsup tsup,” muling sagot ni Yaya Melda.

Si Yaya Melda ay trenta anyos pa lamang. Halos mahigit isang dekada na siyang namamasukan bilang kasambahay sa kanyang amo ngayon. Halos nakita na niyang nagsilakihan ang mga alagang niyang anak ng kanyang amo.

Sa paglipas ng panahon, hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Yaya Melda na makakilala pa ng ibang tao bukod sa mga tao sa subdivision. Hindi na rin ito nagkaroon ng kasintahan simula nang namasukan siya bilang kasambahay.

Umikot ang mundo sa buong pusong pag-aalaga at pag-asikaso sa kanyang amo at sa mga anak nito.

Kaya lubos na lang din ang kagalakan niya at kilig nang magkaroon siya ng textmate. Binigay ito ng kaibigan niyang yaya sa kabilang bahay. Matagal nang magkatextmate si Yaya Melda at si Leon na nakatira lamang pala sa kabilang subdivision.

At dahil mabilis na umaabante ang panahon natin ngayon ay naging magnobyo na si Yaya Melda at Leon kahit sa telepono pa lang sila nagkakakilala. Mabilis na nagkapalagayan ng loob ang dalawa lalo na at magkakabayan sila.

Kahit na may itinuturing na nobyo na si Yaya Melda, ay hindi pa rin niya napapabayaan ang kaniyang trabaho. Madalas nga ay tinutukso pa ito ng mga alaga niya para kiligin.

“Uy si Yaya Melda, pangiti ngiti pa habang may katext!” pang-aasar ng bunso niyang alaga na si Bonnie.

“Yaya Melda, ano ang tinawagan niyo ni Kuya Leon?” tanong naman ng dalaga niyang alaga.

“Ay nako, tigil tigilan niyo ko sa mga pang-aasar niyo na yan. Sige na at magsi-akyat na kayo at aalis daw kayo bukas bilin ng mama niyo,” depensang sagot naman ni Yaya Melda.

Bukas kasi ay Valentines Day na, aalis ang mga amo niya kasama ang mga anak nito para lumabas sa araw ng mga puso. Kaya napayagan rin siyang umalis bukas upang makapag-day off.

Medyo kinakabahan pero nasasabik si Yaya Melda na makita na at mayakap ang nobyo bukas.

“Goodmorning babe. Kita tayo mamaya ha? Sa may Waltermart,” text ni Leon kay Yaya Melda.

“Goodmorning! Sige babe. Ako naman ay magpupulang bistida,” sagot naman ni Yaya Melda.

Sabay sabay na lumabas ng subdivision ang mag-anak kasama si Yaya Melda at ibinaba na lang siya sa harapan ng Waltermart. Medyo napaaga nang dating si Yaya Melda kay nag-ikot muna ito sa loob ng pamilihan. Alas-dos ng hapon ay eksaktong nakabalik siya sa harap ng Waltermart at hinihintay na lamang ang mensahe ni Leon. Nag-aabang din siya ng nakapulang polo sa mga dumadaan.

“Babe, Nasa Waltermart na ako. San ka na?” text ni yaya Melda kay Leon.

“Leon?” isang text pa.

“Babe, papunta ka na ba? Kanina pa ako nandito,” sumunod na text ni Yaya Melda.

Hanggang lumipas ang ilang oras at ‘di na nagparamdam tawag or text man lang si Leon kay Yaya Melda. Sinubukan pa niyang hintayin ng ilang oras pa at baka nagkaroon lang ng biglaang pangyayari kay awala pa siya. Nalilipasan na ng gutom si Yaya Melda, at kasabay din nito ay ang pagdaan sa kanya ng mga magnonobyang masayang magkakahawak ang kamay habang naglalakad. Madaming pula at pusong lobo sa kalsada, mga nagtitinda ng mga bulaklak at tsokolate.

Lahat ng ito ay hindi pinapansin ni Yaya Melda, dahil walang humpay niya pa ring hinintay si Leon na dumating. Hanggang sa tuluyang sumuko na ito at inisip na wala na ngang Leon na darating.

Labis na nalungkot si Yaya Melda at nasaktan dahil hindi siya sinipot nung inaakala niyang nobyo niya. Hindi niya lubos maisip na iiwan siya sa ere nito. Sa sobrang pagdadalamhati at pagod kakahintay sa nobyong hindi naman sumipot ay naisipan na lang nito na kumain.

Naglalakad na siya papunta sa isang kainan, nang may nakita siyang mga bata na naka-upo at nakahiga sa gilid ng kalsda at nanghihingi ng limos. May mga ilang nag-aabot ng barya at may ilan naman na dinadaan-daanan lang sila.

Agad na lumapit si Yaya Melda sa kanila at tinanong ang mga ito…

“Kumain na ba kayo? Gusto niyo ba akong samahan kumain? Halika! Tara! Tumayo na kayo at punta tayo doon para kumain.”

Gulat na gulat ang mga bata. Bakas na bakas sa kanilang ngiti na sila ay natuwa at nasabik sa pag-aya sa kanila ni Yaya Melda na kumain.

Nahihiya man, ay sumunod sila kay Yaya Melda papasok sa kainan.

“Hoy labas kayo, bawal kayo dito,” sita ng guwardya ng kainan.

Agad namang sumagot si Yaya Melda.

“Kuya, mga kasama ko po sila. Kakain po kami dito. Sila po ang date ko ngayon. Salamat ho,” paliwanag ni Yaya Melda sa guard, na nagulat at napangiti sa sinabi ni Yaya.

Masayang umupo ang mga bata sa kainan, bawat isa sa kanila ay binigyan ni Yaya Melda ng isang pagkain at sila ay nagsalu-salo. At habang kumakain, ay hindi maiwasan ni Yaya Melda na mapangiti at kiligin sa knayng nakikita. Hindi na niya alintana ang ‘di pagsipot ng ka-date niya dapat ngayon, dahil para sa kanya ay mas masarap makita ang mga batang kasama ngayon na masyang kumakain. Para kay Yaya Melda, ito na ang pinakamasaya niyang Valentines Day.

Nang matapos kumain, dali-dali ay may pinitas na bulaklak ang isang bata at iniabot ito kay Yaya Melda at sabay-sabay sinabing…

“Maraming salamat po! Napakalaking bagay po nito para sa amin. Salamat po sa masarap na pagkain at sa isang masayang date. Happy Valentines Day po!”

Kahit pa nawarak ang puso ni Melda nang dahil sa panloloko at hindi pagsipot sa kanya ng inaasahang ka-text, lahat naman ito ay napalitan ng ngiti nang dahil sa pagtulong niya sa kapwa. Kahit pa kaliwa’t kanan ang mga nagde-date na mga magkasintahan, napagtanto ni Melda na ang araw ng mga puso ay hindi lang para sa mga pares na nagmamahalan, kundi para rin sa lahat ng mga taong may pusong tumulong sa mga nangangailangan.

Advertisement