Inday TrendingInday Trending
Sinugod ng Misis ang Kasamang Babae ng Mister; Pahiya Siya nang Malaman Kung Sino Ito

Sinugod ng Misis ang Kasamang Babae ng Mister; Pahiya Siya nang Malaman Kung Sino Ito

Simula pa lang ng relasyon ni Bert at Genie ay napakaselosa na ng babae, kahit wala namang dahilan ay madalas itong maghinala sa kaniya.

“Sino na naman ‘tong bago mong friend sa Facebook?” wika ni Genie.

“Wala, katrabaho ko iyan,” paliwanag ni Bert.

“Iunfriend mo yan, ayoko sa kaniya.”

Wala na ngang nagagawa si Bert kapag sinusumpong ng selos ang asawa, kaya’t para maiwasan ang away ay sinusunod na lamang niya ang gusto nito.

Sa sobrang paghihinala ni Genie ay madalas niyang sinisipat ang damit na hinubad ng asawa, inaamoy niya ito kung amoy babae at kung may bahid ng make-up, ni minsan ay wala naman siyang nakita.

“Saan galing itong relo mo? May nagregalo ba nito sayo?” usisa ng babae.

“Ah oo, bigay ‘yan ng boss ko, hindi niya daw kasi gusto ang itsura. Parang pambabae daw kaya binigay niya sa akin. Gusto mo sa ‘yo na lang?”

Minsang nagkaroon ng pagkakataon si Genie upang makita ang maliit na planner ng asawa. Nakita niya roon ang isang iskedyul para sa araw ng Biyernes, alas sais ng gabi.

“Dinner with Catherine Romero at Thalia’s Restaurant, 6pm.”

Labis na ikinaselos ito ni Genie, gayunman ay hindi niya kinompronta ang asawa. Nag-isip siya ng plano upang mahuli ito sa akto at hindi na makapagdahilan pa.

Ilang araw niyang pinagmasdan ang mga ikinikilos ni Bert. Lalo pang lumakas ang kaniyang hinala nang makitang bumili pa ito ng bagong damit at regalong pabango para sa babae.

“Humanda ka sa akin, oras na mahuli ko kayo ng kalaguyo mo, pagbubuhulin ko kayo,” bulong ni Genie sa sarili.

Dumating ang araw ng Biyernes at alas singko pa lamang ay naroon na siya sa lugar na pagkikitaan ng dalawa. Umupo siya sa pinakasulok na lamesa upang hindi siya makita ng asawa. Maya-maya pa’y dumating na si Bert.

“Hi, table for 2,” wika nito sa waitress.

Wala pa ang babaeng kikitain nito kaya’t umorder na si Bert ng makakain para sa kanilang dalawa. Inilapag niya ang maliit na paperbag sa kaniyang tabi saka pasulyap-sulyap na tinitingnan ang kaniyang orasan.

“Ah hindi kapa talaga makapaghintay na makita ang babae mo ha.” wika ni Genie sa sulok.

Makalipas ang 30 minuto ay dumating na ang babae, mayroon itong mahabang buhok at nakasuot ng pormal na damit. Nakangiti itong sinalubong ni Bert at saka inumpisahan ang kanilang pag-uusap.

Dahil sa may kalayuan ang lamesang kinaroroonan ni Genie ay hindi niya marinig ang kanilang pinaguusapan. Pinanood niya ang dalawa na kumain, nang makitang iniabot na ni Bert ang maliit na regalo ay saka siya tumayo at lumapit sa kanila.

“Sinasabi ko na nga ba, Bert! Ito ba? Ito ang babae mo?” sigaw niya, wala siyan pakialam kung pagtinginan na sila ng mga tao.

“Genie anong ginagawa mo, umupo ka nga,” wika ni Bert.

“I’m sorry but you must have misunderstood the situation,” sagot ng babae.

Hindi na napigilan ni Bert ang asawa sa pagwawala sa loob ng restaurant, natauhan lamang ito nang dumating na ang mga guwardiya at dinala siya palabas kung saan sinundan siya ni Bert.

“Nakakahiya ka, Genie! Kilala mo ba kung sino iyon? Iyon lang naman ang CEO ng kumpanyang nililigawan ng aming kompanya para sa isang bigating business project!” paliwanag ni Bert.

“Ah kaya pala may pagreregalo ka pang nalalaman?” wika ni Genie.

“Hindi mo ba naiintindihan? Hindi naman sa akin galing iyon, galing iyon sa kumpanya! Ang kailangan ko lang gawin ay kumbinsihin siya na tanggapin ang proposal namin.”

Hindi na nga nakasagot si Genie sa sobrang pagkapahiya. Maaring matanggal sa trabaho ang kaniyang asawa sa nangyaring iyon. Tahimik silang dalawa sa loob ng kotse habang pauwi. Makailang ulit na humingi ng tawad si Genie ngunit hindi siya sinasagot ni Bert. Makalipas ang tatlong araw ay kinausap siya nito.

“Genie, mag-asawa tayo, kailangan mong magtiwala sa akin, kung hindi ay paulit-ulit lang na mangyayari ang ganito,” wika ni Bert.

“Patawarin mo ako Bert, pangako hindi na mauulit, masyado akong praning, hindi ko naisip ang magiging epekto nito sa iyo,” sagot niya.

Natutunan ni Genie ang kahalagahan ng pagtitiwala niya sa kaniyang asawa at ang hindi padalos-dalos na paghihinala. Sa karanasan nilang iyon ay mas naging bukas ang mag-asawa tungkol sa mga nangyayari sa kanilang buhay upang maiwasan na ang hindi pagkakaunawaan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement