Inday Trending

Inday Trending

Pinagtangkaang Iligpit ang Inutil na Misis ng Kanyang Mister at Kabit Nito, May Nakahanda Pala Itong Patibong sa Kanila

Pinagtangkaang Iligpit ang Inutil na Misis ng Kanyang Mister at Kabit Nito, May Nakahanda Pala Itong Patibong sa Kanila
FamilyKarmaStories

Limang taon ng kasal si Gardo sa asawa niyang si Melissa ngunit kahit kailan ay hindi niya naramdaman na mahal niya ito. Ipinagkasundo lang kasi sila ng mga magulang nila sa isa’t isa para mapalaki pa ang negosyo ng dalawang pamilya. Bukod sa hindi niya mahal ang babae ay wala pa itong silbi dahil isa itong lumpo. Nahanap ng lalaki ang totoong pag-ibig sa katauhan ni Racela. Isang babaeng bayaran.

“Ilang araw kitang hindi nakita, kaya sabik na sabik ako sa iyo,” wika ni Gardo habang pinupupog ng halik ang babae.

“Ikaw naman kasi, kung hinihiwalayan mo na iyang misis mong lumpo, e ‘di sana ay araw-araw at gabi-gabi mo na akong kapiling!”

“Alam mo namang hindi puwede dahil malaki ang mawawala sa pamilya ko. Ang pamilya ni Melissa ang may hawak ng pinakamalaking share sa negosyo.”

“Ano, habang buhay na lang tayong ganito na palihim na nagkikita?” inis nitong tanong.

Pagkagaling sa kanyang kabit ay dumiretso na sa bahay ang lalaki. Napansin ng kanyang asawa ang palagi nitong pag-uwi ng hatinggabi.

“Anong oras na, Gardo at ngayon ka lang umuwi?” anito.

“A, e nagkasayahan pa kami ng mga ka-opisina ko,” palusot niya.

“Sana naman ay nagte-text o tumatawag ka man lang para hindi ako nag-aalala sa iyo.”

“Ano ka ba naman, Melissa? Kailangan ko pa bang i-text o itawag sa iyo kahit ang pag-utot ko?” inis niyang sabi sa asawa.

“Hindi naman sa ganoon. Ang akin lang ay magsabi ka kung saan ka pupunta o kung may pupuntahan ka ba o hindi pa makakauwi. Asawa mo ako, Gardo at may karapatan akong malaman iyon!”

“Bukas na lang tayo mag-usap at pagod na ako!” wika niya sa asawa sabay higa sa kama.

Napabuntong-hininga na lang si Melissa sa inasta ng lalaki.

Kinaumagahan ay napansin ni Melissa na may kausap sa cellphone ang mister. Tumatawa ito at halatang kinikilig sa kausap. Sa una ay hindi niya iyon pinapansin dahil baka kaibigan o kasamahan lang sa trabaho ang kausap ng asawa ngunit isang gabi ay nagising siya na mayroon na naman itong kausap sa cell phone. Pabulong pa ang pakikipag-usap nito kaya kinutuban na ang babae.

“Puwede ba, bukas na lang tayo mag-usap kapag nagkita tayo,” pabulong nitong sabi.

“Sino kaya ang palagi nitong kausap?” taka nitong tanong sa sarili habang palihim na nakikinig.

Ang akala kasi ni Gardo ay tulog na ang kanyang asawa pero hindi niya alam na nagtutulug-tulugan lang ito at nakikinig sa paakikipag-usap niya kay Racela sa kabilang linya.

Nang puntahan ng lalaki ang kanyang kabit ay nagulat siya sa sinabi nitong balita.

“Buntis ako, Gardo. Kailangan mo itong panagutan!” bunyag ni Racela.

“Ano? Hindi pa maaari! Malaking eskandalo kapang nalaman ito ni Melissa!” aniya.

“Makipaghiwalay ka na kasi sa kanya! Ano pa bang hinihintay mo, alam kong ako ang mahal mo at hindi ang inutil mong asawa. Mula nang makilala mo ako sa club ay ako na ang binabalik-balikan mo at hinahanap-hanap. Ako rin ang nagbigay sa iyo ng anak na hindi rin niya nagawa kaya bakit ayaw mo pa siyang iwanan? Kung hindi mo siya kayang hiwalayan sa santong dasalan, daanin mo sa santong paspasan!” wika ni Racela.

“Anong ibig mong sabihin?”

Nang umuwi si Gardo sa bahay ay malalim ang kanyang iniisip. Mahal na mahal niya si Racela at magkakaroon na siya ng anak rito ngunit malaking hadlang ang inutil niyang asawa para magsama sila ng kanyang kalaguyo. Ilang beses na pinag-isipan ni Gardo ang sinabi sa kanya kanina ng babae at humantong siya sa isang napakabigat na desisyon.

Kinagabihan ay palihim na pumasok ang isang lalaki na may suot na maskara sa kuwarto ng mag-asawa. May dala-dala itong patalim na nakasukbit sa tagiliran nito. Nakita nito na may natutulog sa kama at nakabalot iyon ng kumot. Agad niyang inilabas ang patalim at saktong sasaksakin ang nakahiga ay bigla itong nag-alis ng talukbong na kumot at tinutukan siya ng baril.

“Pulis ‘to! Ibaba mo iyang hawak mo!” utos nito.

Hindi makapaniwala ang lalaki na pulis ang nakahiga sa kama. Nagtangka pa siyang tumakas ngunit bago pa niya mabuksan ang pinto ay pumasok sa loob ng kuwarto ang dalawa pang pulis at tinutukan rin siya ng baril.

“Huli ka na, huwag ka nang magtangkang tumakas! Hubarin mo iyang maskara mo!” sabi ng isang pulis.

Wala nang nagawa ang lalaki kundi ang sundin ang utos ng mga ito. Hinubad nito ang suot na maskara at tumambad sa kanila ang mukha ni Gardo. Nagulat pa ang lalaki nang magpakita sa kanya ang asawang si Melissa.

“M-Melissa, paano mong nalaman?” taka niyang tanong.

“Akala mo siguro ay hindi ko malalaman ang masama mong balak sa akin! Hindi mo napansing naiwan mo kanina ang cell phone mo. Dahil malakas ang kutob ko na mayroon kang ginagawang kalokohan ay pinakialaman ko iyon at nalaman ko ang mga kahayupan niyo. Nabasa ko ang text message mo sa kabit mo na handa mo akong paslangin, magsama lang kayong dalawa at ang magiging anak niyo!” galit na wika ni Melissa.

“P-patawad, alam kong nagkamali ako…” nagsisising sabi ng lalaki.

“Hindi ka na pala masaya sa akin. Sana ay tinapat mo na lang ako na hindi mo ako mahal, na kahit kailan ay hindi mo ako kayang mahalin. Na gusto mo nang makipaghiwalay. Tatanggapin ko iyon, Gardo. Pero ang pagtangkaan ang buhay ko ay ibang usapan na. Kailangan niyong managot sa batas, kayo ng kabit mo!”

Hindi inakala ni Gardo na mabubuko ng kanyang misis ang tangka niyang pagpaslang rito. Sinabi kasi ni Racela sa kanya na ang pagkitil lang sa buhay ng asawa ang solusyon para magsama silang dalawa. Naisip nito na magpanggap na magnanakaw ang lalaki at paslangin ang sariling asawa para lumabas sa imbestigasyon na nilooban at pinaslang si Melissa ng isang magnanakaw ngunit hindi umubra ang napag-usapan nila ng kabit dahil pahamak ang naiwan niyang cell phone. Naunahan tuloy siya ng asawa at nagpapunta ng mga pulis sa bahay nila para hulihin siya. Kahit lumpo at inutil ang napangasawa ay mas mautak pa pala ito sa kanila.

Ipinaaresto rin ni Melissa si Racela dahil sa pagpaplano ng tangkang pagpaslang sa kanya. Imbes na magkasamang nagliliwaliw sina Gardo at Racela ay magkasama silang maghihimas ng malamig na rehas sa kulungan dahil sa kasalanang nagawa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories