Tinulungan ng Dalaga ang Isang Matandang Estranghero, Ito Pala ang Magbibigay ng Swerte sa Buhay Niya
Simula nang malulong ang kaniyang ama sa pagsusugal ay nalugi na ang negosyo ng pamilya ni Cindy, ang dating masagana at masaya nilang pamumuhay ay nagbago sa isang iglap, namamasukan ang kaniyang ama bilang isang empleyado ngunit kulang ang sinasahod nito pambayad pa lamang sa kanilang mga utang, dahil dito ay napilitan si Cindy na huminto sa pag-aaral at magtrabaho upang makatulong sa mga gastusin sa bahay at pagpapaaral sa kapatid na hayskul. Dahil wala pang karanasan sa trabaho ay natanggap lamang siya bilang isang part-time encoder, sa liit ng sahod niya dito ay hindi pa rin nagkakasya para sa kanilang mga gastusin.
Minsan siyang dumaan sa isang mall para magpalipas muna ng oras, sa paglalakad niya ay may nag-abot sa kaniya ng isang flyer ng condominium, sa kaniyang kyuryosidad ay kinausap niya ang babaeng nag abot nito.
“Ah miss, alam mo wala naman akong pambili nito eh, pero pwede ko bang itanong kung paano ka kumikita sa ganito?” wika niya.
“Ganun ba, nagbebenta kami ng mga condo kagaya ito at kung makakabenta kami ay malaki ang komisyon na nakukuha namin, depende sa kung gaano kalaki or karami ang nabebenta namin.” Sagot naman nito.
“Maari ba akong mag-apply diyan?”
“Oo naman, tamang-tama hiring ang kompanya namin ngayon para sa isang bagong proyekto, eto ipadala mo diyan sa email nayan ang resume mo.” Sabay abot kay Cindy ng calling card.
Tinanggap ito ni Cindy at agad siyang nagpadala ng kaniyang resume, natawagan naman siya para sa interview at nakapasa. Nagresign na siya bilang encoder at nagtrabaho bilang isang ahente, gayunman ay nahihirapan siyang makahanap ng mga kliyente.
“Grabe Cindy napakainit ng panahon ngayon, san ba tayo makakahanap ng buyer nito.” Wika ni Ella, ang palagi niyang kasama sa pamimigay ng flyers.
“Ano ka ba tiwala lang, basta abutan mo lang ang mga dumadaan diyan.” Sagot niya.
Sa loob ng isang buwan ay hindi nakabenta si Cindy, kapag umabot ng tatlong buwan at wala siyang naibenta ay matatanggal siya sa trabaho.
Isang gabi habang siya ay naglalakad pauwi ay may matandang lalaki na nasiraan ng kotse malapit sa kanilang opisina, dahil sa may kaunti siyang kaalaman sa makina ay agad siyang lumapit.
“Okay lang po ba kayo? Anong Problema?” Tanong niya dito
“Hindi ko kasi maaninag iha, madilim itong lugar na pinagtirikan ko.”
“Pwede ko po bang tingnan? Dati po kasi ay tinutulungan ko ang papa ko sa pag-aayos ng kotse namin, baka matulungan ko po kayo.” Wika niya.
Tiningnan niya ang makina at nakitang kulang lang sa tubig. Bumili siya sa pinakamalapit na bilihan at binalikan ang matanda. Inayos niya ito at matagumpay na nabuksan ang makina ng kotse. Laking tuwa ng matanda at sobrang pasasalamat nito sa tulong niya.
“Naku maraming salamat iha, kundi dahil sayo ay baka hindi na ako makakauwi ngayong gabi.”
“Wala pong anuman, magingat po kayo mauna na din ako.” Sagot niya
Kinabukasan habang siya ay namimigay ng flyers sa tapat ng opisina ay dumating ang matandang lalaki na may kasama pang mga kaibigan.
“Magandang umaga iha, ako yung tinulungan mo kagabi, nakita ko kasi ang ID mo kaya nalaman kong dito ka nagtatrabaho.” Wika nito
“Opo natatandaan ko po kayo, kamusta naman po ang sasakyan niyo?” naguguluhang tanong niya
“Ayos naman, napalitan ko na ang baterya, naparito lang ako dahil ipapakilala ko sana sayo etong mga kumpare ko. Mahilig bumili ng mga property ang mga ito at sa tingin ko ay magandang proyekto naman itong sa inyo.”
Halos mapasigaw si Cindy sa narinig at agad na niyaya ang mga ito sa loob ng opisina, binigyan niya sila ng isang presentasyon tungkol sa kanilang proyekto at natuwa ang mga ito sa kanyang ipinakita.
“Maganda ang proyektong ito iha, sa tingin ko ay kukuha ako ng unit.” Sabi ng isa
“Nagustuhan ko din ang presentasyon mo, babalik ako dito bukas para isama ang aking asawa.” Wika pa ng isa.
“Naghahanap din ako ng bagong unit para sa susunod kong negosyo, magbabayad ako ng pang reserba ngayon.” tugon pa ng isa.
“Naku mga Sir hindi po kayo rito magsisisi, maraming salamat po sa tiwala”, wika niya
Simula noon ay patuloy na nagpabalik-balik ang kaniyang mga kliyente upang ipakilala pa siya sa mga kaibigan nila, lumaki ng lumaki ang komisyon na natatanggap ni Cindy na kaniyang iniipon upang makapagsimula muli ng negosyo ang kaniyang pamilya.
Nagbukas siya ng isang talyer kung saan ang ama niya ang nangangasiwa at isang carinderia para sa kaniyang ina, pinagtuunan niya itong mabuti ng pansin upang hindi malugi habang siya ay patuloy na nagaahente. Mas malaki na rin ang perang naiaambag niya sa kaniyang pamilya, nang tumagal ay bumalik na siya sa pag-aaral at lalo pang pinagsumikapang palaguin ang kaniyang mga negosyo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!